QUEZON CITY—Kinumpirma ni Congresswoman Gina de Venecia na marubdob ang hangarin nilang apat na congresswomen sa Pangasinan na maging ‘operators’ hindi ng Loterya ng Bayan kundi "operators" kontra sa mga kurakot sa lalawigan.
Kasabay nito, kinondena ni De Venecia ang pagmanipula sa mga sinabi ni PCSO chief Margarita Juico na kumalat kahapon. Diumano, silang apat na lady solons ay magtatayo ng korporasyon para magpatakbo ng Loterya ng Bayan (LNB) sa lalawigan.
”Kailanman ay hindi kami nakialam sa ilegal na numbers game o jueteng at wala ring balak na makialam sa anumang number games dahil ang mandato namin bilang mambabatas ay bumuo ng mga batas para sa kabutihan ng ating mamamayan.”
Sinabi ng kongresista na mas pabor silang apat na LNB ang ipapalit ng PCSO sa Small Town Lottery (STL) dahil direktang makikinabang dito ang taong-bayan at pamahalaan kumpara sa ilegal na jueteng na ginagamit lamang ng iilan para magkamal ng salapi mula sa mahihirap.
Ang apat na kongresista na binansagan bilang mga Urduja ng Pangasinan ay sina Reps. Georgina de Venecia (4th District), Kimi Cojuangco (5th District), Marlyn Primicias-Agabas (6th District), at Rachel Arenas (3rd District).
Ayon kay De Venecia, hindi lamang ang PCSO Chief at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang kanilang kinukunsulta, kundi ang lahat ng makapangyarihang lider na nasa daang matuwid, para tuluyang matigil ang pangungurakot ng mga nagsasamantala sa pera ng mahihirap sa lalawigan.
No comments:
Post a Comment