Sunday, December 4, 2011

Narco-Politics totoo ba?

By Sec. Bebot Villar, Dangerous Drugs Board
MARAMING nagtatanong sa akin kung totoo ba itong sinasabing Narco-Politics? At ang aking sagot sa kanilang katanungan ay, OO! Ang narco-poltics ay nagaganap sa ating lipunan ngayon.

Sa simpleng salita ang narco-politics ay ang pagsasabwatan ng mga pulitiko at mga drug lords para kapwa itaguyod ang kanilang mga interes. Ito ay lubos na nakakabahala sapagkat ang mga sindikato ng droga na protektado ng mga pulitiko ay sadyang mahirap makabangga! Sila ay mistulang mga untouchables. Pati mga awtoridad ay magdadalawang-isip na sila ay galawin!

Marahil sa mga bansang Mexico at Colombia pinakamalupit ang narco-politics. Sa sobrang lakas ng mga drug cartels doon, kaya ng mga itong makipagsagupaan sa buong pwersa ng gwardiya sibil at maging sa Army.

Pati mga makapangyarihang political leaders, mga judicial magistrates, mga heneral at mga obispo ay kayang-kaya nilang ipapatay! Maraming mga opisyales ng gobyerno doon ay sunud-sunoran na lamang sa mga kagustuhan ng drug kingpins. Sila na halos ang nagpapatakbo ng bansa!

Huwag natin pabayaan na matulad tayo sa mga bansang ito. Kung tutuusin ay similar ang ating kultura sa kanila kaya’t mas lalo akong nababahala na baka tayo’y sumunod sa kanilang mga yapak!

* * * *

Tinatalakay ko ang usaping ito dahil mayroon isang pangyayari na nakatawag sa aking pansin. Ito ang pagkaka-dakip noong isang linggo sa suspected big-time drug trafficker na si Sammy Mohamad Yusop sa Cagayan de Oro City.

Nabawi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa suspect ang P20 million halaga ng shabu na itinangka umano nitong ipuslit sa pamamagitan ng isang courier service.

Laking gulat ng mga imbestigador nang kanilang mabasa sa cellphone directory ni Yusop ang contact numbers ng ilang Mindanao-based politicians.

Kung ibabatay sa impormasyon na ito, personal palang kilala ng suspect ang ilang prominenteng pulitiko sa Mindanao?! Hindi ko maubos isipin kung ano ang posibleng ugnayan ng isang kilalang drug trafficker sa mga elected officials?

Minabuti ng PDEA na hindi muna ibunyag ang mga pangalan ng mga pulitikong ito. Maingat ang PDEA sa ganyang mga usapan kasi maaaring mabigyan pa            iyon ng pulitikal na kulay. Ngunit natural lamang na maghinala tayo na baka sila ay sangkot sa iligal na droga.

Mag-antay na lang tayo sa magiging resulta ng imbestigasyon. Tinitiyak ko  na ipupursige ng inyong lingkod ang imbestigasyong ito kahit sino pa ang makabangga natin. Hindi natin papayagang maghari sa ating lipunan ang mga narco-politicians! Abangan ang susunod na kabanata!

* * * *

Pitong bilyon na ang mga tao dito sa daigdig natin ngayon. Isinilang ang pampitong bilyong sanggol sa Fabella Maternal Hospital sa Maynila nitong nakaraang October 31.

Ang pangalan niya ay Danica Camacho at siyaý ipinanganak sa isang maralitang pamilya. Ano kaya ang kinabukasan ni Baby Danica sa harap ng nag-uumapaw na populasyon, kakaunting oportunidad at malawakang kahirapan saan man sa mundo?

Ang usapin ng reproductive health, family planning, population control o anuman ang nais n’yong bansag ditto ay nananatiling isa sa pinaka-kontrobersyal na isyu saan man sa bansa. Sa usaping ito nag-uumpugan ang mga konsepto na may kinalaman sa relihiyon, siyensya, medisina, sosyolohiya, pulitika at praktikalidad. Hindi ko tatalakayin ang lahat ng konseptong ito sa aking kolum.

Gayunpaman, isang bagay lamang ang malinaw sa aking pag-unawa. Ito ay ang masyado nang malaki ang ating populasyon ngayon! Palagay ko karamihan sa inyo, anuman ang posisyon sa RH issue, ay sasang-ayon sa akin.

Sana ang mga magulang ay huwag mag-aanak ng higit sa kaya nilang buhayin nang maayos. Alisin na natin sa ating kultura ang pag-aanak ng marami sa pag-asang ang maraming anak ang siyang maghahango sa atin mula sa kahirapan.

Ang paglikha ng sanggol ay hindi parang pagbili ng kalabaw, na sa umpisa pa lamang ay binabalak na natin silang pagtrabahuhin para sa atin!

Maraming paraan ng pagpa-plano ng pamilya. Mayroon artipisyal na mga paraan. Subalit kung ito’y labag sa inyong paniniwala, maaari niyo rin gamitin ang mga natural na pamamaraan. Anuman ang inyong pagpapasya, ang mahalaga ay sikapin ninyong maging mga responsableng magulang.

Palagay ko ay wala namang tututol sa aking sinasabi?

* * * *

Christmas season na naman po! Ito ay panahon ng pagbibigay ng mga regalo sa ating pamilya, mga kaibigan at maging sa mga taong hindi natin kilala. Sadyang malambot ang puso nating mga Pilipino sa mga kapus-palad lalo na kapag ganitong Pasko.

Magsisilabasan na naman ang mga batang namamasko sa mga lansangan. Marami sa kanila ang kakatok sa bintana ng inyong sasakyan. Likas lamang na kayo ay mahabag sa kanila at gustuhin na bigyan sila ng kaunting aguinaldo.

Subalit kayo ay mag-ingat! Ilan sa mga ito ay miyembro ng Rugby Boys at Batang Hamog! Sasamantalahin nila ang inyong kabutihan para kayo ay biktimahin!

Marami sa mga ito ay lulong sa ipinagbabawal na gamot kaya’t hindi mo masasabi kung ano ang kanilang magagawa. Hindi ko po sinasabi na huwag kayong tumulong sa mga mahihirap nating mga kababayan. Subalit maging listo po tayong lahat at huwag magtitiwala sa mga hindi kilala.

Tandaan, ang pagbigay ng pera sa mga street children ay hindi sagot sa problema nila. Parang kinukunsinti lamang natin sila na lalong magbabad sa mga lansangan. Sadyang mapanganib po ang lansangan lalo na sa mga menor de edad!

Ilagay natin sa tama ang ating pagbibigay.

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph ).

No comments:

Post a Comment