Thursday, August 21, 2025

Be Like Gina, G sa Delata!

By ZJ R. Ortigoza

"We have to learn how to walk with kings and eat with paupers."

“Ibig sabihin, matuto tayong makihalubilo sa pinakamataas at matutong kumain kasama ng mga taong nasa laylayan.” Yan ang sabi sa akin ni Manay Gina de Venecia— isang payong ipinamana pa raw sa kanya ng kanyang mga magulang, sina Daddy Pinggot at Mama Nene kung tawagin niya. Simpleng salita, pero napakalalim. At sa bawat kilos at galaw ni Congresswoman Gina, ramdam mong isinasabuhay niya ito.

GOODIES FROM DSWD. Pangasinan 4th District Cong. Gina de Venecia (right) and the author partake their lunch composed of the cheap priced canned corned beef and loaf meat from the box of a relief box distributed by the Department of Social Welfare and Development to the poor folks affected by the calamity.


Isang araw na puno ng pag-abot ng tulong sa mga nasalanta ng baha at bagyo sa PD4 (Pangasinan District 4). Buong araw siyang umiikot, walang kapaguran, walang reklamo. Pero ang hindi ko inaasahan, sa likod ng lahat ng ito, sa dulo ng araw, makikita ko ang isang Kongresista na kumakain ng delata.

 Oo, delata. Star Corned Beef at Star Meat Loaf na worth 20 to 30 pesos.  Walang kamera. Walang pulitika. Walang palabas.

Noong nakita nya ako papaalis after ng relief operations sa kanilang tahanan sa Dagupan City, ay agad nya akong tinawag at inimbita na kumain. “Z.J, halika na, samahan mo ako kumain. Bago ka umalis, dapat may laman ang tiyan mo,” tawag sa akin ni Rep. De Venecia.

Hindi ako makapaniwala na ang anak ng founder ng sikat na Sampaguita Pictures, ang asawa ng dating 5-time Speaker of the House, at isang Kongresista, heto’t nakaupo, walang arte, kumakain ng delata at inaanyayahan akong makisalo. Walang ere. Walang pader. Walang pagitan. Parang nanay. Parang kaibigan.

Randam mo talaga na kahit isa ka lang sa karaniwang tao, pwede mong maramdaman na kasama mo siya na nakikinig, nakikiramay, at kaisa sa bawat hamon ng buhay

Habang kami’y kumakain, nagkuwento siya tungkol sa kabataan niya na simpleng buhay, puno ng kayod, puno ng saya.

“Noong bata ako, umaakyat ako sa puno. Nangunguha ng kaymito, santol, makopa. Nagbe-bake din ako ng cookies, tapos binebenta ko sa mga artista. Para may pambaon sa school.”

Nakakatuwang isipin — isang babaeng hinubog ng karanasan, hindi ng kapritso. Isang pusong walang yabang, pero puno ng malasakit.

Hindi ito nakapagtataka, dahil bago pa man siya naging kongresista, pinangungunahan na niya ang maraming adbokasiya. Noong 1992, bilang President at Chairperson ng Congressional Spouses Foundation, Inc. (CSFI), inilunsad niya ang tatlong institusyon: The Haven for Women, The Haven for Children, at The Haven for the Elderly — lahat para sa mga sektor na nangangailangan.

Noong 1997, pinirmahan niya ang isang Memorandum of Agreement kasama si DILG Secretary Robert Barbers para sa pagtatatag ng Women’s Desks sa bawat police station sa buong bansa. Boses para sa kababaihan. Tinig ng mga ina, kapatid, anak na babae sa oras ng krisis.

At sa isa sa mga pinakamadilim na yugto ng kanyang buhay — nang pumanaw ang anak niyang si KC — hindi siya tumigil bagkus, gumawa siya ng paraan para gawing ilaw ang kanyang sakit. Ipinanganak ang INA (Inang Naulila sa Anak) Foundation, at ang INA Healing Center, isang tahanan ng pag-asa para sa mga inang nagluluksa.

Hindi na natin iisa-isahin ang lahat ng kanyang maraming magandang nagawa para sa bayan. Pero kung may isang bagay na malinaw — si Manay Gina ay hindi lang public servant. Isa siyang ina ng bayan, kapiling sa lamesa man o sa delubyo. Kahit sino ka pa, basta may puso ka, kasama mo siya.

Kaya sana, sa mundo nating puno ng pagkakanya-kanya, piliin nating maging tulad ni Gina — simple, bukas-palad, at G sa delata, G sa masa, G sa pagmamahal.

Be like Gina! G sa tao! G sa serbisyo! G sa puso!

No comments:

Post a Comment