MAGANDA ang programa ng DepEd na pag-asiste sa mga magbabalik eskuwela ngayong darating na pasukan. Ngunit marami rin ang nakikitang balik-problema na paulit-ulit namang nararanasan tuwing sasapit ang pagbubukas ng klase.
Isang paulit-ulit na problema ay ang kakapusan ng guro na ayon sa ulat ay mangangailangan tayo ngayong pasukan ng mahigit 100,000 para sa elementarya kasama na rito ang magtuturo sa kindergarten.
Inaasahan kasi na 1.9 milyong estudyante ng kindergarten ang magsisimulang pumasok ngayong pasukan. Nakatutuwa ring banggitin na ang pag-uumpisa ng kindergarten ay may bahaging “balikatan” kung saan kilala ang mga Pinoy.
May mga kindergarten classrooms kasi na naumpisahang mabuo sa pamamagitan ng donasyon ng ating mga kababayan tulad ng mga aklat at mga laruang kapaki-pakinabang na kinakailangan sa loob ng isang silid-aralan partikular para sa kindergarten.
Ang kakulangan naman sa silid-aralan at palikuran ay isa nang normal na problema sa ating mga pampublikong paaralan kung kaya’t kabahagi ng DepEd ang mga lokal na gobyerno sa pagsasaayos ng mga ito.
Bukod sa kakulangang ito, nakikita rin ang kakambal na problema sa kalusugan na maaaring makuha ng mga mag-aaral tulad ng pagsisiksikan sa loob ng silid-aralan, mainit na kapaligiran at impeksyon na maaaring idulot ng kakulangan sa palikuran.
Sa totoo lang, mayroong humigit-kumulang sa pitong milyong bata ang hindi makapag-aaral ngayon sa kabila ng tulong na ginagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) na Diskuwento Caravan.
Sa Diskuwento Caravan, maibibili na ang isang estudyante ng mga gamit sa paaralan kasama na ang isang pares ng uniporme sa halagang P200! Ngunit nakalulungkot pa rin sapagkat sa kabila ng programang ito, marami pa rin ang hindi makapag-aaral sapagkat sa halip na ibili ng gamit pang-eskuwela ang kanilang P200, uunahin munang gamitin ang pera sa panlaman ng sikmura!
Sa mga problemang ito ng balik-eskuwela, makikita natin ang pangangailangang maipasa ang batas ukol sa Reproductive Health o ang tanyag na RH Bill. Kung iisiping mabuti, bakit kahit sa halagang P200, hindi pa rin maaaring makapag-aral ang anak ng isang pamilyang mahirap?
Simple lang ang kasagutan dito: Kasi hindi prayoridad ang pag-aaral ng anak sa isang mahirap na pamilya. Bakit? Kasi hindi naman puwedeng kainin at makabusog ang gamit pang-eskuwela!
Sa halip na ibili ng gamit, pantawid-gutom muna para sa sunud-sunod na mga anak! ’Yan ang katotohanang gusto nating matanggap ng simbahang Katoliko na hindi na talaga kayang buhayin ng mga magulang ang dumaraming anak!
Ang wala sa pagpaplanong pag-aanak ay nangangahulugan ng sirang kinabukasan! Hindi pa po ba malinaw ito sa ating mga kaparian?
Ang RH Bill po ay hindi kikitil ng buhay, sa halip ito ay tutulong magplano ng pamilya upang hindi magkaroon ng sunud-sunod na mga anak sa tamang panahon!
Kaya po ipinakita natin sa simula ng kolum ko kung paano nag-uugnay ang pataas na pataas na bilang ng populasyon sa paghihirap ng ating bansa! Hindi na po kaya ng gobyernong tustusan ng buo ang lahat ng ating pangangailangan!
Ang minsang feeding program ay hindi makatutugon sa habang-buhay na paghihirap ng isang ordinaryong mahirap na pamilyang Pilipino. Kailan pa natin silang tulungan upang mabawasan ang hirap na kanilang kinasasadlakan dahil sa maling interpretasyon ng paniniwala?
Maging ang DepEd ay umaaming hindi sapat ang kanilang pondo para sa lahat ng pangangailangang edukasyon sa buong bansa, bakit hindi ito maunawaan ng ating simbahang Katoliko?
Uulitin ko lang po ang simpleng prinsipyo na dapat gamitin ng ating mahihirap na kababayan: NASA DIYOS ANG AWA, NASA TAO ANG GAWA. Ang Diyos po ay walang tigil sa paggabay sa kanyang nasasakupan, ngunit bilang tao tayo ay dapat maging responsableng tumugon sa ating obligasyon.
Kung hindi kayang mag-anak ng marami at walang trabaho, siguro puwede na muna ang isang anak. Kung dumating ang panahon na sa palagay ay kaya nang pumondo para sa dalawang anak na pakakainin at pag-aaralin, puwede na sigurong magdagdag ng anak.
May pagkakataon din na ang ating mga kabataan ay nagiging “dalagang-ina” dulot man ng isang relasyon o hindi sinasadyang pagniniig. Meron ding mga kababaihan na walang pakialam sa kanyang sarili at papalit-palit ng lalaki at kung mabuntis ay hindi man lamang alam kung sino ang amang kikilalanin!
