Tuesday, November 19, 2024

Konsehal Nanalo Dahil sa Give-Away niyang Tabo, Palanggana

Ni Mortz C. Ortigoza, MPA

Ito ang salayasay ng isang determinadong kandidato para konsehales ng isang first class na bayan sa Northern Luzon.

BOTANTE  bitbit ang mga timba, tabo, at palanggana na ibinigay ng isang kandidato para konsehal sa Calasiao, Pangasinan noong Mayo 2016 eleksyon. Iyong ibang kandidato ang timba na pinamimigay nila ay may lamang isang kilong karneng baboy.

Ani Eddie (hindi tunay niyang pangalan) na tatlong beses na daw siyang tumatakbo para sa pagiging mambabatas ng Sangguniang Bayan magmula noong 2013, 2016 at 2019 eleksyon pero sa kasamaang palad tatlong beses din siyang natalo at ang masakit pa doon laging nasa ika siyam siya na puesto bumabagsak sa kabilang sa higit kumulang na 30 kandidato na lumalaban para makuha ang anuman sa walong upuang ipinag-uutos ng Local Government Code.

“Okay lang sana kung No. 22 o No. 30 ang nilalandingan ko. Ang masakit lagi sa No. 9 ako bumabagsak e walo ang kelangan na manalo sa pusisyon,” napapailing na sinabi ni Eddie, 50, ang mapapait na sinapit niya sa tatlong eleksyon na dumaan.

SUELDO NG MUNICIPAL COUNCILOR

Sumusweldo kada buwan ang isang Konsehales sa first class na bayan sa Pilipinas ng P85,000 kung saan meron pa siyang P20,000 month na Representation Allowance Transportation Allowance (RATA).

“P105,000 kada buwan ang natatanggap ko,” aniya.

Pinaliwanag niya sa writer na ito ang mga pagkakamali niya noong tatlong sunod-sunod na eleksyon kung paano siya natalo sa landlocked na bayan:

“Una, talaga hindi ako preparado. Kulang sa planning, lahat! Kulang sa resources”.


DATUNG ANG NO. 1 NA KAILANGAN NG KANDIDATO

Ang resources na sinasabi niya ay pera na ginagawa ng mga kandidato para pambayad sa sahod, pamasahe, gasolina, pagkain at iba pa ng mga tao niya sa panahon ng kampanya at ang pinaka mahalaga ang salapi na kailangan para pambili ng boto.

Sa kasalukuyan ang munisipyo ay may botante na 53,000 voters (2022) at may 74, 000 populasyon (2020 census).

Gumagastos ang mga karibal niya ng P100 kada botante na galing sa waras (salitang Ilokano ng pagbili ng boto).

Iyong iba gumagastos rin ng around mga P4 to P5 million ang ginastos nila. Kasi nagbibigay sila ng tag P100 per voter”.

70% LANG ANG KAILANGAN BILHIN NG MULTI-MILYONG SALAPI

Ang pagtatasa ng mga kasama niya kung paano mamili ng boto ay nakabase sa traditional na 70% hanggang 80% ng bilang ng mga botante -- ang tantya na nakagisnan ng mga kandidato para manalo sa eleksyon.

Ibig sabihin kung merong 53,000 na botante, kailangan mo lang bigyan ng waras ang 37,100 o 70 porsiyento dahil ang 15, 900 o 30 porsiyento ay malamang na hindi bumoto. Ang boto ng 70 porsiyento sa pamamagitan ng pagbili sa kanila ng P100 o sa kabuunang halaga ay mahigit P3.7 milyon. Bagaman ito ay hindi pa katiyakan na ang kandidato ay mananalo pero ito ay bentahe na sa mga karibal na kulang ang campaign funds.

SALAMAT SA TABO, PALANGGANA

Dahil wala siyang ganoon kalaking halaga (P4 to P5 million) para sa pusisyon na nagpapasueldo lamang ng mahigit P4 milyon sa tatlong taong termino (P105, 000 multiply sa 39 months kasama na diyan ang 13th month pay), nanalo pa rin si Eddie noong 2022 election kung saan siya ay nasa hulihang No. 8 -- salamat sa mga palangana at mga tabo na nagkakahalaga P30 kada botante na ipinamigay niya!


“Ako siyempre kung ano lang ang nakakayan ng resources ko nagbibigay lang ako ng mga small items”.

Aniya, sa 45 araw na campaign period, nagsimula siya mamigay ng mga plastic wares na binili niya sa Divisoria sa Manila sa ika -22 araw ng kampanya hanggang sa matapos niyang mabigyan ang mga botante sa 34 barangays na bayan.

Noong nanalo siya sa pusisyon na may titulong “Honorable” Councilor sa mga panlipunang tungkulin noong May 9, 2022 eleksyon, gumastos lamang si Eddie ng P800, 000 sa kabuunan.

P105, 000 NA SAHOD NG KONSEHAL KULANG SA MGA HUMIHINGI NG TULONG

Aniya, ang natatangap ng konsehales na sahod at RATA kada buwan ay hindi sapat dahil nababawasan ito sa mga nangangailangan sa kanyang nasasakupan.

Aniya, sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay may pumupunta sa tahanan at opisina niya para sa kanilang mga problema gaya ng pambili ng gamot, pagkain, pambayad ng kuryente, at iba.

KAILANGAN NIYA MANGUTANG SA SUSUNOD NA ELEKSYON

Uutang pa ako dahil hindi naman ako mayaman,” sambit niya habang siya ay naghahandang tumakbo sa kanyang reeleksyon sa ika-12 ng Mayo sa 2025.

Dagdag pa niya na ang sekreto na nananalo siya sa ika-apat niyang pagtatangka noong 2022 eleksyon dahil nakilala siya sa tatlong beses niyang bigong manalo sa loob ng siyam na taon.

Nagtapos ng political science si Eddie sa kolehiyo at dalawang taon sa kursong abugasiya kaya marami siyang alam sa masalimuot na mundo ng paghubog ng batas para sa isang ordinansa.

BENTAHE NG NAKAUPONG OPISYAL VS SA BAGITONG KANDIDATO

Paliwanag niya na may bentahe ang isang konsehales na tatlong taon nang nagseserbisyo laban sa mga bagitong gustong maging konsehal.

In the past three years na nanunungkulan ako ayon nagamit ko na --ibig sabihin tatlong taon na akong parang nangangampanya. Ibang iba iyong nakaupo ka malaking bagay meron ka ng puhunan sa exposure kaya meron ka nang 20% kalamangan kaagad”.

No comments:

Post a Comment