TUMAWAG po si Congresswoman Rachel Arenas sa inyong lingkod matapos niyang mabasa ang ating kolum noong nakaraang Huwebes upang ibigay ang kanyang panig sa isyu na aking tinalakay.
Ayon kay Cong. Rachel, wala daw katotohanan ang sinasabi ni Atong Ang sa aking Chief of Staff na siya ang nagdala sa Pangasinan kay Atong Ang. Ayon sa kanya, si Atong Ang daw ang nagpunta sa kanya upang hilingin na mag-operate ng sugal sa kanyang distrito. Ngunit agad daw tinanggihan ni Cong. Rachel ang kahilingan ni Atong Ang dahil talagang ayaw niya ng iligal na sugal.
Alam ko namang matalino si Cong. Rachel, na kahit bolahin siya na kunwari ligal na sugal ang i-ooperate sa kanyang distrito ay alam nya pa rin na “Jueteng” din ang kababagsakan dahil sa notorious na tao o grupo ang involved.
Dahil dito, humihingi ako ng paumanhin kay Cong. Rachel Arenas! Alam ko na maganda ang mga accomplishments mo sa ikatlong distrito ng Pangasinan ngunit sana ay paimbestigahan mo din ang mga tao na gumagamit sa iyo dahil baka sila ang makasira sa pangalan mo balang araw.
Muli, para kay Cong. Rachel, paumanhin at Mabuhay ka!
***
Kaugnay sa isyu na may ginagamit si Atong Ang na team ng NBI at CIDG upang mag-raid ng ilang guerilla-type operation ng mga malilit nating kababayang kubrador, agad itinanggi ni NBI Director Magtanggol Gatdula na may alam siya dito at agad daw niyang paiimbestigahan ang aking isiniwalat.
May mga nag-text naman ng impormasyon sa inyong lingkod na ang mga NBI team daw na nanghuhuli at tumutulong para makapag-operate si Atong Ang ng Jai-Alai pero jueteng din daw ay ang mga kabilang daw sa NBI Batch 23 sa pangunguna daw nina Deputy Director Lasalla at Assistant Director Medardo Delimos. Mayroon kayang alam sina Deputy Director Ruel Lasalla at Assistant Director Delimos dito o ginagamit lamang sila at ang kanilang pangalan?
May dalawang taon din nating nakasama ang grupo ng mga taga-NBI at mahirap paniwalaan ang mga alegasyon na ito sa kanila. Sana nga ay hindi totoo ang mga ito at pawang paninira lamang.
Sa grupo naman ng CIDG na nag-ooperate para daw kay Atong Ang, naririnig ng mga asset natin na lumulutang daw ang pangalan ni Secretary Robredo.
Secretary Robredo, may alam po ba kayo dito? At bakit daw po ninyo pinatanggal si Col. Lopez sa Pangasinan? Nakakasagabal daw po ba siya sa operasyon ni Atong Ang? Nagtatanong lang Sec. Robredo dahil sa pagkakaalam natin talagang nasa matuwid na daan na si Presidente Noynoy! Ngunit bakit tila may mga nasa liku-liko pa ring daan na pinipilit lumihis sa daan na tinatahak ng ating Pangulo? Umayos naman kayo at mahiya kay P-Noy!
Napakaraming problema at krimen gaya ng kidnapping, carnapping/carjacking, drug-pushing, smuggling etc. ang dapat na inuunang lutasin at mas pinagtutuunan ng pansin ng mga operatiba ng NBI at CIDG kaysa yang mga maliliit na kubrador na hinuhuli nila.
Ang mga maliliit na kubrador na iyan ay kumukuha lamang ng pantawid-gutom nila para sa kanilang pamilya sa pang-araw-araw. Hindi man sila gaya ng mga big-time gambling operators na nagbibigay ng mantika sa nguso nyo ay may karapatan din naman silang mabuhay!
Dapat ay hintayin na lamang nating maumpisahan ang operasyon ng Loterya ng Bayan, hindi yang personal na pagkakakitaan lamang ang inyong iniisip. Mabuti sa Loterya ng Bayan, mas maraming tao ang magkakaroon ng hanapbuhay, mas maraming pamilya ang makikinabang at pati na ang Bayan makakalikom ng dagdag pondo para sa mga proyekto at charity programs.
Sa Loterya ng Bayan, mas siguradong talagang mga taga-Pangasinan ang makikinabang dito at hindi mga dayuhan lamang! Bakit hindi magtiis-tiis muna? Para hindi namang tayong magmukhang gutom na gutom sa pera.
Para dun sa mga local officials ng Pangasinan na nagbigay ng permit to operate kay Atong Ang, ang kakapal ng mga mukha ninyo! Puro kayo mukhang pera!
Kaya’t sa darating na eleksyon, tingnan natin! Kilala ko na kung sinu-sino kayo!
