Sunday, March 1, 2026

Malinis na Parongking River, Bahay-Katayan Ipinagmamalaki sa Calasiao

 

Ni Mortz C. Ortigoza, MPA

CALASIAO, Pangasinan – Buong pagmamalaki na ipinakita ng batang alkalde dito kung gaano na kalinis ngayon ang Parongking River at ang bahay-katayan (slaughter house) sa maunlad na bayan na ito.

A CLEAN Parongking River and a spick-and-span municipal abattoir as seen from the top photo and clockwise. Photo at the lower extreme left was the messy Parongking River in Calasiao, Pangasinan. In February 13, Pangasinan Governor Ramon V. Guico III (left) and Calasiao Mayor Patrick A. Caramat brought various heavy equipment to start its massive clean-up and dredging.

“Tingnan ninyo iyong dating maduming Parongking River na malinis na ngayon at iyong malinis na slaughter house at paligid niya,” ani Mayor Patrick A. Caramat habang pinapakita ang mga litrato na ang iba ay kuha ng drone sa writer na ito noong bumisita kamakailan ang huli sa kanyang opisina.

Sa nasabing mga larawan wala na ang mga makakapal na mga water lily at iba pa na makikita noong bumisita sa nasabing lugar si Pangasinan Governor Ramon V. Guico III at Mayor Caramat noong Pebrero 13 para umpisahan na ang malakihang paglilinis at pagdadraga ng mga makakapal na putik  at mga debris ng mga gamit sa Parongking River.

Pinasalamatan ng alkalde ang masipag na Municipal Environment and Natural Resources Office Chief Mark Paulo Caspillan at mga tauhan niya sa kanilang mandato na linisan at ayusin ang mga nasabing mga lugar.

“Gusto ko kasing laging malinis ang isang lugar kaya lagi ako umiikot sa labas ng opisina ko para makita ko ang mga sitwasyon nila,” dagdag pa ni Mayor.

“Itong Parongking River Restoration na ito po ay hindi po magagawa ng local na pamahalaan ng Bayan ng Calasiao kung walang suporta po ang provincial government of Pangasinan headed by our governor Ramon “Monmon” Guico III,” ani Mayor Caramat  sa gitna ng mga masigabong palakpakan ng mga tao na dumalo sa kaganapan noong Pebrero 13 kasama si Governor Guico.

Ang may 24 na mga barangay na landlocked bayan na ito sa central Pangasinan ay kilalang mabilis bahain at madalas magdeklara ng State of Calamity tuwing binabayo ito ng mga masamang panahon.

Noong Hulyo 2025, maraming mga barangay ang nalubog sa baha, kung saan umabot sa anim na talampakan ang tubig sa mga lugar tulad ng Poblacion West at Barangay Longos.

Ang matinding siltation o pagbabaw ng mga ilog, kabilang ang Sinucalan-Dagupan River System, ang itinuturong dahilan kung bakit matagal humupa ang baha sa bayan.

Ang nasabing River System ay nagmumula sa kabundukan ng Benguet Province at bumabagtas ng halos 80 kilometro papunta dito at sa katabing Dagupan City, kaya ang taas ng tubig sa upstream ay may malaking epekto sa sitwasyon ng baha sa downstream na mga lugar.

Ang Sinocalan-Dagupan River System ay pangunahing nakakaapekto sa siyam na bayan at lungsod sa higanteng lalawigan ng Pangasinan, kabilang ang Sison, San Manuel, Binalonan, Laoac, Urdaneta City, Santa Barbara, Calasiao, Dagupan City, at Mangaldan. Ang pag-apaw nito tuwing malakas ang ulan ay nagdudulot ng baha, partikular sa mga mabababang lugar (low-lying areas) na malapit sa ilog.

SLAUGHTER HOUSE

Ang bagong Calasiao Slaughterhouse na matatagpuan sa Barangay Mancup dito ay isang modernong pasilidad na sumusunod sa mga pamantayan ng sanitasyon. Pormal itong binuksan noong taong 2025 upang tiyakin ang ligtas at malinis na pagpoproseso ng mga karne dito. Pinaglilingkuran nito ang mga lokal na tindero ng karne gaya ng sa mga kambing, habang nakatuon ito sa makataong pagtrato sa mga hayop at mataas na kalidad ng mga pagkain nila. 

Ito ay nasa ilalim ng Municipal Veterinary Office kung saan ang layunin ng operasyon ay makapagbigay ng sariwa at de-kalidad na karne para sa mga mamamayan. ​ Matatagpuan ito sa pamamagitan ng Pandayan Road dito. ​Ang pasilidad na ito ang humalili sa mga dating bahay-katayan.

No comments:

Post a Comment