Monday, April 18, 2011

Sangkot daw ako sa jueteng sa Pangasinan

MAY lumabas na artikulo kahapon na nagdadawit sa inyong lingkod sa operasyon ng “jueteng” sa Pangasinan.  Maliwanag na isang paninirang-puri ito sa akin dahil ako ang kauna-unahang opisyal na nanindigan sa aming lalawigan laban sa jai-alai na ginagawa din daw front ng “jueteng” ni Atong Ang.

Noong ika-5 ng Abril, ako ang ginawang guest speaker ng foundation day ng Pangasinan at tahasan kong tinuligsa ang pagiging mukhang pera ng ibang lokal na opisyal ng probinsya dahil binigyan nila ng permit ang jai-alai gayong alam naman nila kung ano talaga ang magiging operasyon nito. Marahil marami ang napahiya sa aking ginawang pagtuligsa...

Bilang anak ng Pangasinan kasi, lagi kong iniisip ang kabutihan ng mas nakararami, mas gusto ko ang operasyon ng  Loterya ng Bayan dahil alam ko na mas maraming Pangasinense ang makikinabang dito at pati na rin ang bayan at hindi lamang iilang tao at kung sinu-sinong dayuhan lamang.  Basta para sa akin,  “ang Pangasinan ay para sa mga Pangasinense lamang” at Hindi para sa isang Intsik na ex-convict at ilang mga dayuhan! 

Maliwanag na ang pagsangkot sa pangalan ko ay isang “diversionary tactic” lamang ng Meridien Vista Gaming Corporation dahil mukhang “guilty” sila sa aking isiniwalat. 

Dahil kung totoo na malinis ang kanilang operasyon, bakit hindi iyong pagka-kasangkot at pakikipag-usap daw mismo ni Atong Ang sa mga governor at mayor ang kanilang paimbestigahan?  Bakit hindi ’yung issue na si Atong Ang ba ang nagpapatakbo ng jai alai ang kanilang sagutin?

Nananatiling tikom ang bibig ng spokesman ng Meridien sa sinabi kong pagkakadawit ni Atong Ang sa operasyon nila kaya’t ibig sabihin nito ay totoo ang aking sinasabi! Alam naman ng lahat na may plea bargaining agreement si Atong Ang at  ipinagbabawal ang pakikipag-transaksiyon ng taong ito sa gobyerno. 

Kaya ang pagiging involve nito sa operasyon ng Meridien ay iligal at labag sa batas. Ito dapat ang pina-iimbestigahan ng gobyerno at MVGC para lumabas ang katotohanan!

Isa pang nakakatawa, humingi daw ng tulong sa NBI at CIDG ang spokesman ng MVGC upang paimbestigahan ang pagka-kasangkot ko sa iligal na sugal.  Hindi ba at parang nagkakadugtong-dugtong na?  Hindi ba inilabas ko sa aking kolum na mayroon daw mga tauhan ng CIDG at NBI na nagpapagamit kay Atong Ang upang manghuli ng maliliit na kubrador upang makapaglagay na sila ng jai-alai na jueteng din daw naman?  Hindi ba’t nilabas ko din sa aking kolum na 15 daw ang bodyguard ni Atong Ang na pawang mga myembro ng CIDG at NBI? Ganun ba talaga kalakas ang Meridien sa CIDG at NBI?

Nagtatanong lang pong muli Sec. Robredo at Dir. Gatdula dahil mukhang may gumagamit po sa inyong mga pangalan.

Dapat maimbestigahang mabuti ang kompanya at mga incorporators ng Meridien, dahil kung totoo ang mga maugong na balita na si Atong Ang ang nasa likod nito at jueteng din naman daw ito ay dapat agad na mapatigil ang operasyon nito.  Paano ka naman kasi maniniwala na hindi ito ginagawang jueteng? E karamihan ng tao sa probinsya gaya ng mga taga- Pangasinan ay hindi naman alam kung paano ang larong jai-alai!

Ano kaya ang ginagawa ng PCSO o ng Games and Amusement Board (GAB) tungkol dito? May nakukuha ba ang gobyerno na pondo o share galing sa jai-alai? Kaninong ahensya ng gobyerno nagre-report ang management ng jai-alai?

