NAKAPANGHIHINAYANG naman ang pag-re-resign ni General Ernesto “Totoy” Diokno bilang director ng Bureau of Corrections. Matagal ko nang kilala si Direktor Diokno at naniniwala ako sa kanyang tapang, prinsipyo, galing at kakayahan sa pamamalakad. Ang nangyaring gusot sa National Bilibid Prisons (NBP) na kinasasangkutan ni dating Batangas Governor Jose Antonio Leviste na nahuling nasa labas ng kulungan ng walang kaukulang court order o “pass” mula sa Department of Justice (DOJ) ay di dapat na isisi kay Diokno. Matagal na ang ganitong balita tungkol sa mga may kayang preso sa NBP at ito ay inabutan na lamang ni Director Diokno.
Kung mayroon man siyang inabutang ganyang problema sa NBP sa ngayon ay naniniwala ako na kaya niyang tapusin at bigyang lunas ang problema dahil magaling na “trouble-shooter” ito.
Sa aking paniniwala, kung nagkaroon lamang si Diokno ng panahon at pagkakataon ay kaya niyang baguhin at isaayos ang sistema sa lahat ng mga pambansang piitan. Lalo na at sana ang gusto nating nabago niya ay ang sistemang nagkaugat na at mistulang kultura na sa NBP.
Mabuti naman at sa ginawang imbestigasyon ng DOJ ay lumabas na walang pagkakasala si Director Totoy Diokno!
* * *
Pinupuri natin si Director Edgar Apalla ng PDEA-Cordillera Administrative Region (CAR) sa kanilang magkahiwalay na matagumpay na operasyon laban sa iligal na droga.
Nahuli ng PDEA-CAR ang mga suspek na sina Kamar Makalandap alias “Lia” at Jamaloding Ali Niak Alias “Michael” sa isang entrapment operation sa Km.3 La Trinidad, Benguet.
Ayon sa PDEA, pagbebenta ng sandals at dvd ang ‘front’ ng mga suspek sa kanilang pagbebenta ng shabu. Ang dalawang suspek umano ay nasa target list dahil ang mga ito ay notorious na tulak ng shabu sa Baguio City at La Trinidad, Benguet.
Ang mga suspek ay nahuli matapos magbenta ng 22.31 grams ng shabu sa isang poseur-buyer. Ang drogang nahuli ay nagkakahalaga ng humigit kumulang P250,000.
Naiulat din na si Makalandap ay nagpakilala umanong Intelligence Officer ng Cordillera Intelligence Association Group (CIAG). Ang supply na shabu ng mga suspek ay nanggagaling daw sa kanilang source sa Maynila.
Iniimbestigahan na rin ng mga otoridad kung sila ay kabilang sa sindikato ng droga na nag-ooperate sa komunidad ng mga Muslim sa Crystal Cave, Baguio City.
Kasong Violation of Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), in relation to Section 26b (Conspiracy to Sell Dangerous Drugs), Article II of RA 9165, o mas kilala bilang “The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang mga kasong isinampa laban sa mga suspek.
Samantala, agad namang rumesponde ang pinagsanib na pwersa ng PDEA-CAR, Benguet Special Enforcement Team at Kibungan Police sa tawag ng may-ari ng coffee shop sa Kibungan, Benguet. Naalarma kasi ang may-ari sa tatlong kustomer na nag-iwan ng bag na naglalaman daw ng marijuana sa kanyang coffee shop.
Binuksan ng mga otoridad ang bag at nakita ang limang bricks ng marijuana na tumitimbang ng humigit-kumulang 8,850 grams. Patagong hinintay ng mga operatiba na bumalik sa coffee shop ang tatlong kustomer ngunit wala nang lumutang sa mga ito.
Para sa PDEA-CAR at iba pa nating kakampi diyan sa probinsya ng Cordillera, congratulations for a job well done! Mabuti naman kahit masarap at nakakaantok ang klima diyan sa lugar niyo ay hindi niyo nakakatulugan ang inyong trabaho!
* * *
Isa ring buy-bust operation kamakailan ang isinagawa sa pinagsanib pa ring pwersa ng Police Station 2, Santiago City Police Office sa pangunguna ni PS Insp. Benigno Asuncion, kasama ang mga operatiba ng RAIDSOTG Region 2 at PDEA-Reginal Office.
Ang nahuling suspek ay si Efren Agonoy, 27, nakatira sa Mabini, Purok 3, Santiago City. Samantalang nahuli naman sa ‘pot session’ sina Ronaldo Roxas, Raymund Santos, Redelyn Ramos at Jackilyn Garcia.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 12 transparent sachets na pinaghihinalaang naglalaman ng shabu na may timbang na 25 grams at marked money na nagkakahalaga ng P1,200.
Paglabag sa kasong RA 9165 ang kakaharapin ng mga suspek.
Para sa Santiago City Police Office, RAIDSOTG2 at PDEA-R02, keep up the good work! Mas magiging epektibo talaga ang ating kampanya laban sa salot na droga kung ganyang nagkakaisa ang mga law enforcement agencies ng ating gobyerno!
(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph )
No comments:
Post a Comment