Mismong si Pangulong Duterte pala ang umamin na mabagal
ang takbo ng ekonomiya sa ngayon. Partikular na nababahala ang Pangulo sa
mabagal na galaw ng ekonomiya sa mga lalawigan dahil sa mataas na presyo ng
bilihin. Sinang-ayunan naman ni Sen. Bam Aquino ang pahayag na ito ng Pangulo.
Aniya, isa sa magpapasigla sa ekonomiya, lalo na sa
probinsya at kanayunan, ay ang pagpapababa ng presyo ng bilihin. Subalit sinabi
ni Sen. Bam na dahil nalulunod na ang Pilipino sa taas ng presyo, ramdam na ng
mamamayan ang paghina ng ekonomiya.
Kaya naman
nanawagan si Senador Bam sa Pangulo na pakinggan ang daing ng taumbayan, lalo
na ang mahihirap, ukol sa mataas na presyo ng bilihin at serbisyo dahil sa Tax
Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sinabi ni Sen. Bam na sana makinig si Pangulong Duterte
sa pakiusap ng taumbayan at suportahan ang kanyang panukala na i-rollback ang
excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law.
Isa si Sen. Bam sa
apat na senador na bumoto laban sa ratipikasyon ng TRAIN Law. Ayon kay Sen.
Bam, makatutulong ang pag-rollback ng excise tax sa produktong petrolyo sa
pagpapababa ng presyo ng bilihin. Umaasa tayo na pakikinggan ng Pangulo ang
panawagang ito ni Sen. Bam.
No comments:
Post a Comment