|
Alaminos City Mayor Hernani Braganza (3rd from Right)
|
.
DAGUPAN CITY – Nanganganib si Alaminos Mayor Hernani Braganza sa kasong plunder (RA 7080 o paglimas ng kayamanan na mahigit a limampung milyong piso), pagdispalko ng pera ng bayan at iba pang di-umanong gawaing labag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o RA 3019).
Ito ang tiniyak ni Atty. Abraham Espejo, pangunahing abogado sa kasong plunder laban kay Braganza na inihain sa Office of the Ombudsman ng labing limang dati at kasalukuyang opisyales ng barangay sa Alaminos City sa ginanap na press conference kamakailan.
“Malakas at solido ang mga ebidensiya na isinumite namin sa Ombudsman, lalung-lalo na ang mga report ng Commission on Audit (COA) na nagpapakita ng maliwanag na pagdispalko ng pera,” paliwanag ni Espejo sa media.
Sa naturang presscon, ipinamahagi ni Espejo sa media ang mga kopya ng mahigit 300-pahina ng verified complaint na kung saan nakalagay ang mga litrato ng mga di-natapos at nakatiwangwang na mga proyekto na di-umanoy ginastusan ng goberyno-lokal ng Alaminos ng milyung-milyong pisong pondo.
Ayon sa mga dokumentong isinumite ng mga opisyales ng barangay sa Ombudsman, umutang ang goberyno-lokal ng P300-million sa Land Bank of the Philippines para sa pagpapatayo ng city hospital, hotel at ilang gusali ng eskwelahan sa Pangasinan State University.
Ngunit, nakalahad sa reklamo na ni-isa sa mga proyekto ay nagawang matapos ng isang kontraktor sa kabila ng di-umanoy nagastos na pondo
Nakalahad din sa reklamo na inilipat ang pondong P300-milyon sa Development Bank of the Philippines na kung saan nagawang maglaan ang goberyno-lokal ng P249-milyon na “standby-credit” na ginamit di-umano sa pagbili ng mga heavy equipment na nagkakalahaga ng P51-milyon.
Batay sa COA report, walang maliwanag na imbentaryo sa mga equipment na, ayon sa reklamo, ay nilaspag ng RR Encabo Construction, ang kompanyang nangontrata sa mga proyekto. Isa sa mga may-ari ng kompanya ay kamag-anak daw ni Mayor Braganza.
Inihayag din ng COA report ang mahigit P37-milyon na “unliquidated cash advances” na kinuha sa intelligence fund ni Braganza.
Naakusahan din ang alkalde ng Alaminos ng di-umanoy paglustay ng mga pondo para sa iba’t-ibang proyekto, kagaya ng Alaminos Airport (P3.9-B); Bamboo Industry Development Project (P31-M PAGCOR fund); Olympic-size swimming pool (P8-M); Wetland Development (P55-M); City Plaza/Children’s Park (P9-M; at rehabilitasyon ng Cayucay road (P10-M).
Maliban kay Braganza, nahaharap din sa kasong plunder ang 9 na miembro ng Sangguniang Panglungsod ng Alaminos at 8 opisyales ng siudad, kabilang ang city administrator, city treasurer, city accountant and hepe ng pulisya ng siudad
No comments:
Post a Comment