Ni Mortz C. Ortigoza, MPA
MANGALDAN, Pangasinan – Sa pamamagitan ng masigasig na pamumuno ng alkalde ng progresibong bayang ito, isang malaking pondo na nagkakahalaga ng P65 milyon para sa mga farm-to-market roads (FMR) at rice distribution ang nakuha mula sa pambansang pamahalaan.
Ang pondong P55 milyon at P10 milyon ay nagmula sa Kagawaran ng Agrikultura (DA) at sa Ugnayang Bayan Portal ng Local Government Unit (LGU) Support Fund, ayon kay Municipal Administrator Atty. Teodora Cerdan.
“Iyung 10 million rice distribution from the LGU Support Fund na na-access natin sa Ugnayang Bayan Portal sa DBM through the initiative of Mayor Bona (D. Parayno) rin,” diin niya.
“Ang ginagawa namin, ina-access namin ang portal (ng Kagawaran ng Agrikultura) kung saan may mga budget sa farm-to-market roads na pwedeng maaprubahan at maibigay sa Mangaldan,” pahayag ni Agriculture Technologist Manny Aquino mula sa Municipal Agriculture Office.
Sinabi ni Aquino na sinuri ng DA
kung kwalipikado ang bayan para sa nasabing pondo. “Nakakuha kami ng P55
million na inaantay namin na mai-download na dito sa LGU,” ani Aquino.
Ang mga kalsadang FMR ay ipapamahagi sa lima hanggang walong barangay dito.
Pakikipag-ugnayan sa mga
Magsasaka
Sinabi ni Cerdan na ang mga kawani
ng lokal na pamahalaan, gaya ni Aquino, ay kailangan munang makipag-diyalogo sa
mga magsasaka tungkol sa pag-donate ng bahagi ng kanilang lupa upang gawing
kalsada. Ayon sa kanya, karamihan sa kanila ay tinanggap ang hakbang ng
gobyerno at hindi tumutol o nagpilit na bayaran ang kanilang nawalang lupa.
“Gusto rin nila Sir kasi mapapabilis ang pagpunta nila sa kanilang patutunguhan dahil sa kalsada at tataas ang appreciation ng mga lupa nila dahil sa bagong kalsada,” sabi ni Aquino.
Mga Utang at Bayarin ng LGU
Naunang nabanggit ni Mayor Parayno
na ang bayan ay may mga utang na P40 milyon (noong kanyang termino noong
kalagitnaan ng 2010s) at P150 milyon (na kinontrata ni Mayor Marilyn
Lambino sa kanyang panunungkulan mula 2019 hanggang 2022). Nagbabayad ang LGU
ng P34 milyon taon-taon mula noong 2022, at nabawasan ang amortisasyon sa P28.50
milyon para sa taong ito.
Ang dalawang utang na ito ay
ginamit sa renobasyon at konstruksyon ng pampublikong palengke at iba pang
lokal na proyekto sa imprastraktura.
“Kailangang kong mag-lobby ng mga proyekto mula sa pambansang pamahalaan dahil nagbabayad tayo ng amortisasyon sa Land Bank gamit ang ilang bahagi ng ating lokal na badyet,” giit ni Mayor Parayno.
Katayuan sa Pananalapi
Ang first-class na bayang ito ay may badyet na ₱539,035,706.00 para sa taong ito—isa sa pinakamataas sa apatnapu’t apat na bayan sa Pangasinan.
Pinuri ni Atty. Cerdan ang pambansang
pamahalaan sa pagpayag na kunin ang pambayad mula sa general fund sa
halip na sa 20% ng Development Fund (DF).
Ang 20% DF, o P70 hanggang P80
milyon para sa bayang ito sa gitnang Pangasinan, ay isang mandatoryong
alokasyon mula sa taunang National Tax Allotment (NTA)—dating Internal Revenue
Allotment—na eksklusibo para sa mga development projects sa ilalim ng Annual
Investment Plan (AIP). Nakatuon ito sa panlipunan, pang-ekonomiya, at
pang-kalikasang puhunan sa halip na sa personal services.
“Dahil doon, magagamit natin ang (P70 hanggang P80 milyon) ng development fund para sa imprastraktura at iba pang mga proyekto,” aniya.
Ang first class na bayan ay may
kapasidad na umutang ng P300 hanggang P400 milyon kung nanaisin nitong
muling kumuha ng loan sa Land Bank of the Philippines base sa kasalukuyan at
nakaraang mga badyet nito.
No comments:
Post a Comment