Sunday, June 17, 2018
Senador Bam Binira ang Panghu-Hostage sa Edukasyon
Iginiit ni Senador Bam Aquino na hindi dapat gawing hostage ng pamahalaan ang libreng edukasyon sa kolehiyo dahil kaya itong gastusan ng gobyerno kahit walang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ito ang sagot ni Sen. Bam sa patuloy na pananakot ng pamahalaan na maaapektuhan ang pondo sa libreng edukasyon sa kolehiyo kapag sinuspindi ang TRAIN Law. Isinulong ni Sen. Bam ang libreng edukasyon sa kolehiyo bilang principal sponsor noong panahon niya bilang chairman ng Senate Committee on Education. Kinuwestiyon ni Sen. Bam ang ginagawang pang-ho-hostage ng pamahalaan sa libreng kolehiyo, sa pagsasabing patuloy nitong pinapahirapan ang taumbayan na nalulunod na sa taas-presyo mula sa TRAIN Law.
Katwiran ni Sen. Bam, malaki ang hindi nagamit na pondo ng pamahalaan noong nakaraang taon kaya may magagamit na budget para sa libreng kolehiyo. Noong nakaraang taon, sinabi ni Sen. Bam na umabot sa P390 bilyon ang underspending ng pamahalaan habang ang budget para sa libreng edukasyon sa kolehiyo ay nasa P41 bilyon lamang para sa 2018. Nasa P70 bilyon naman ang mawawala sa pamahalaan kapag natuloy ng isinusulong ni Sen. Bam na rollback sa excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law. Ayon kay Sen. Bam, mahalaga na malaman ng Pangulong Rodrigo Duterte ang totoong numero sa sitwasyong ito. Aniya, hindi maganda kung mali-maling impormasyon ang kanyang natatanggap mula sa economic managers ng gobyerno. Noong deliberasyon ng TRAIN Law sa Senado, sinabi ng economic managers ng gobyerno na hindi lalampas ang inflation rate sa apat na porsiyento. Noong nakaraang buwan, pumalo ang inflation rate sa 4.6 percent. Nangako rin si Sen. Bam na hindi hahayaan ng Senado na hindi mabigyan ng pondo ang batas sa libreng kolehiyo. Isa si Sen. Bam sa apat na senador na bumoto laban sa ratipikasyon ng TRAIN Law.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment