Wednesday, November 16, 2011

LPGMA, niluluto tayo sa ating sariling mantika

Sec. Antonio 'Bebot' Villar, Dangerous Drugs Board

MAS dumadami ang mga natatangap nating reklamo sa pamamagitan ng text messages at sulat simula nang binigyang-pansin natin ang  mga pangit at nakaka-dismayang kilos ng ating provincial director sa Pangasinan na si Senior Supt. Rosueto “Boyet” Ricaforte.

Dumadami din ang mga tunay na kaibigan na nakikisimpatiya at nakikiisa sa atin. Alam kasi nila ang katotohanan at gaya nila, ayaw nilang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Hindi kasi sila tulad ng iba dyan na see no evil, hear no evil at speak no evil maski alam nilang mali ang umiiral na sistema.

For the record, nais lang nating magkaroon ng PD na matino, service-oriented at dedicated at hindi ‘yong nagpapalaki lang ng tiyan, tamad at masiba sa pagka-kakakitaan.

Katunayan sa ilang mga tunay na kaibigan natin sa Aksyon Radyo Pangasinan ay binasa pa rin  ang mga naisulat natin sa kolum na ito laban kay Boyet  sa kabila na may dalawang police colonel na nagtangkang pumigil.

Kilala ko kung sino itong mga pakialamerong dalawang colonel na ito at sige lang, baka isunod ko kayo sa mga darating na araw!

Sampol lamang ng text sa Aksyon Radyo ay ito: “Sana mahiya  na si PD sa ganyang mga birada ni Sec. Totoo ‘yan, di na naaasikaso ni PD ang Pangasinan.”

Nauna nang pinuna natin kasi ang mga di-umano’y pagmamadali ni Boyet na makalikom ng pabaon n’ya dahil malapit na itong mag-retiro. Maski na small time jueteng guerilla  operation ay pinapatos pa n’ya upang gatasan.

Pinansin din natin ang pagiging laos na ngayon ng Provincial Police Office (PPO) ng Pangasinan sa bayan ng Lingayen sapagkat sa pamumuno ni Boyet ay laglag na ito sa hanay ng mga Outstanding PPO sa buong bansa.  Sayang, dating namayagpag ng ilang taon ang Pangasinan tapos biglang lagapak.

Nagulat din tayo sa report na ginawang manukan ng mga pang sabong ni PD ang Bachelor’s and Officer’s Quarters (BOQ) ng Pangasinan -- ito ang tawag sa tirahan ng sinomang maging PD at mga tauhan n’ya sa aming probinsya.

Nagpapasalamat din ako kina Senate President Juan Ponce Enrile at ang ka-tandem n’ya sa DZAR sa programang “Bayan ni Juan” noong Sabado ng umaga na si kaibigang Jess Arranza sa pagbalangkas nila sa isyung ito.

Nakiisa rin sila sa ating panawagan na bigyan-pansin itong isyu na ito ni PNP chief Director General Nicanor Bartolome at DILG Secretary Jesse M. Robredo sapagkat malaking kasiraan sa kanilang hanay ang mga baluktot na gawain ng kanilang mga opisyal.

* * *

Sa huling pagsisiyasat ko, inilipat na raw ni Boyet ang manukan n’ya doon sa Barangay Dupo, Binmaley, sa lupain ng isang napakataas na opisyal!

Pero ‘yong madalang pa sa full moon kung mag opisina, ito ay wala pa ring pagbabago. Buti pa ‘yong mga dating PD, may panahon para mag-opisina. Itong si Boyet, lagi raw ito sa labas.. . . Nagsasabong kaya?

Mantakin n’yong maging ang Northern Cement Corporation (NCC) na pag-aari ni Amb. Danding Cojuangco ay gusto uli kotongan! Kinukunan n’ya ito noon ng 300 bags of cement ngunit ang naibigay ay 150 bags lang at ilang mga gamit sa pagpapagawa ng bahay noong panahon ni Major Castro!

Ngayon ang balita ko ay gusto na namang umulit! Nakakagulat sapagkat maging ang dating chief ng Sison, Pangasinan ay gusto n’yang gamitin sa kanyang kalokohan ngunit mabuti na lang at may prinsipyo ang mama kaya’t hindi n’ya mahikayat. 

Nakakahiya! Saan ka ba magpapatayo ng bahay, Boyet??

Nagkausap kami ni Gen. Carding Dapat at mismong s’ya ay galit na galit sa trabahong ito ni Boyet.  Kilala si Boyet na dala-dala ni Sec. Larry Mendoza noon.  Ngunit sa totoo lang, hindi na s’ya matandaan ng mga ito sapagkat hindi raw ito magaling na opisyal. Natulungan din natin ang taong ito kung kaya’t tayo ay talagang nagtataka kung bakit ngayon siya ay isa ng buwaya?

