Saturday, May 25, 2024

Big Prob. ni Parayno ang Mister, Biyenan ni Maan

 Ni Mortz C. Ortigoza

Ang balitang hindi na tatakbo si dating Pangasinan governor Amado “Pogi” Espino III sa pagiging congressman laban kay incumbent 5th District Rep. Ramon “Monching” Guico, Jr. ay malaking dagok sa  pag-asa ni Urdaneta Mayor Rammy Parayno na manalo laban sa challenger niyang si Maan Tuazon-Guico sa pagka alkalde sa May 2025 election.

Si Maan ay manugang ni Monching at maybahay ng kasalukuyang nakaupong gobernador ng lalawigan.

URDANETA City Mayor Rammy Parayno (top left and clockwise), Pangasinan First Lady Maan Tuazon-Guico, Pangasinan 5th District Cong. Monching Guico, and Pangasinan Gov. Monmon Guico.


Noong congressman pa ng Ikalimang Distrito si Gov. Monmon Guico noong 2019 to 2022 hinihikayat ko siyang – tulad ng paghikayat ko na tumakbo siyang kongressman noong 2019 election -- na labanan sa pagka gobernador si Pogi Espino dahil pag hindi niya gagawin iyon malulunod siya sa perang ibabaha ni Espino at ang comebacking na ama niyang si Amado Espino na tinalo ni Guico sa pagka congressman noong 2019 election – ang halalan na naging upset sa mga Espino kahit nanalo pa ang dalawang anak niya sa pagka gobernador at congressman ng Pangasinan 2nd District, API Party-list (na sakit ng ulo ng Abono Partylist noong 2022 election), mayor na misis ng matanda sa Bugallon at kamag-anak sa Bautista. Pabayaan na natin si controversial Sual Mayor Dong Calugay – na dating driver at gofer ni Amado, Jr. – dahil pagkatapos ng 2022 eleksiyon nagkahidwaan na sila ng dating amo niya.

Mabuti na lang tumakbo si Monmon sa pagka gobernador kung saan tinulungan siya ng mga higanteng personalidad sa lalawigan na gupiin ang mga matagal ng nakasadlak sa poder na mga Espino. Itong mga taong itong may inis at galit sa matandang Espino ay sina billionaire businessman Cezar Quiambao, Congressmen Mark Cojuangco at Art Celeste, at Duterte Administration’s powerful Secretary Raul Lambino -- na kung saan ang anak niya ay si reelectionist vice governor Mark Lambino na tandem ni Guico.

Hindi man natin nakikita pero kung sa Inglis pa si reelectionist Urdaneta City Mayor Parayno “is shaking in his shoes” ika nga sa isang idiom sa development na ito.

DALAWANG SPILLWAY GATES

Ang pagkawala ni Pogi sa eksena laban kay Monching ay parang spillway gate na binuksan sa San Roque Dam sa San Manuel, Pangasinan para bahain ng pera, este, tubig ang 34 na barangay na siyudad.

Ani Congressman Monching mabuti pang itago na lang ni Rammy ang yaman na gagamitin niya sa parating ng eleksiyon para magamit pa niya sa pagtanda niya.

“Gagastos ako at gagastos din si (Governor) Monmon kay Maan. Mabuti pang itago na lang niya ang pera niyang gagamitin,” ani Congressman noong sinabi ko sa kanya na sinabi ni Mayor Parayno sa Country Mail Newspaper na siya ang gustong labanan ng huli kesa kay Maan Guico sa mayorship election.

Paano ang spillway gate No. 2 sa labanang Rammy at Maan?

 Isang sakit sa ulo rin itong walang kalaban si Governor Monmon sa May 2025 election sa kanyang reelection.

DI NA SASALI ANG MGA ESPINO SA PROV'L, CONG'L ELECTIONS

Bakit ko nasabi ito? Ito ang huntahan namin ng political supporter ng mga Espino noong magkita kami noong nakaraan na buwan kung saan ipinasasabi niya na sabihin ko sa mga Guico na ibalato na lang daw sa mga Espino ang Bugallon kung saan ang dating 2nd District Cong. Jumel Espino ay makakalaban niya sa pagka alkalde ang malaking kontraktor na si William Dee – dating tao ng mga Espino pero iniwanan niya sila dahil sa sama ng loob at ito'y tumakbo sa kampo nila 2nd District Cong. Mark Cojuangco at Governor Guico.

“Ibalato na lang daw ang Bugallon dahil hindi naman daw sila tatakbong gobernador at kongresman,” aniya.

Parang ayaw ko maniwala na ang mga Espino na akala ng lahat na hindi na matumba-matumba sa pulitika ng Pangasinan ay takot ng labanan si Guico sa susunod na taon.

Noong makita ko ang top official ng Capitol sa Lingayen, sinabi ko ang napag usapan namin ng suporter.

“Hindi namin hawak ang pagkamada ng mga mayor sa distrito nakatututok kami kung paano mapanalo ang mga board members namin sa susunod na eleksiyon. Si Mark Cojuangco ang kumakamada kung sino ang tatakbong mayor doon,” aniya.

 Dahil chummy chummy pa rin si Guv Monmon kay Mark Cojuangco, malinis ang lalawigan sa kalaban at siya pa rin ang chief executive ng Pangasinan sa 2025 to 2028.

Dinig ko gayunpaman na pinag-iisipan ng isang alkalde na lalabanan daw si Mark sa pagka congressman, ani ng source ko dahil sa kasalukuyang hidwaan diyan sa distrito.

Balik tayo kay Rammy Parayno sa Urdaneta.

LULUNURIN

 Kung kayo si Parayno at walang kalaban ang makapangyarihan mister at biyenan ni Maan Guico  sa kanilang teritoryo kung saan ang kandidato sa eleksyon doon ay gumagastos ng daan-daang milyon o bilyon at namimigay ng projects at social services na daang milyon galing sa gobyerno, paano mo lalaban ang challenger kung dalawang ala San Roque Dam spillway gates ang bubuksan ng mga Guico para lunurin ang Parayno Team kasama na ang bata ni Rammy na si dating Urdaneta City Councilor Franco S.J del Prado na papalabanin niya daw kay Monching.

Del Prado who? Sino siya?

 Si Del Prado ay hindi pa kilala sa walong bayan na distrito. Kung tinalo ni Monching sa pagka kongresman ang mas kilalang si 5th District Board Member Niño Arboleda ng 52, 842 sa 281,000 total votes na hindi pa kongresman si Monching sa panahon na iyon, e paano na lang si Del Prado na kahit peso na ayuda ay hindi pa namudmud iyan sa nakalipas na dalawang taon sa bayan ng Alcala, Bautista, Binalonan, Laoac, Pozorrubio, Santo Tomas, Sison, at Villasis at karamihan sa 34 barangays sa siyudad ng Urdaneta?

Kayong nagbabasa nitong blog at column sa Northern Watch Newspaper, ano ang masabi ninyo: Tapos na ba ng boksing sa 5th District at sa Urdaneta City?

No comments:

Post a Comment