Ang tinutukoy natin dito ay ang mga sanggol na kanilang isisilang nang wala sa tamang panahon sapagkat sila ay hindi inaasahan o walang pamilyang magigisnan na tunay na kakalinga sapagkat sila ay ang tinatawag nating “unwanted babies.”
Ano ang mangyayari sa mga “unwanted babies” na ito? Kung hindi sa bahay-ampunan ay sa mga kalsada sila lalaki dahil ang kumupkop sa kanila ay sindikato upang maging miyembro at gamitin sa kanilang panglilimos? Tulak ng droga? Mandurukot?
Ito po ba ang prinsipyong “HUMAYO KAYO AT MAGPAKARAMI?” Para itong isang awit na pilit nating kinakanta ngunit hindi natin alam ang tono!
Maaari naman kasing hindi maputol ang kaligayahan ng isang mag-asawa kahit na nagpaplano ng pamilya. Mas maganda ang may plano, napangangalagaan ang kalusugan ng kababaihan sa halip na walang pakundangang pag-aanak at hindi mapapakain at mabibigyan ng kinabukasan.
Ako po ay isa ring Katoliko ngunit hindi ibig sabihin kinakalaban ko ang simbahan sa paniniwala ko at bilang pro-RH Bill. Nais ko lamang suportahan ang magandang programang ito na alam kong makatutulong nang malaki sa mahihirap nating kababayan na siyang direktang apektado sa problema ng tumataas na populasyon ng bansa!
* * *
May mga natatanggap po tayong mga sumbong na grabe na naman daw ang mga hinihinging “tara” o lagay ng mga taga-BOC mula sa mga importer ng sasakyan.
Sabi nga sa kanilang hinaing, masyado na silang kawawa dahil sa bawat isang imported na sasakyan ay P350,000 ang “tara” na hinihingi ng tauhan ng BOC. Tapos ay panibagong P150,000 pang dagdag ang dapat na lagay o “tara” para sa isang pindot lamang sa computer upang mai-transmit ang records ng sasakyan papunta sa LTO.
Bukod dito ay mayroon ibang opisina pa na kailangang bigyan ng “partikular.” Sabi nga ng mga importer ay imbes na gumanda ay parang lalong gumulo at lumala pa ang sistema ngayon sa BOC dahil sa mga buwayang dinadaanan ng papeles ng imported na sasakyan!
Dapat agarang maimbestigahan ni Commissioner Angelito Alvarez ang mga alegasyong ito. Grabe naman kasi sa kasibaan ang mga damuhong tauhan ng BOC na para bang gusto nilang sila na lamang ang mabuhay sa mundo!
Komisyoner, alam ko na maayos ang pamamalakad mo diyan sa BOC ngayon at humahanga ako sa dami ng iyong mga hinuhuli at kinakasuhan ngunit marami pa rin daw gumagawa ng kalokohan sa likuran mo. Kasama na ang mga nabanggit kong buwaya sa mga sumisira sa magandang naumpisahan mo!
Lagi mong tatandaan, Komisyoner, na diyan sa BOC, nagkalat ang buwaya at ahas kaya’t titingnan mong mabuti ang mga taong pinagkakatiwalaan at nakapaligid sa’yo. Huwag mong hayaan na maghari-harian ang mga datihang buwayang kumakagat sa mga importers!
Ang akala nga daw ng mga importers, may share ang komisyoner sa “tara” na kinukuha sa kanila. Kaya, huwag mong pabayaang gamitin ang pangalan mo ng mga batikang mandarambong na ’yan! Kunwari sila’y kakampi mo pero ang totoo ay bulsa lang nila ang kanilang inaasikaso.
Komisyoner Alvarez, dapat ay magsagawa ka na ng isang malawakan at masusing imbestigasyon para malaman mo agad ang totoong nangyayari sa loob ng iyong bakuran. Kung sino man sa mga tauhan mo ang mapatutunayang hindi sumusunod sa “tuwid na landas” ay dapat agad mo nang pagsisipain palabas ng ahensiya!
* * *
Maaari daw na nagbago na ang mga nire-recruit na mga “drug mules” ng mga miyembro ng West African Drug Syndicate (WADS) bunsod ng walang puknat na operasyon ng ating mga ahensiya laban sa “drug-mules” o “drug courriers.”
Ito ang mga binitiwang salita sa ating mga kapatid sa media ni NBI Reaction, Arrest, and Interdiction Division (RAID) Chief Ross Jonathan Galicia.
Ayon sa kanya, malaki daw ang posibilidad na pansamantalang hininto na ng WADS ang kanilang pag-recruit sa mga Filipino na drug-mules at ang pagkakahuli nila kamakailan sa isang babaeng Polish na may bitbit na droga ay maaaring kumpirmasyon na nito.
Sa isang entrapment operation sa isang hotel sa Ermita, Manila nahuli si Barbara Ziontowska. Isinagawa ang follow-up operation na ito matapos mahulihan ng PDEA at NBI-RAID ang isang drug-mule mula Indonesia na kinilalang si Media Aprideri ng 3.2 kilos ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P17 milyon.
No comments:
Post a Comment