***
Pati si Senate President Juan Ponce Enrile ay nagalit sa paggamit sa kanyang pangalan ni Atong Ang. Ako po ay na-interview nina Senate President Enrile at partner Jess Arranza sa kanilang radio program sa DZAR noong Sabado at nasabi nga po ni Manong Johnny na ultimong siya ay di pabor sa Jai-alai na iyan kaya gusto niyang mapaalis na ito sa Cagayan, yun nga lang ay nakakuha ng Temporary Restraining Order sa RTC ang Meridien Vista Gaming Corporation.
Ayon sa Plea Bargaining Agreement ni Atong Ang, pinapayagan lamang siya ng gobyerno na pumasok sa plea bargain kasama ang ilang kondisyon at kabilang nga dito ang pagbabawal kay Atong Ang na pumasok at makipag-transact sa gobyerno.
Ngunit marami daw ang makakapagpatunay na mismo siya ang nagpapatakbo ng Jai-alai dahil siya raw mismo ang nakikipag-usap sa mga governor at iba pang mga opisyal ng gobyerno. Malamang daw ay ginagamit lamang ni Atong Ang ang pitong pangalan na nakalistang incorporators ng Meridien Vista Gaming Corporation dahil hindi nga naman niya pwedeng ilagay ang pangalan nya sa incorporators dahil lalabag siya sa plea bargain nya.
Dapat sigurong ma-imbestigahang mabuti ng mga kinauukulan kung talagang involved si Atong Ang dito dahil kung totoo na siya ay involved, maliwanag na pinaglalaruan nya lamang ang batas sa ating bansa.
Patanda na yata ng patanda ang edad ng mga suspek na nahuhuli ngayon ng “tulak” sa droga? Kamakailan lamang, isang Ernesto M. Pagcaliwagan, alias Erning Tanda na may edad 62 ang nahuli sa isinagawang buy-bust operation sa Pasay!
Kasama ni Erning Tanda ang isang Yolanda C. Paloyo alias Yolly, 47, walang trabaho at nakatira sa 1742 Cuyegkeng Street, Pasay City. Ang 62-anyos na suspek kasama si Paloyo ay nahuli ng PNP-AIDSOTF at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawa nitong buy-bust operation sa nasabing lugar.
Isa namang 45-anyos ang nadampot ng AIDSOTF na kinilalang si Benjamin A. Rubio, residente ng Zone 6, Barangay Poblacion, Libmanan, Camarines Sur. Siya ay nahulihan ng shabu at drug paraphernalia.
Likas na yata talaga sa mga Pinoy ang pagiging pasaway! Sa halip na maghinay-hinay sa edad na de-peligro, mas ginugusto pa ng mga lolo at lola sa kasalukuyan ang magtulak ng droga dahil sa siguradong kita!
Sana lang, kahit ganito kaliliit ang huli nila basta araw-araw, malaking bagay na rin ito laban sa ating problema ng bawal na droga!
***
Isang taos-puso namang pakikiramay ang nais kong iparating sa pamilya ni Rolando Tambangan, kapitan ng Barangay 185 Zone 19 ng Lungsod ng Pasay na binaril at napatay dahil sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
Sinasabing hindi kilalang tao ang bumaril kay Tambangan habang ito ay nagkakape sa kanyang bahay sa may Higgings Street, bandang ika-7 ng gabi nang biglang pumasok ang dalawang suspek at binaril ang biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang pinatay ay kilala sa lugar bilang nagpapaigting ng kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot doon sa kanyang barangay.
Isa lamang si Tambangan sa mga opisyal ng gobyerno na napatay dahil sa kampanya laban sa droga. Hindi kasi biro ang kampanya dito, dapat talagang bukod sa buo ang loob mo, maingat ka rin dahil ang kabangga sa laban na ito ay malalaking sindikato!
***
Pinahihinto muna natin ang seminar na ginagawa ng DDB dahil lumalabas na hindi ganun ka-epektibo gaya ng inaasahan natin ang resulta nito sa ating kampanya laban sa droga.
Sa mga report na ating nakakalap, walong porsyento ng kaso sa droga ay nadidismiss bago pa makarating sa pagdinig; pitong porsyento ang natatapos at nagkakaroon ng desisyon; walong porsyento naman ang nakakaligtas sa kaso habang 76 porsyento naman ang hindi natatapos na mga kaso.
Kung ating susuriin mula sa aking pag-upo bilang Chairman ng DDB, unang programang aking inabutan ang Seminar-Workshop para sa mga prosecutors, judges at law enforcers.
Umiikot ang isang team ng DDB upang magbigay ng seminar tungkol dito sa iba’t-ibang rehiyon sa Pilipinas. Ngunit nakalulungkot isipin, na mahina pa rin yata at mabagal ang mga korte sa pagresolba sa mga kaso ng droga.
Mukhang hindi nakatutulong kahit katiting man lamang ang mga ginawa naming seminar para sa kanila sapagkat mukhang walang epekto. Sa aking palagay, nasasayang lamang ang pondo kung sa ganito mauukol.
Hindi lang yata kakulangan sa “drug courts” ang problema natin sa pagdinig ng mga kaso sa droga, mukhang meron pang mas malalim na dahilan. Meron pa nga po ba? Nagtatanong lang po.....
(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkuku-rap_101@yahoo.com.ph )
No comments:
Post a Comment