Wednesday, August 10, 2011

Pag-amyenda sa R.A. 9165 patuloy na pinaguusapan

MALAMAN ang naging pagpupulong ng Committee on Dangerous Drugs nitong nakaraang Martes sa House of Representatives sa pangunguna ng CommitteeChairman Cong. Vicente “Varf” Belmonte.   Ang patuloy na pagpupulong ay naglalayong mag-review sa Republic Act 9165 (R.A. 9165) partikular sa isyu ng “mandatory drug testing” para sa mga drivers at mga mag-aaral; pagbabalik ng parusang kamatayan at ilang mga panukala na magiging dahilan upang i-amyenda ang batas at mas maging epektibo at kapaki-pakinabang.

Nakatutuwa sapagkat ang naging “battlecry” na ng aking kolum na ito na pagbabalik ng parusang kamatayan ay isa sa pinaka-mainit na tinalakay sa pagpupulong.  Sa akin kasing obserbasyon at maging ng ating mga mambabatas, tanging parusang kamatayan lamang ang tunay na makapag-papabawas ng problema sa iligal na droga.

Bagama’t ang Department of Justice (DOJ), ayon sa kanilang kinatawan sa pagpupulong, ay may kaunting “reservation” sa isyu ng pagbabalik ng parusang kamatayan kung kaya’t minabuti ng committee na sila ay hingan ng posisyon hinggil dito.

Ikinakampanya ko talaga ang pagbabalik ng parusang kamatayan sapagkat alam kong ito lamang ang makapag-bibigay ng hustisya sa mga kaso at personalidad na binibiktima ng salot na droga.  Sa pamamagitan ng parusang ito, magiging patas na rin ang batas sa pagtrato sa ganitong kaso laban sa mga dayuhang nagpa-patakbo ng sindikato sa ating bansa.

Magbibigay hustisya rin ito sa mga inosente at karaniwang mamamayan na madalas ay nagiging biktima ng heinous crimes, na kadalasang nabibiktima ay mga taong walang sapat na kakayahan upang bigyang-katarungan ang nangyari sa kanilang pamilya.

Sa bansang Tsina, hindi inalintana ang pakiusap ng isang Bise-Presidente upang pigilin ang pagbitay sa ating tatlong kababayan noong nakaraang Marso na umano ay “drug couriers” ng international drug syndicate.

Ito ay kanilang patunay sa buong mundo na ang kasong “drug trafficking” ay tinatrato nila ng seryoso at walang sinuman ang makapag-bibigay ng impluwensya upang hindi maisakatuparan ang kanilang istriktong batas ukol dito.

Ganito ang pinapangarap ko para sa Pilipinas kung kailan walang sinumang dayuhan ang magba-balewala sa ating batas at mangangahas na gawing transit point ang ating bansa para sa kanilang iligal na negosyo!

***

Isa rin ang “mandatory drug testing” na umani ng iba’t-ibang reaksyon sa pulong subali’t ito ay normal lamang lalo na kung nais nating maging seryoso sa pag-amyenda ng ating batas ukol sa iligal na droga.

May mga nais na kasing magpa-balewala nito sapagkat hindi sila naniniwala na ito ay epektibo. Sa totoo lang, kung drug testing sa mga driver ang pag-uusapan, maaari nga itong madaya.

Sa panahon kasi ng renewal ng kanilang lisensya ginagamit ang drug test kung kaya’t sila man ay regular na gumagamit ng shabu o marijuana, ilang araw bago dumating ang kanilang renewal at pagpa-drug test ay maaari na silang tumigil pansamantala upang hindi makita sa resulta ang kanilang pag-gamit!

Ito ang nakikita ng mga kritiko na kahinaan ng mandatory drug testing para sa mga driver! Ang renewal kasi ng lisensya ay ang araw ng kapanganakan kung kaya’t alam ng driver kung kailan dapat magpa-drug test!

Ngunit sang-ayon tayo sa “random” drug testing na isinusulong kung saan ang sinuman ay hindi makapag-hahanda sapagkat ito ay isinasagawa ng hindi naka-anunsyo o pasabi.  Sa mandatorydrug testing kasi alam ng tao kung kailan ang drug test.

Maging sa mag-aaral, ginagawa na ang random drug testing ng Department of Health (DOH)  at batay sa mga report na ating tinatanggap, nakatutulong ito upang ang mga magulang ay ma-alarma at makipag-tulungan sa paaralan kung paano maagapan ang problema.

Ang mga nabanggit na isyu ay ilan lamang sa masusing pinag-uusapan ngayon at pinag-aaralan ng Technical Working Group (TWG) sa Kongreso.  Bawa’t isyu ay nangangailangan ng maingat na pag-aaral bago pa mapag-desisyunan na  isama sa dapat ma-amyendahan.  Ilang panahon na lamang at umaasa tayo sa magandang resulta ng pag-aamyenda sa R.A. 9165.

***

Sa kolum ko noong nakaraang Agosto 4, 2011, isinulat ko ang aking panawagan kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman para tipunin ang mga street children na palagiang nakikita sa mga kalsada, tulay at ilalim ng tulay na pagdating ng hapon ay tila sinusundo ng isang sasakyan upang dalhin kung saan ay hindi natin alam.

Natutuwa ako sapagkat parang napapanahong kasagutan sa         aking panawagan ang ginawang forum ng DSWD kamakalawa sa Crowne Plaza Manila Galleria sa Ortigas para sa kanilang target na “zero street children by the end of this year.”

Ginawa sa pakikiisa ng Council for the Welfare of Children (CWC), Department of the Interior and Local Government (DILG), Metro Manila Development Authority (MMDA) at 17 local government units (LGUs) sa buong National Capital Region (NCR).

Lumagda ang DSWD at punong-bayan ng mga pangunahing siyudad tulad ng Manila, Quezon, Caloocan, Pasay, ParaƱaque, Mandaluyong at Muntinlupa bilang “priority areas” ng Comprehensive Program for Street Children.

Napakaganda ng hakbang na ito ni Sec. Soliman at hangad ko ang mabilisang implementasyon nito para na rin sa ikasasagip ng ating mga street children.

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph)

No comments:

Post a Comment