Thursday, May 9, 2024

Bumaba ang Katay sa Mangaldan Slaughter House

 Ni Mortz C. Ortigoza

MANGALDAN, Pangasinan – Dahil sa taas ng presyo at pagdagsa ng mga imported frozen na karne bumaba ang katay ng pinakamalaking bahay–katayan  sa Pangasinan dito.

Ayon kay slaughterhouse Master IV Flora Serrana, sa ngayon ay meron lamang silang kinakatay na mahigit 60 na baboy, 19 – 22 kalabaw at 2-3 na baka kada araw dito sa double A’s na slaughter house.

CARCASSES of swine  are hung after being slaughtered at an abattoir in the Philippines (Photo is internet grabbed).

"Last month mga meron iyong market day halimbawa Friday nagkakatay kami noong last month ng 80-89," ani Serrano sa baboy. 

Aniya siya ay hinirang ni Mayor Bona Fe Parayno na mamuno sa bahay-katayan dito noong November 1, 2023.

Dati rati hangang  25 na kalabaw kada araw ang kinakatay dito pero ito ay nabawasan dahil sa pagtaas ng presyo at pagpasok ng mga imported na frozen na karne.

Malakas ang katayan ng kalabaw dito dahil sa pigar-pigar delicacy na dinudumog ng mga parokyano sa Dagupan City. Ang pigar-pigar ay gawa sa deep-frying ng mga hiniwa na karne ng kalabaw kasama ang repolyo at sibuyas. Dito unang nagsimula ang pigar-pigar na tinatawag hanggang ngayon na bengbeng pero sumikat sa karatig siyudad ng Dagupan.

Ang mga kalabaw na dinadala dito sa abattoir ay nanggagaling pa sa Southern Luzon at Visaya. Ang bahay katayan dito ay nag siserbisyo sa Dagupan at mga karatig bayan dito.

Dalawa o tatlong baka lang ang nakakatay dito araw araw dahil si Brgy. Nibalew Chairmn Richard Barrozo na may puwesto sa Dagupan City ay hinahango ang mga karne niya sa Baguio City, ayon kay Serrana.


CLASS AAA SLAUGHTER HOUSE?

Determinado si Mayor Parayno  na magkaroon ng isang Class 'AAA' slaughterhouse upang lalo pang pagbutihin ang lokal na industriya ng karne dito.

Nagsagawa na ng benchmarking at study tour noong isang taon sa mga kilalang Class 'AAA' accredited slaughterhouses sa Pilipinas ang pangasiwaan ni Parayno.
Kabilang sa mga ni benchmarking ay ang mga Class 'AAA' accredited bahay katayan gaya ng Tarlac Meatmasters ng Pilmico Animal Nutrition Corporation na matatagpuan sa Bamban, Tarlac, at ang Red Dragon Farm Feed, Livestock, and Foods, Inc. na matatagpuan sa lalawigan ng Pampanga.

Kasalukuyang ginagawa ang paghahanda ng lokal na pamahalaan para sa pagproseso ng aplikasyon para sa financial grant na iniaalok ng Philippine Rural Development Project sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA). 
 
Kung ipagkakaloob ang nasabing pondo ay ilalaan ito para sa muling pagtatayo at pagpapalawak ng lokal na bahay katayan na may layuning makakuha ng akreditasyon bilang Class 'AAA' slaughterhouse.
 
Ayon kay Dr. Orlando Ongsotto,  National Meat Inspection Service (NMIS) Ilocos regional director, hanggang ngayon ay wala pang accredited Class ‘AAA’ na slaughter house sa bansa na pagmamay-ari o kontrolado ng gobyerno. 
 
Karamihan sa mga nasabing abattoir ay pinamamahalaan ng mga pribadong negosyo.
 
Ani Parayno, “Kung kaya nila [private-owned corporations] na mag-operate ng class 'AAA' slaughterhouse, I am sure that with everybody's help, we can also achieve this goal to be the first government-owned Class 'AAA' accredited abattoir sa buong Pilipinas.” 

No comments:

Post a Comment