Wednesday, October 28, 2015

Marcos speaks before thousands of BHW in P'sinan



Magandang hapon po sa inyong lahat!

Masantos ya ngarem ed sikayon amin!
(Good afternoon to all of you!)

Unang-una po, isang mainit na pagbati sa lahat ng mga barangay health workers at iba pang mga kawani ng pamahalaang lalawigan ng Pangasinan, at pati ang mga kawani ng ating Kagawaran ng Kalusugan (DOH), na nagtipon-tipon ngayon sa okasyon ng inyong Provincial Barangay Health Workers Congress!
COJUANGCO MEETS MARCOS. From left: Former Congressman Mark Cojuangco in a tete-a-tete with Vice Presidential Candidate and Senator Bong Bong Marcos. At extreme right is
Calasiao Mayor Mark Roy Macanlalay who runs as vice gubernatorial bet of Cojuangco who
 runs for the governorship of the vote rich province's Pangasinan.

Maraming salamat po sa paglaan ng kaunting oras para sa akin, upang sa gayon ako naman ay magkaroon ng pagkakataon na makasama kayo at personal na maipaabot ang aking pagbati, pasasalamat at pagsuporta sa inyo.

Pasasalamat dahil sa inyong dedikasyon sa araw-araw napagtulong sa inyong kabarangay at “kabaleyan” para mapabuti ang kanilang kalusugan. Ako po mismo ang pinakaunang magsasabi kung gaano kahalaga at gaano kalaking serbisyo sa publiko ang kalusugan, lalo na sa mga barangay.

Importante kayo ed say pan asenso tayun amin.
(Mahalaga kayo sa ating pag-asenso.)

At ang ating bansa ay nasa panahon kung saan ang mga barangay health workers ay sobrang halaga at kailangang-kailangan ng ating bayan.

Ngayon ay panahon na umabot na ang bilang ng ating populasyon sa mahigit na 100 milyon, at 10% nito ay mga kabataan mula sanggol hanggang limang-taong gulang, at mahigit 6% ay mga “dual citizens” o ang ating mga magigiting senior citizens. Sa kaalaman ng lahat, sa darating na 2018, ako po ay mapapabilang na rin sa hanay ng mga “dual citizens” at makakuha na rin ng ispesyal na discount card!

At kaugnay ng nauna, ngayon din ay panahon kung saan halos 5,000 sa ating mga kababaihan ang nanganganak sa buong bansa…ARAW-ARAW! 22% ng mga pinapanganak na sanggol ay hindi pinapalad na umabot sa kanyang unang kaarawan, at 30% naman ang mga hindi umaabot sa kanilang ika-limang kaarawan.

At kaugnay din dito, ngayon din ay panahon ng “Responsible Parenthood” o pagiging responsableng mga magulang. 


Ngayon din ay panahon kung saan namumulat tayo sa katotohanan na tumitindi ang mga sakit at karamdaman ng mga Pilipino. Mula sa mataas na presyon, sakit sa puso, sari-saring klase ng kanser, TB, dengue, hanggang sa sakit na HIV at AIDS. Sa aking pagiging Senador, binigay kong lahat sa taumbayan ang lahat ng aking PDAF, at nagulat ako sa dami ng mga may kanser, sa dami ng mga may TB, sa dami ng mga nagda-dialysis, na humihingi ng tulong-pinansyal. 

Ngayon din ay panahon na tumataas na halaga ng gamot at pagpapagamot, at matataas na professional fees ng mga doktor. At kaugnay nito, sa Senado, nagulat din ako na hindi sapat ang nakukuha ng taumbayan sa PhilHealth upang ipandagdag sa kanilang pambayad sa mga ospital.

Ngayon din po ay panahon kung saan ang lalawigan ng Pangasinan, lalo na ang mga bayan ng Bayambang at Umingan, at lungsod ng Alaminos at mismong lungsod ng Urdaneta, ay nangangailangan ng prayoridad at pagtutoksa kalusugan, ayon sa DOH.


Ako po ay nasisiyahan na sa kabila ng pagdami at pagbigat ng mga suliraning pangkalusugan at mga responsibilidad ng mga public health workers, naririto po kayong lahat sa isang parang State of the Health Event o “SOHE” (katunog ng “suhi”) ng buong Pangasinan, at upang makinig, mag-aral, at makipagpalitan ng kuro-kuro ukol sa mga sari-saring problema at isyu, at mga makabagong paraan at gawain sa larangan ng kalusugan—para lalong mapagbuti ang inyong serbisyo sa publiko.

Panghuli, payagan po ninyo akong iparating ang akingpagsuporta sa inyo, bilang mga public health workers at bilang kawani ng pamahalaang lokal. Gusto ko pong malaman ng lahat na ako ay patuloy na naghahanap ng solusyon upang matugunan ang pangangailangan ninyo.