Naniniwala ako sa pamumuno ni Gen. Nicanor Bartolome at umaayon tayo sa kanyang kampanya laban sa mga kotong cops.  Kaya’t dapat bigyang-pansin ni Gen. Bartolome itong kaso ni Boyet sapagkat “tinga” lang sa kotong cops ang ilang huli nila kung ikukumpara ang ginagawa ng PD sa Pangasinan!

Kung gusto natin ang tuloy-tuloy na pagtahak sa tuwid na daan,  dapat pagtuonan ng pansin ang kotong cops sa buong bansa. Sisirain lang ng mga opisyal na tulad nito ang imahe ng PNP. Sayang naman!

Akala siguro ni Boyet ay untouchable na s’ya kasi malapit na nga siyang mag-retiro sa susunod na taon.

Sa huling silip ko sa mga impormasyong dumadating sa akin, hindi na lalampas sa linggong ito ay may bubulaga kay Boyet na pangyayari sa kanyang career. Mukhang pursigido ang mga impormante natin sa balak nilang dalhin na lang sa Ombudsman ang mga reklamo sa kanya para hindi na pamarisan.

‘Yun sa palagay ko ay tamang desisyon.

* * *

Kung nag-iipon nga ng pabaon si Boyet, malaki-laki rin ’yun kasi 44 ang bayan at apat ang syudad sa Pangasinan at tanging Alaminos City, Bani, Sto. Tomas, Alcala, Villasis at Sison ang out na sa kanyang quota kasi walang jueteng guerilla sa mga lugar na ’yan.

Umaasa ako na hindi kailanman kukunsintihin ng ating kaibigang Gobernador Amado Espino Jr ang anomang kabuktutan ng PNP dahil sya mismo ay isang dedicated na retiradong opisyal ng ahensyang ito.

* * *

Napapanahon na talaga ang pagsampa ng kaso laban sa isang vested interest group na nagbabalat-kayo bilang isang party-list organization. Tinutukoy ko ang kasong isinampa kontra sa LPG Marketers Association (LPGMA) dahil sa umanong paglabag sa anti cartelization provisions ng Downstream Oil Deregulation Act (Republic Act 8479).

Ano ba ang isang cartel? Ito po ay isang grupo na ang layunin ay magdikta o ‘di kaya impluwensyahan ang presyo ng isang commodity o produkto. Kadalasan ang cartel ay binubuo ng mga negosyante na nagkakalakal ng naturang produkto.

Kapag mayroong cartel, nawawala na ang kompetisyon sa industriya at malaya na ang mga miyembro nito na magdikta ng presyo. Dahil dito, ang nagiging batayan na lamang ng presyo ng produkto ay ang kapritso ng mga cartel members. Maaari nilang itaas o ibaba ang presyo sa anumang oras nilang nasumpungan.

Ganyan ang LPGMA. Hindi nila ito maitatago dahil sa tuwing magkakaroon ng pagbabago sa presyo ng LPG, magkakasabay at magkakapareho ang price adjustment ng lahat ng mga LPGMA member companies. Sa madaling sabi, hindi na umiiral sa kanilang hanay ang  free competition.

Subalit ang LPGMA ay hindi lamang isang cartel kundi isang party list group pa! Malinaw na ang tunay na motibo sa pagtatag ng LPGMA party list ay upang magsilbing protektor ng LPG dealers at refillers. Hindi kasi basta na lamang maaaring galawin ang LPGMA sapagkat mayroon silang kinatawan sa Mababang Kapulungan sa katauhan ni “Congressman” Arnel Ty.

Nakakabahala ang grupong ito dahil bukod sa marami silang pera, mayroon pa silang political power!  Kawawa naman tayong mga consumers kung pababayaan natin umiral ang ganitong sistema sa ating bayan! Niluluto tayo ng LPGMA sa ating sariling matika!

* * *

Ginanap kahapon ang kick-off activity ng Drug Abuse Prevention and Control (DAPC) Week sa pangununa ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa Cuneta Astrodome at sa pakikiisa ni Mayor Antonino G. Calixto ng Pasay City government.

Lumahok at nakiisa ang iba’t-ibang ahensya ng ating gobyerno na nagtampok sa 13 floats ng float parade. Nakiisa rin ang ating dalawang mambabatas na sina Congresswoman Jocelyn Limkaichong na namuno sa Health Pledge at Congresswoman Emi Calixto Rubiano na nagbigay ng isang mensahe.

* * *

Ngayon naman ang simula ng tatlong araw na National Conference on Trends and Practices in the Treatment and Rehabilitation of Drug Dependents in the Philippines: Some Policy Implications na sisimulan sa UST Research Center at ipagpapatuloy hanggang sa matapos sa The Bayleaft Hotel sa Intramuros, Manila.

Inaasahan natin na ang isang linggong gawain para sa Drug Abuse Prevention Week ay makakapukaw ng interes ng ating mga mamamayan upang patuloy na makiisa sa pag-iwas ng pamilya laban sa salot na droga!

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya                  ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph )

No comments:

Post a Comment