MANGALDAN, Pangasinan – Aprubado na ng Municipal Development Council (MDC) ng local government dito ang paggamit ng mga hindi nagastos na pondo mula sa 30 porsiyentong Quick Response Fund (QRF) ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Fund para sa mga taong 2020 hanggang 2025, kasunod ng isinagawang pagpulong kamakailan lang na pinangunahan ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno.
Ayon sa napagkasunduan ng MDC, ang
malaking bahagi ng pondo ay ilalaan sa konstruksyon ng tulay sa Barangay
Macayug -- isang lugar na madalas maapektuhan ng pagbaha.
May nakalaan ding pondo para sa rehabilitasyon at pag-aspalto ng mga
kalsada sa Barangay Poblacion at Barangay Amansabina bilang bahagi ng disaster
mitigation at infrastructure improvement dito.
Gagamitin naman ang natitirang pondo para sa pagbigay ng mga materyales sa mga
pamilyang nasiraan ng tahanan, sa pag-iimbak ng relief goods, at pagbili ng
garbage truck upang paigtingin ang kakayahan ng LGU sa pagtugon sa mga sakuna.
Batay sa umiiral na regulasyon, pinapayagan ang paggamit ng QRF na hindi
nagamit sa loob ng limang taon bilang special trust fund, basta’t nananatiling
nakatuon sa pagpapalakas ng disaster preparedness at resiliency ng komunidad.
Photo credit: PIO -Mangaldan
No comments:
Post a Comment