Alam ko po ang kalagayan ninyo bilang barangay health workers. Alam ko ang hirap na inyong dinaranas. Alam na alam ko po ang lahat ng ito dahil ako po ay nanilbihan din sa lokal na pamahalaan, bilang dating gobernador ng lalawigan ng Ilocos Norte. 

Napakaraming problemang pangkalusugan, napakaraming responsibilidad ng barangay health workers, ngunit kakarampot ang mga benepisyo ng barangay health workers. Alam naman po kasi nating lahat na palaging hindi sapat at kulang ang budget ng ating lokal na pamahalaan. Kung kaya naman po na ang mga naipangakong mga benepisyo sa ilalim ng Magna Carta for Public Health Workers (Republic Act No. 7305) ay hindi naibibigay nang patas at across-the-board sa lahat ng barangay health workers buong bansa, kasi hindi pantay-pantay ang kita at ang pinansyal na kondisyon ng mga LGUs.

Sa liderato po ng ating butihing DOH Secretary, at aking mabuting kaibigan, na si Dr. Janet Garin, naniniwala ako na magiging maayos ang pagtugon natin sa mga mahahalagang problema ng bayan na ito sa larangan ng kalusugan. Sa pagkakaisa at pagtutulungan ng DOH at mga lokal na pamahalaan ng Pangasinan, mabibigyang-lunas at mahahanapan ng solusyon ang lahat ng mga ito sa pamamagitan ng ayuda at paglalaan ng dagdag na budget sa mga LGUs ng Pangasinan.

Ako po, patuloy kong pinag-aaralan at binabantayan ang ating sistema ng lokal na pamahalaan, bilang Chairman ng Senate Committee on Local Government. Matagal kona pong tinatrabaho na magkaroon ng mas mataas na pondo ang mga lokal na pamahalaan, o ang tinatawag nating IRA. 

Gayundin, matagal ko na ring ipinaglalaban angpagbibigay ng Retirement Benefits para sa mga Barangay Workers, kasama siyempre ang ating mga Barangay Health Workers

Naibigay ko na po ang positibong Report at rekomendasyon ng aking Kumite. Hinihintay ko lang pong matapos ang mga karagdagang katanungan ng aking mga kasamahan, upang tuluyan na itong maipasa sa Senado. Makakaasa po kayo na binibigyan ko ng mataas na prayoridad itong aking “pet project” na ito, upang ito ay maisabatas na sa lalong madaling panahon!

Dumating na po ang “tamang panahon” ng AlDub noong nakalipas na Sabado. Sana naman po ay dumating na rin ang “tamang panahon” na maaprubahan ang mga karagdagang benepisyo para sa mga barangay workers!

Ito ang tanda ng aking pagkilala at pakikiisa sa ating mga magigiting na mga naninilbihan sa ating mga Barangay,na naniniguro—24 hours a day, 7 days a week, 365 days a year—hindi lamang na mapanatiling maayos, mapayapa, ligtas at masagana ang pamumuhay sa ating mga barangay, kundi para rin lumaking malusog, malakas at humaba ang buhay ng mga mamamayan natin.

Sa inyong suporta, makakaasa po kayo sa lahat ng ito. Saking TULOY-TULOY na paninilbihan sa pamahalaanpatuloy akong magmamatyag at magbabantay sa kapakanan hindi lamang ng ating mga kababayan, kundi pati na rin ng mga kawani ng ating mga lokal na pamahalaan, lalo na ang ating mga health workers na nakatalaga at naninilbihan sa ating mga Barangays.

Saludo po ako sa mga public health workers natin sa buong bansa, lalong-lalo na sa mga nasa barangay, dahil kayo ang naniniguro na mapanatiling malusog at malakas ang sambayanang Pilipino!

Mabuhay kayong lahat na mga Barangay Health Workers ng ating bansa, lalo na rito sa lalawigan ng Pangasinan!Salamat sa inyong taos-pusong serbisyo at sakripisyo sa pagpapahaba ng buhay ng ating mga kababayan!

At siyempre naman, “mabuhay” din po sana nawa ang lahat ng inyong mga tinutulungan sa mga barangay—ang lahat ng “kabaleyan” sa Pangasinan!

Nawa’y maging matagumpay at produktibo ang inyongBarangay Health Workers Congress!

Mantulungan tayo para ed say maong ya panagbilay na sakey tan sakey!
(Magtulungan tayo tungo sa mas magandang kalusugan ng lahat ng mga taga-Pangasinan!)

Dyad untumbok ya pan neng nengan tayo!
(Hanggang sa ating muling pagkikita!)

Mabuhay ang Lalawigan ng Pangasinan!

Maraming salamat po at magandang hapon sa inyong lahat

Dios ti agngina kadakayo amin!

No comments:

Post a Comment