Tuesday, May 10, 2011

Programa ni VM Fernandez vs droga, napapanahon

NAIS ko pong bigyang pugay ang napakagandang proyekto na ilulunsad ni Vice Mayor Belen Fernandez ng Dagupan City ngayong darating na Mayo 13 at 21 sa CSI Stadia.

Sa programang ito kasi ay makikita natin kung paano binibigyan ng halaga ni VM Belen Fernandez ang mga kabataan sa kanyang lugar.  Ang proyekto ay tinawag niyang “Pasikatan sa Dagupan -- The Barkada Kontra Droga Talent Search.”

Bukod sa talent search, kasama din sa naturang proyekto ang mga sports competition, recycling, brigada eskwela, tree planting at marami pang iba.  Tunay na kapaki-pakinabang nga ito para sa mga mamamayan ng Dagupan City lalo na para sa mga kabataan dito.

Ito ay ilulunsad sa pangunguna ni VM Belen Fernandez kasama ang Sangguniang Panglungsod sa pakikipagtulungan ng Dangerous Drugs Board at DepEd.

Maganda ang programang ito dahil bukod sa mailalayo na ang mga kabataan ng Dagupan City sa bisyo lalo na sa iligal na droga ay lalabas at malilinang pa ang mga talento ng mga ito sa maraming aspeto.

Naalarma po kasi si VM Belen Fernandez sa mga lumalabas na balita at mga dumarating na sumbong sa kanya na dumarami na ang nagtutulak ng droga sa kanyang siyudad.  Kaya agad din niyang ipinagbigay alam ito sa pamunuan ng PDEA Region 1 na si Dir. Opeña at sa inyong lingkod.

Agad namang tinawagan ng inyong lingkod si Dir. Opeña upang sabihin ang mga problemang ito ng Dagupan City gayundin ang sa Urdaneta City.  Maraming beses na ring tinawagan natin ang pansin ni Dir. Opena sa ating radio program at kolum ngunit mistulang natutulog na mantika pa rin ito!

Dumating pa nga ang pagkakataon na pinakausap ko pa kay Opeña ang mga vice mayor ng dalawang siyudad ngunit hindi pa rin natin makita ang aksyon nito sa Pangasinan hanggang sa kasalukuyan.

Ipinarating din natin sa director general ng PDEA na si Usec. Jose Gutierrez ang mga problemang ito at tayo ay kanyang binigyang kasiguruhan na ito ay tinatrabaho ng ahensya at naghihintay lamang ng tamang oras. Sana ay dumating ang tamang oras sa mas lalong madaling panahon upang maputol na ang matagal-tagal na ring problemang ito ng droga sa nasabing dalawang siyudad.

Sa kadahilanang ito ay agad na umaksyon si VM Belen sa problema at nakipag-coordinate sa ating opisina kaya agad naman tayong umagapay sa kanya.  Si VM Belen Fernandez kasi ay masipag at gusto ng aksyon agad kapag may problema kaya tayo ay bilib sa lider na ito.  Kahit na kulang ang aksyon ng mga law enforcement units ay makikita natin ang inisyatibo nya para pilit mabigyan ng lunas ang problema.

Sana  lahat ng mga lokal na opisyal ng siyudad at munisipyo sa ating bansa na may problema sa droga ay may inisyatibo din kagaya ni VM Belen Fernandez.

Kaya para kay Vice Mayor Belen Fernandez, Mabuhay ka!  Kami sa Dangerous Drugs Board ay laging nasa likod mo!

* * *

Tayo ay natutuwa sa mga nakakarating sa ating balita na nagkakaroon na daw ng pagbabago sa Bureau of Customs.  Bukod sa mataas na daw kasi ang pinagbabayarang buwis ng mga importer sa ngayon ay hinuhuli na daw ni Commissioner Alvarez ang mga nagpapalusot ng mga misdeclared na kargamento.

May nakarating din sa ating mga balita na kagaya nung panahon namin sa PASG nang pinaghuhuli namin ang mga dumarating na smuggled na sibuyas ay ganun din ang kanyang ginagawa sa ngayon sa pakikipagtulongan ni Dept. Of Agriculture Secretary Proceso Alcala kaya natutuwa naman ang ating mga onion-growers sa bansa.

Nalaman din natin na hindi daw kinukunsinte ni Commissioner Alvarez ang mga dorobo dyan sa kanyang bakuran na kahit tao niya basta nangotong ay agad niyang tinatanggal.

Kagaya nang lagi kong sinasabi, kung ganyan lagi ang aking naririnig, Komisyoner, ay puro papuri ang magiging laman ng aking kolum sa iyong performance.

Ngunit may maugong na balita na may mga grupo daw ang isang mataas na opisyal na nag-uumpisa nang maghasik ng lagim at gustong kumontrol sa Aduana.

Kung totoo ito ay magiging problema ito ni Komisyoner dahil baluktot na daan ang gusto nitong grupong ito.

Kaya ang aking payo sa ’yo Komisyoner ay gawin mo lang ang trabaho mo at paghuhulihin mo ’yang mga kargamento na kanilang ipapasok. At saka mo sila isumbong kay P-Noy dahil tiyak na hindi alam ni P-Noy ang kanilang mga ginagawang kalokohan.

