Monday, August 27, 2018

KUBA NA ANG PINOY FISHERMEN



Batay sa pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), kalahati ng gastusin ng mga kapatid nating mangingisda ay napupunta lang sa gasolina at mga kailangang supply sa tuwing sila’y pumapalaot. Ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, lalo pang nadagdagan ang bigat na pinapasan ng mga mangingisda.
Tapos sasabayan pa ito ng plano ng gobyerno na mag-angkat ng galunggong upang mapababa ang presyo ng isda sa ating mga palengke.
 Sa planong ito ng gobyerno, lalo pang maaapektuhan ang kita at kabuhayan ng mga mangingisda.

Sa pagpasok ng mga inangkat na galunggong, mababawasan ang iuuwi nilang pera sa kanilang pamilya.
 Kaya iginiit ni Senador Bam Aquino na dapat munang tulungan ng pamahalaan ang mga mangingisda na madagdagan ang kanilang huli at mabawasan ang gastusin sa halip na unahin ang planong pag-aangkat ng galunggong.

 Paliwanag ni Senador Bam, nalulunod na ang mga kababayan nating mangingisda sa taas ng operational cost, kaya bumababa ang kanilang kita. Sa halip na tutukan ang planong importasyon, iginiit ni Sen. Bam na dapat maghanap din ng ibang paraan ang pamahalaan para mapababa ang presyo ng bilihin at serbisyo nang hindi tinatamaan ang ibang sektor.
Isinusulong din ni Sen. Bam na bigyan ng pamahalaan ng tulong ang mga mangingisda, tulad ng Pantawid Pasada Program para sa jeepney drivers, upang tulungan sila sa gastusin sa gasolina at iba pang gamit. Isa pang tulong na maibibigay ng gobyerno ay ang pagsuporta sa Senate Bill No. 1798 o ang Bawas Presyo Bill ni Sen. Bam.
 Sa panukalang ito, sususpindihin ang excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law kapag ang lumampas ang average inflation rate sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan. Paliwanag ni Sen. Bam, mahalaga ang agarang pagpasa ng panukala dahil may nakatakda na namang pagtaas sa excise tax sa petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law sa Enero 2019. Kapag hindi napigil ang pagpapatupad ng excise tax, panibagong bigat na naman ito para sa mga jeepney driver, tricycle driver at pati na rin sa mangingisda. (P.R NEWS)

No comments:

Post a Comment