MANGALDAN, Pangasinan - Nagsagawa ng post-typhoon monitoring at rescue operation noong Lunes ang Disaster Risk Reduction & Management Office (DRRMO) at Bureau of Fire and Protection ( BFP) dito para ilikas ang dalawang binahang pamilya sa Purok 6, Barangay Landas.
Ito ay dahil sa dulot ng pagbuhos ng ulan dala ng hagupit ng Super Bagyong Pepito.
Pinangunahan nina Rodolfo Corla , Ernie Cuison ng Mangaldan DRRMO at ni FINSP Armando Ramos, Fire Marshal ng Mangaldan BFP ang pagligtas sa pamilya katuwang ang Landas Barangay Council na silang nakipag-ugnayan sa Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan para ilikas ang pitong residente na may kasama pa umanong sanggol sa bahay.
Ayon sa mga diver ng Angalacan River Task Force , lagpas tao ang baha sa daanan patungo sa dalawang bahay na malapit lamang sa Angalacan River. Samantala, lagpas tuhod naman ang lalim ng tubig sa mismong kinaroroonan ng mga ito.
Nakahanda sanang ipagamit ni Punong Barangay Bernardo Salayog Jr. ang evacuation center ng barangay kasama na ang pamimigay ng suplay ng pagkain at tubig sa mga apektadong pamilya ngunit tumangging lumikas ang mga ito na umano ay caretaker ng lupang kinatatatayuan ng kanilang mga bahay.
Nakatutok naman ang barangay at magkakatuwang na sangay para magsagawa ng force evacuation sa mga nasabing pamilya upang matiyak ang kaligtasan.
Paalala naman ng Mangaldan DRRMO lalo na sa gantong sitwasyon na mas maiging lumikas sa mas ligtas na lugar o sa mga itinalagang evacuation center para maisaprayuridad ang kaligtasan ng bawat miyembro ng pamilya. (𝙈𝒂𝙣𝒈𝙖𝒍𝙙𝒂𝙣 𝙋𝑰𝙊)
No comments:
Post a Comment