Huwag kang pasindak, pa-pressure at pa-bluff sa mga iyan dahil sigurado ako na hindi kukunsintihin ni P-Noy ang mga ’yan!

Sa panunungkulan sa gobyerno, meron at meron kang masasagasaan na mataas na tao na susubukin kung hanggang saan ang iyong paninindigan. Noong head PASG ako hindi ako umatras sa kahit anong laban kaya marami kaming naging kaaway.

Kapag nasa tama ka, huwag kang matatakot na banggain ang kahit sino dahil as public servant, trabaho mo na isipin ang kapakanan ng gobyerno at ng mamamayan at hindi lamang ang kapakanan ng iilan.

* * *

Ating pinupuri ang PDEA-Intelligence and Investigation Service (IIS) sa pangunguna ni Director Jigger Montallana sa kanilang matagumpay na pagkakahuli sa isang Nigerian at isang Korean national noong Martes ng umaga.

Nahuli sa isinagawang buy-bust operation sa isang fastfood sa Matalino Street panulukan ng Malakas St. sa Quezon City sina Samuel Egbo, 34, Nigerian national, at Yunji Choi, 22, Korean national.

Ang dalawa ay pinaniniwalaang mga miyembro ng West African Drug Syndicate (WADS).

Nahulihan ang mga suspek ng kalahating kilong cocaine na nagkakahalaga ng P2.5 milyon.  Ayon kay PDEA Director General Jose  Gutirrez Jr., ginagamit ngayon ng WADS ang mga Korean national para mai-divert ang atensyon ng mga otoridad.

Base din sa impormasyong galing sa confidential informant ng PDEA, si Egbo ay isa sa mga facilitators sa pag-recruit ng Filipina drug couriers, kasama na dito si Elizabeth Batain, isa sa tatlong kababayan natin na nabitay sa China nung March 30, 2011.

May report din tayong natanggap na ang dating nahuli noon na miyembro ng WADS ay nahuli rin at binitay na sa China.  Sana’y magtuluy-tuloy na rin ang huli ng mga miyembro nito na nasa ating bansa sa ngayon upang mabawasan na ang mga uod na sumisira sa ating mga kabataan!

Para sa PDEA-IIS, keep up the good work at isang saludo mula sa inyong lingkod!

* * *

Dahilan sa inilabas na pahayag ng isang dyaryo na ang probinsya daw ng Palawan ay pang-apat sa Pilipinas pagdating sa usaping droga, si Governor Baham Mitra ay agad nagtanong sa aming tanggapan sa Dangerous Drugs Board kung ang balitang ito ay nagmula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Agad ko itong pinabulaanan matapos makausap ang mga opisyales ng DDB at PDEA. Maaaring nagkaroon po lamang ng “miscommunication.” Una ko itong binanggit sa kolum na ito na lumabas nitong nakaraang Martes.

Habang ginagawa ang kolum na ito, natanggap din natin ang pabalita ng PIA-Palawan na walang kinalaman si PDEA Agent Allan Peneyra sa nasabing isyu at kasama sa pabalitang iyon ang press release na kanilang ginawa na naglalaman patungkol sa information campaign na ginagawa ng PDEA laban sa iligal na droga at pagiging drug courier.
Ang Palawan ay isa sa mga paboritong puntahan ng mga turista sa Pilipinas at hindi maganda para sa ating turismo kung may isyung ganito.  Bagama’t sa naging pakikipagpalitan ng kuro-kuro kay Gov. Mitra, malinaw na walang opisyal na deklarasyon ang DDB o PDEA sa status ng Palawan sa usaping droga.

Natutuwa ako at bagama’t maayos ang sitwasyon sa Palawan, ipinagbigay-alam pa rin sa atin ng butihing gobernador ang kanyang intensyong mas mapabuti pa ang seguridad at katahimikan ng Palawan at hangaring matulungan ng Dangerous Drugs Board sa kampanya laban sa bawal na droga.

Para kay Gov. Mitra, hihintayin ko ang inyong pormal na liham-kahilingan para sa  programang maaaring makatulong ang DDB. Hangad namin ang makatulong sa mga lugar na determinadong suportahan ang kampanya ng pamahalaan laban sa bawal na gamot. Binabati ko din si Mayor Hagedorn ng Puerto Princesa na matagal na nating kaibigan at nag-iimbita upang dalawin ang kanyang siyudad.

* * *

Binabati ko ang bagong pinuno ng PNP-AIDSOTF na si Police Director General RAUL CASTAÑEDA na isang abogado at mula sa PMA Class 1978.

Magkaiba man ang kanilang personalidad, naniniwala tayo na pareho naman ang kanilang sipag at galing ng aking kaibigan at dating AIDSOTF chief na si Gen. Benjamin Belarmino na ngayon ay itinalaga bilang Deputy Chief for Administration ng PNP.

Inaasahan nating tuluy-tuloy ang sigasig ng PNP-AIDSOTF sa kampanya laban sa droga sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Castañeda. Mula sa amin sa Dangerous Drugs Board, congratulations to Gen. Belarmino and Gen. Castañeda!

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. )

No comments:

Post a Comment