Tuesday, April 28, 2026

Pamamahala ng Parongking Inilipat na ni Guv sa Calasiao

Ni  Mortz C. Ortigoza

CALASIAO, Pangasinan – Pinangunahan ng gobernador ng Pangasinan ang paglipat ng pamamahala ng Parongking River Clean-Up and Restoration Project sa lokal na pamahalaan dito.


Ang proyekto pong ito ang katuparan ng ating tuloy-tuloy na River Rehabilitation and Flood Mitigation Program sa ating mga kailugan sa Pangasinan,” ani Gov. Ramon V. Guico III sa isang pagtitipon dito noong Abril 24 ng 2nd Quarter Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Council Meeting and Turnover Ceremony for the River Clean-Up & Restoration Project kung saan si Mayor Patrick A. Caramat ang pinakamataas na opisyal ng bayan na ito ang dumalo.

Ani Gov. Guico na sa loob lamang ng dalawang buwang clean-up drive, unti-unti nang naibabalik ang maayos na daloy ng tubig sa ilog.

“Ito po ay isa sa mga pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha sa Calasiao at mga karatig-bayan. Patuloy po tayong kikilos para sa mas ligtas at mas maayos na Pangasinan,” aniya.

Ang may 24 na mga barangay ng landlocked bayan na ito sa central Pangasinan ay kilalang mabilis bahain at madalas magdeklara ng State of Calamity tuwing binabayo ito ng mga masamang panahon.

Noong Hulyo 2025, maraming mga barangay ang nalubog sa baha, kung saan umabot sa anim na talampakan ang tubig sa mga lugar tulad ng Poblacion West at Barangay Longos.

Pinuri naman ni Mayor Caramat sina Gobernador Guico, Provincial Administrator Manuel O. Luis Jr., at Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) Officer Rhodyn Luchinvar O. Oro.

Aniya ang adhikain na ito ay pinagtibay na hakbang at dedikasyon sa pagpapanatili ng kalinisan ng kailugan upang maiwasan ang panganib ng baha.

“Ipagpatuloy nating panatilihing malinis ang ating ilog para sa mas ligtas, malinis, at maayos na Calasiao,” ani ng batang alkalde sa kanyang Facebook Page.

 Benipisyaryo ng libreng paghuhukay ng mga kailugan ang first class na bayan na ito at ang karatig na second class city ng Dagupan sa 10- Year Rehabilitation River Program ng pamahalaang lalawigan para maibsan ang matagal ng problema ng mga pagbaha dito na hindi na  lutas ng mga nakaraang administrasyon ng lalawigang pamahalaan.

Ang 10-Year Rehabilitation River Program ay sinimulan noong Disyembre 2025 upang maibsan ang pagbaha sa Pangasinan. Ito ay pinamumunuan ni Gobernador Guico at pinopondohan at pinapatakbo ng mga pribadong kasosyo nang walang gastos sa pamahalaang panlalawigan. Ang proyekto ay may layunin na alisin ang makapal na burak (silt) at sediment, at palalimin ang daluyan ng tubig upang matugunan ang matagal nang problema sa pagbaha.

No comments:

Post a Comment