Tuesday, January 20, 2026

Marker sa Medal of Valor Awardee na Nag-utos: Fire on My Position

Ni Mortz C. Ortigoza

URBIZTONDO, Pangasinan – Maisasakatuparan na ang pagpapatayo ng isang marker dito ng isa sa maalamat na sundalo sa Pilipinas na tumanggap ng pinakamataas na parangal na Medal of Valor.


PINANGUNUHAN na buong tapang ni Army 2Lt. Jose E. Bandong, Jr. (itaas na larawan) ang mga tauhan niya sa bakbakan laban sa higit na mataas na bilang ng mga puwersa ng 
 Chadli Molintas Command sa boundary ng Sagada at Bontoc sa Mt. Province. Si Mayor Moding Operana (gitna, ibabang kanang larawan) habang nakipagdiyalogo sa mga kasapi ng militar para sa marker na ilalagay sa bayan para sa Medal of Valor Awardee na si Bandong. Ang batang at magiting na si Bandong habang suot ang Class-B Uniform ng Philippines Army.


Si Second Lieutenant Jose E. Bandong, Jr. ay nabigyan ng nasabing medalya matapos isakripisyo ang buhay para masagip ang mga tauhan na tumatakas sa humahabol na malaking bilang ng Kumunistang gerilyang New People’s Army (NPA) sa boundary ng mga bayan ng Sagada at Bontoc, Mountain Province noong Abril 10, 1992.

Si Bandong, na ipinanganak sa Barangay Dalaguiring dito, ay nagsakripisyo ng kanyang buhay para lang mailigtas ang mga mahigit kumulang na 35 na tauhan niyang nakipagbakbakan sa mga may tantiyang 20 na guerilla na kasapi ng Chadli Molintas Command.

Noong mapaatras nila Bandong ang mga nasabing masasamang loob sa anim na oras na labanan, nagpadala ng isang team ang batang Tenyente para ma-secure ang dadaanan nila pauwi ngunit ang nasabing grupo ay tinambangan ng mga 30 na NPA. Habang nagmamaniobra sila Bandong para saklolohan ang team, isang grupo naman ng mga NPA ang biglang sumulpot sa likuran nila. Kahit kritikal at sugatan sa tama ng bala sa kaliwang braso, pilit pinipigilan ni Bandong ang malaking pwersa ng mga kalaban na makapaminsala sa mga tauhan niya.  Bukod diyan ay inutusan niya sila na tumalilis habang pinipigilan niya sa pagbaril ang mga gerilya na makasulong. Noong suriin niya na malalagay pa rin sa panganib ang mga kasamahan, nag radio ang matapang na Anak ng Urbiztondo, Pangasinan sa kanyonero ng military na malayo sa lugar ng bakbakan na bombahin na lang ang kanyang posisyon para matodas ang mga kalaban na kasama siya.

“Fire on my position,” ani Bandong ayon sa mga kasamahan nito na nagkuento base sa pagsusuri sa pagbigay ng Medal of Valor sa pamamagitan ng “Conspicuous gallantry, intrepidity, and his sacrifice to save his men and to destroy the enemy”.

Itong apat na immortal na salitang Inglis na “Fire on my position” ay lalong nagpatibay sa kanyang parangal.

“…(T)his is not mentioned in the official citation of his posthumously-conferred Medal of Valor (award)”, ayon sa post sa Facebook ng Philippines Army.

Sa pakikipagdialogo ni Mayor Modesto "Moding" M. Operaña sa mga kinatawan ng 71st Infrantry Battalion para sa nagiisang Medal of Valor Awardee ng landlocked na bayan na ito, napagkasunduan na itatayo ito sa bahagi ng Urbiztondo People’s Park.

Ito ay bahagi ng programa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bigyan ng mataas na pagkilala ang ating mga uIirang Bayani upang magsilbing inspirasyon sa mga kabataan at imulat ang kaiisipan sa kahalagahan ng paglilingkod sa bayan.

Pinagsikapan ng militar na maisakatuparan ang nasabing proyekto bago sumapit ang anibersaryo ng Philippine Army sa darating na ika-22 ng Marso ngayong taon.

Bukod kay Bandong at retired Marine Colonel Ariel Querubin na nagtapos sa Philippines Military Academy, walang datos kung ilan ang nakatanggap ng prestihiyosong parangal na ito sa apat na lungsod at ápat na pû’t ápat na mga bayan sa dambuhalang lalawigan ng Pangasinan.

No comments:

Post a Comment