Wednesday, June 15, 2011
Pagkilos ng DDB ukol sa HIV drug abuse
HINDI maihihiwalay ang usapin ng droga mula sa usaping pangkalusugan.
Hindi lingid sa Dangerous Drugs Board (DDB) ang pangangailangang magkaroon ng kongkretong programa na nakatuon sa mga injecting drug users.
Naitala ng Department of Health (DOH), kasama ng Philippine National AIDS Council (PNAC) ang pagtaas ng kaso ng HIV-AIDS sa hanay ng mga injecting drug users sa Cebu City. Bagama’t ito’y nakakabahala, hindi tayo humihintong magpursigi upang makatugon sa bagong hamon na ito sa kampanya laban sa droga.
Kabilang ngayon sa tinitingnang solusyon ang patuloy at pagpapaigting ng ating drug abuse prevention campaign -- at pagdaragdag sa usapin ng HIV-AIDS at injecting drug use bilang talakayin.
Nais nating maunawaan ng nakararami ang relasyon ng pag-abuso ng ipinagbabawal na gamot at sa pagsalin ng HIV-AIDS.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng aming ahensya, ang DDB sa DOH at PNAC upang mapag-aralan ang pagpapatupad ng programa akma sa HIV epidemiological context at socio-cultural environment ng ating bansa para makapagsagawa tayo ng akma at napapanahong mga alituntunin tungkol sa injecting drug use at sa programa ng needle-syringe management sa bansa.
Ang pagtatayo ng mga rehabilitation centers para sa mga may espesyal na pangangailangan, katulad ng mga injecting drug dependents, ay tinututukan na rin ng ahensya. Mas pinapalawak namin ang sakop ng mga grupong maaaring matulungan at maisalba mula sa pagiging gumon sa droga.
Ang lahat ng kilos ng DDB ay nag-ugat sa masusing pag-aaral ng aming mga researchers at pag-analisa sa kontekstong panlipunan ng mga focal persons ukol sa HIV-AIDS at injecting drug use.
Patuloy rin ang pag-susuri ng DDB, sa pangunguna ng inyong lingkod, kung paanong makakatulong tayo sa mga nabiktima ng HIV-AIDS at nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Lalo pang pinalalawak ng DDB ang sakop ng diskusyon sa iligal na droga at adiksyon -- kasama pa rin ito sa battlecry ng aming ahensya sa taong ito na, “Broadening perspectives on the anti-drug abuse advocacy.”
* * *
Nakakaalarma na talaga ang lumalabas na balitang ginagawa nang “transit point” ng iligal na droga ang ating bansa.
Biruin mo ba namang may mga report pa rin tayong natatanggap na may mga kababayan pa rin tayong ‘drug mules’ na nagdadala ng droga sa ibang bansa partikular na sa Middle East.
Maaaring makukumpirma rin ito ni Senator Jinggoy Estrada, dahil noong panauhing pandangal siya sa Philippine Embassy sa Qatar ay may lumapit sa kanyang dalawa nating kababayan na nagsusumbong at nagpapatulong sa kinakaharap nilang drug smuggling case.
Anak ng pitong tipaklong! Katitigas talaga ng ulo ng iba nating mga kababayan! Makailang ulit na tayong nagpaalala laban sa mga istilong ginagamit ng mga nanghihikayat sa drug mules. Makailang ulit na rin tayong nanawagan at nagbigay ng impormasyon sa publiko para hindi sila mabiktima ng mga drug syndicates.
Ngunit bakit may mga nakikipagsapalaran pa rin? Dahil wala silang makuhang magandang trabaho sa ating bansa? Hindi pa ba sila natuto sa sinapit ng tatlo nating kababayan na naparusahan ng bitay kamakailan lamang?
Kahit gaano kahirap ang buhay nandiyan pa rin ang karapatan ng tao na pumili sa trabahong gusto niyang pasukin. Huwag nating ibunton sa gobyerno ang sisi kapag nahihirapan tayo sa buhay dahil tayo ang pangunahing gumagawa, pumipili at kumukontrol sa ating buhay.
Matitigas lang talaga ang ulo ng ating mga kababayan na kahit alam na nilang mabigat ang parusa kapag nahulihan sila ay tuloy pa din sila sa kanilang iligal na gawain dahil sa pera!
Kailangan na talagang ibalik ang parusang kamatayan para magdalawang isip na pumasok sa pagtutulak ng droga ang ating mga kababayan. Kailangang iparamdam natin ang kamay na bakal ng batas sa pagsugpo sa iligal na droga.
Kailangang pag-ibayuhin din natin ng pagbabantay sa ating mga paliparan at pantalan upang hindi naman tayo nakakahiya sa ibang bansa. Mantakin mo naman ang malaking kahihiyan na idinudulot ng mga nahuhuling droga sa mga kababayan natin sa ibang airport.
Lumusot sa ating paliparan at nahuli sa paliparan ng ibang bansa, dalawa lang ang ibig sabihin, una ay bulok ang mga kagamitan sa ating paliparan at ikalawa ay may kasabwat sa ating paliparan kaya nakalusot ang iligal na kargamento. Dalawang magkaibang dahilan ngunit parehong sampal sa ating bansa at mamamayan ang idinulot.
Kailangan na natin nang mas pinaigting na pagbabantay at pagtutulungan ng lahat ng ahensya ng gobyerno upang makabangon naman ang ating bansa sa kahihiyan!
Kailangan na nating mas pag-ibayuhin ang kampanya gamit ang kamay na bakal ng batas upang mapatigil na natin ang pagkalat ng salot na droga!
Kailangang kumilos na tayo ng sama-sama upang mapag-tagumpayan nating maprotektahan ang ating mga kabataan at pamilya!
Kailangan na nating kumilos NGAYON!
(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o ’di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph )
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment