Wednesday, April 13, 2011

Atong Ang may 15 bodyguards

KAUSAP ko si Congressman Napoleon Dy ng Isabela kahapon na aking napag-alaman na  kapag lumalakad ngayon si Atong Ang ay may 15 bodyguards daw na pawang mga miyembro ng NBI at CIDG!

Talaga nga namang nakakapag-init ng ulo, dahil ang sinusuweldo ng mga tauhan ng NBI at CIDG na bodyguard nya ay galing sa buwis ng mamamayan ngunit bakit isang ex-convict naman ang kanilang binabantayan na kung ituring ay parang isang VIP?

Matikas pa siya sa mga senador natin na iilan lamang ang security, o di kaya sa mga justices, Judges o mga secretary ng ating gobyerno dahil sa dami ng security na nakapaligid sa kanya!

Sec. Robredo at Director Gatdula, kayo po ba ang nagbigay ng mga security kay Atong Ang? Nagtatanong lamang po.

Nababalitaan din natin na kalat na kalat na daw sa buong bansa ang operasyon ng Jai-alai ni Atong Ang na “Jueteng” din naman daw ang kinabagsakan!

Nakakagulat naman talaga dahil si Atong Ang na bawal makipag-transaksyon sa gobyerno ayon sa kanyang Plea Bargain ang siya naman mismong nakikipag-usap sa mga governor at mayor upang makapaglagay ng Jai-alai na “Jueteng”  din daw naman sa kanilang nasasakupan!

Isa pang nakakatawa ay hindi naman Incorporator si Atong Ang ng Meridien Gaming Vista Corporation na nakarehistrong mag-operate ng Jai-alai sa CEZA lamang!...

Mukhang grabe na daw ang lakas ni Atong Ang sa ilang opisyales ng gobyerno natin at pati batas ay animong pinaglalaruan na niya!

Bukod sa 15 na mga NBI at CIDG na bodyguard daw ni Atong Ang, may mga team din siya ng mga NBI at CIDG na nanghuhuli ng mga maliliit na kubrador na guerilla lang naman ang operasyon sa mga probinsya.

Napakaraming mga problema at krimen gaya ng walang tigil na pagpaslang, kidnapping, carnapping/carjacking, drug-pushing ang dapat na inuunang nilulutas o pinagtutuunan ng pansin ng mga operatibang ito ng NBI at CIDG kaysa iyang mga maliliit na kubrador ang hinuhuli ninyo!

Ang mga maliliit na kubrador na iyan ay kumukuha lamang ng pantawid-gutom nila sa kanilang pamilya, hindi sila mga pusakal o kriminal!  Hindi man sila gaya ng mga malalaking gambling operators na nagbibigay ng mantika sa nguso niyo ay tao pa rin naman sila na may karapatan ding mabuhay!

Sec. Robredo at Director Gatdula, may alam po ba kayo sa mga operasyon ng mga tao niyo na tumutulong kay Atong Ang? Marami na po kaming nagtatanong.

Hindi po ba at nasa matuwid na landas na po tayo sabi ni P-Noy ngunit bakit parang may mga tao pa po kayong mga nasa liku-likong daan na nagpapagamit sa isang ex-convict kapalit ng malaking halaga. May basbas nyo daw po ba ang mga tauhan ninyong sina Sec. Robredo at Dir. Gatdula? Nagtatanong lamang po.

Napasok na daw ni Atong Ang ang probinsya ng Laguna, Cagayan, Cavite, Rizal, Bulacan, kalahati ng Isabela,  maraming probinsya sa Visayas at Mindanao at ngayon ay ang mahal na probinsya ko naman ng Pangasinan ang kanyang pinasok!

Nabalitaan din natin na ipinagmamalaki daw ni Atong Ang na malakas siya sa kumpare kong si Governor Amado Espino, kaya si Governor daw mismo, gamit ang NBI at CIDG,  ang nagpapahuli sa mga malilit at kaawa-awang mga kubrador sa Pangasinan!  Kapalit daw ito ng malaking porsyento na ibibigay nya kapag nailatag niya ang Jai-alai na “jueteng” din naman sa Pangasinan. Hindi yata ganito ang pagkakakilala ko kay Gov?

Kung totoo ito, mukhang mawawala na ang respeto ko sa Governor at kumpare kong  sinuportahan ko.

Kung hindi naman ito totoo, pwede niyang ipahuli ang mga taong  ito na gumagamit sa kanyang pangalan!

Para naman sa mga mayor sa Pangasinan na nagbigay ng Permit to Operate kay Atong Ang, puro kayo mukhang pera! Nabigyan lamang kayo ng pera ay nawala na ang prinsipyo nyo!

Sa Jai-alai na “Jueteng” din naman, iilang tao lamang ang makikinabang dyan!  Masakit dun ay malaking porsyento ng pera ay lalabas pa ng probinsya at mapupunta sa kamay ng mga estranghero at ex-convict!

Dapat ay hintayin na lamang natin na mag-umpisa ang operasyon ng Loterya ng Bayan ng PCSO, at hindi iyang personal na pagkakakitaan lamang ang iniisip niyo!  Magkakaroong lamang ng conflict ang operasyon ng Loterya ng Bayan kung uunahin pa natin ang “jai-alai na jueteng.”

Mabuti sa Loterya ng Bayan, mas maraming tao ang magkakaroon ng hanapbuhay, mas maraming pamilya ang makikinabang at pati ang bayan ay makakalikom ng dagdag na pondo para sa mga proyekto at charity programs.

Sa Loterya ng Bayan, mas sigurado talagang mga taga-Pangasinan lamang ang makikinabang at hindi lang iilan at hindi mga dayuhan lamang!

Kaya kayong mga buwayang mayors, itaga ninyo sa bato, pagdating ng araw, pagsisisihan ninyo ang mga aksyong ginagawa ninyo ngayon!

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. )

No comments:

Post a Comment