Kapag mayroong nakukuhang share ang ating gobyerno mula sa nalilikom na pera ng jai-alai ay maaaring pabayaan na natin ito ngunit wala tayong naririnig sa mga ito.  Hindi kaya iilang dayuhan at padrino lamang nila ang naghahati sa perang pumapasok sa jai-alai? Hindi tuloy natin maiwasang magtanong kung ligal ba talaga ang operasyon nito dahil mukhang walang ahensya ng gobyerno natin ang tumitingin at nagbabantay sa operasyon nito?

Dapat kasi ay minamadali na ng PCSO ang paglalagay ng mga Loterya ng Bayan sa mga lalawigan at bayan-bayan upang pumasok na sa gobyerno ang mga pondo na ngayon ay napupunta sa jai-alai o jueteng din daw naman at iilang tao at dayuhan lamang tuloy ang nakikinabang.

Para sa Meridien Vista Gaming Corporation, hindi ako tinatablan ng mga black propaganda at paninira niyo dahil alam ng mga tao at mga kababayan ko kung ano ang katotohanan! Kahit marami kayong pera at pondo na ginagamit para mapagtakpan ang mga ginagawa n’yo ay lalabas at lalabas din ang totoo! Darating din ang panahon at malalaman ng lahat kung sino ang padrino nyo!

Hindi ako natatakot sa inyo!  Kahit pa sa CIA o FBI kayo magpa-imbestiga! Noong head PASG ako, hindi ko na mabilang ang kinasuhan at inaway kong mga smuggler at mga kasabwa’t ng mga ito at wala akong pakialam kahit araw-araw nila akong batikusin basta nasa tama ako! Kahit anong klaseng laban nakahanda ako kung ano ang gusto n’yo! Magsabi lang kayo at kahit anong oras nakahanda akong harapin kayo!

***

Para naman sa aking kumpare na gobernador ng Pangasinan na si Gov. Amado Espino, nakapag-kwentuhan kami ni kumpareng Mon Tulfo kahapon at nabanggit n’ya sa akin na nu’ng kayo daw ang magkausap ay buong pagmamalaki mong sinabi sa kanya na ang Pangasinan ay dapat taga-Pangasinan din ang makinabang upang gumanda ang buhay ng mga mamamayan nito.

Ano na ang nangyari sa sinabi mong ’yan Gov? Bakit tila pinabayaan mo na ang mga Pangasinense at pinayagan mo na ang mga dayuhan na lamang ang kumontrol sa ating lalawigan? Mayroon bang pakinabang at maitutulong sa ating probinsiya at kababayan ang jai-alai na ’yan? O sadyang nakadesinyo ang jai-alai para iilang tao lamang ang makikinabang dito?

***

Noong isang araw ay nabalitaan natin mula sa isang “reliable source” at kaibigan sa People’s Tonight na pina-iimbestigahan na daw ni Secretary Leila De Lima ng Department of Justice ang impormasyon na isiniwalat ko sa aking kolum. Kaya akin pong pinupuri si Sec. De Lima sa kanyang mabilis na aksyon. Sana lahat ng opisyal ay kagaya ni Sec. De lima para tuluyan na tayong mapunta sa tuwid na daan.

Umasa po kayo na tutulong ako sa ginagawa niyong imbestigasyon. Mabuhay po kayo Sec. De Lima!

***

Tayo ay natutuwa sa mga bago na namang accomplishment ng PNP-AIDSOTF at PDEA! Talaga nga namang walang puknat ang kanilang operasyon laban sa mga nagtutulak ng salot na droga.

Kaya naman nalulungkot ang inyong lingkod sa natanggap nating balita na baka daw mapalitan na bilang head ng PNP- Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force ang magaling at matikas na kasangga natin na si Police Deputy Director General Benjamin Belarmino Jr.

Nagretiro na daw kasi si General Palad kaya’t bukod sa pagiging Deputy Chief for Operations at head, PNP-AIDSOTF ni Gen. Belarmino ay ginawa pa siyang OIC-deputy chief for administration. Kaya po siguro, ililipat muna sa iba ang pamamahala sa PNP-AIDSOTF  dahil marami nang posisyon si Gen. Belarmino.

Magaling kasi talaga at maaasahan si Gen. Belarmino kaya hindi kataka-taka na pagtiwalaan siya ng mga “delicate at sensitive post”!

Sana kung may papalit nga kay Gen. Belarmino ay kasing-galing at kasing-tapang nya din ito!

Para kay Gen. Belarmino, congratulations and more power!

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. )

No comments:

Post a Comment