Batay sa pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas
(BSP), kalahati ng gastusin ng mga kapatid nating mangingisda ay napupunta lang
sa gasolina at mga kailangang supply sa tuwing sila’y pumapalaot. Ngayong
patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, lalo pang nadagdagan ang
bigat na pinapasan ng mga mangingisda.
Tapos sasabayan pa ito ng plano ng gobyerno na
mag-angkat ng galunggong upang mapababa ang presyo ng isda sa ating mga
palengke.
Sa planong
ito ng gobyerno, lalo pang maaapektuhan ang kita at kabuhayan ng mga
mangingisda.
Sa pagpasok ng mga inangkat na galunggong, mababawasan
ang iuuwi nilang pera sa kanilang pamilya.
Kaya iginiit
ni Senador Bam Aquino na dapat munang tulungan ng pamahalaan ang mga
mangingisda na madagdagan ang kanilang huli at mabawasan ang gastusin sa halip
na unahin ang planong pag-aangkat ng galunggong.
Paliwanag ni
Senador Bam, nalulunod na ang mga kababayan nating mangingisda sa taas ng
operational cost, kaya bumababa ang kanilang kita. Sa halip na tutukan ang
planong importasyon, iginiit ni Sen. Bam na dapat maghanap din ng ibang paraan
ang pamahalaan para mapababa ang presyo ng bilihin at serbisyo nang hindi
tinatamaan ang ibang sektor.
Isinusulong din ni Sen. Bam na bigyan ng pamahalaan
ng tulong ang mga mangingisda, tulad ng Pantawid Pasada Program para sa jeepney
drivers, upang tulungan sila sa gastusin sa gasolina at iba pang gamit. Isa
pang tulong na maibibigay ng gobyerno ay ang pagsuporta sa Senate Bill No. 1798
o ang Bawas Presyo Bill ni Sen. Bam.
Sa
panukalang ito, sususpindihin ang excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law
kapag ang lumampas ang average inflation rate sa taunang inflation target sa
loob ng tatlong buwan. Paliwanag ni Sen. Bam, mahalaga ang agarang pagpasa ng
panukala dahil may nakatakda na namang pagtaas sa excise tax sa petrolyo sa
ilalim ng TRAIN Law sa Enero 2019. Kapag hindi napigil ang pagpapatupad ng
excise tax, panibagong bigat na naman ito para sa mga jeepney driver, tricycle
driver at pati na rin sa mangingisda. (P.R NEWS)
No comments:
Post a Comment