Ni Sec. Antonio "Bebo" Villar, Jr. | Chairman, Dangerous Drugs Board |
MUKHANG nataranta yata ang hepe ng Dagupan City, Pangasinan nang tawagan siya ni Police Chief Supt. Arturo Cacdac Jr., head ng Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PNP-AIDSOTF), noong nakaraang Martes upang alamin ang tunay na sitwasyon ng iligal na droga sa nasabing lugar.
May nakarating kasing ulat kay General Cacdac at pati sa inyong lingkod, tungkol sa talamak na bentahan ng droga sa Sitio Silungan, Bgy. Bonuan Binloc, Dagupan City.
Isang malaking hamon din ito sa akin bagamat policy-making body lang ang Dangerous Drugs Board na aking pinapamunuan. Ito’y sa kadahilanang sariling probinsya ko ang Pangasinan!
Alam ko ring pagtutuunan din ito ng pansin ni General Cacdac sapagkat naging provincial director din siya sa Pangasinan at sigurado akong napamahal din sa kanya ang Pangasinan.
Sa ipinadalang report ni Supt. Romeo Caramat Jr., hepe ng Dagupan, sa inyong lingkod, at malamang may kopya rin nito si Gen. Cacdac, sinabi nyang nasa “manageable level” at hindi “rampant” gaya nang napapabalita, ang problema sa droga sa Dagupan.
Sana nga totoo ito. Pero ito’y nangangailangan nang masusing validation mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang AIDSOTG na pawang mga implementing government entities tungkol sa mga batas sa droga.
Subalit, ang laman ng kanyang report ay nangangailanagn talaga nang malalimang pag-aaral bago tayo maniwala. Malaliman na kasing lalim nang hiwaga ng mga naaakusahang Muslim na nakatira sa nasabing lugar na diumano’y nasa likod ng pagbebenta ng iligal na droga.
Matagal na rin nating naririnig ang balitang ito kaya nga noon pa man ay gusto ko nang tuldukan na ng mga law enforcement agencies natin ang problemang ito sa anomang paraang legal.
Mas nababahala nga ako sa balitang mga menor-de-edad ang ginagamit na drug courier sa Sitio Silungan!
Papurihan din natin si Caramat dahil sa isinagawa niyang buy-bust operation noong nakaraang Linggo at nahuli nila ang isang 12-years old na batang Muslim, tubong Marawi City , na taga-abot ng droga sa isang pulis na posuer-buyer at mga parokyano ng sindikato nila!
Sa imbestigasyon na isinagawa ni Caramat, ang naturang bata ay nagtatrabaho sa apat na drug pushers sa Dagupan.
Meron pang mga walo hanggang siyam na kagaya niyang menor de edad na ginagamit din bilang drug courier ng anim na kilalang drug pushers ng Dagupan.
Ito ang hirap sa Juvenile Justice and Welfare Act 2006 kung saan ang mga batang 15 taong gulang pababa ay hindi puwedeng kasuhan. Kaya patuloy silang ginagamit ng mga sindikato. Kawawang mga bata!
Balik tayo sa dating tanong. Bakit nga ba hindi matigil-tigil ang drug problem sa nasabing lugar?
Ito ang dapat na kalkalin ng mga otoridad kung bakit nga ba at sa magkanong dahilan kaya?
* * *
Marami na ring nakakarating na feedback sa akin tungkol sa Urdaneta City.
Gusto kong papurihan si Mayor Boboom kung kalinisan ang pag-uusapan sapagkat napaka- ayos talaga ng Urdaneta sa kasalukuyan sa pamumuno ni Mayor Boboom.
Halos wala kang makikitang upos ng sigarilyo o balat ng kendi, o mga plastic bag na nakakalat sa daan. Napakalinis talaga.
Balita ko, malaki na rin ang nakokolekta ng syudad na multa mula sa mga violators. Walang sinasanto si Mayor Boboom. ’Yan ang dapat!
May paninindigan, ’di tulad ng ibang lider na sobrang lambot ang pamamalakad at mukhang walang sinseridad ang mga binibitiwang salita.
Sa panahon ngayon kasi, isang malaking kasalanan sa tao ang magpakita ng kahinaan sa pamumuno.
Tungkol naman sa problema sa kalsada ng nasabi ring syudad, alam kong naging malaking perhuwisyo ito sa mga commuters na dumadaan sa highway ng Urdaneta papuntang Norte at pabalik sa Manila dahil sa ginagawang kalsada ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bilis-bilisan naman sana ng DPWH ang kanilang trabaho para naman hindi mapagbintangan si Mayor Boboom ng kapabayaan sa sobrang inconvenience ng mga pasahero!
* * *
May natanggap din akong impormasyon na sa North Fairview Subdivision, Quezon City, kung saan may Muslim community din sa loob nito ay balitang gumagamit ng mga menor-de-edad bilang courier sa pagbebenta ng bawal na droga.
Hindi ko lang alam kung ang balitang ito ay luma na o sadyang bina-bale-wala lamang ng otoridad? Hindi naman kasi nakatago ang subdivision na ito para hindi mangamoy ang balita kung totoo ang inireport sa atin.
Mas maganda siguro na mabigyang-pansin ang lugar na ito upang malaman natin ang katotohanan. Hindi tayo galit sa ating mga kapatid na Muslim. Ang sa atin lang ay gusto nating masawata agad ang problema kung meron man!
Tawagan na natin ng pansin ang PDEA at PNP-AIDSOTF tungkol dito. Paki-tingnan na ang katotohanan ng balitang ito!
(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph)
No comments:
Post a Comment