Friday, March 3, 2023

Cayetano, tumulong sa pagbangon ng libo-libong negosyo sa Albay province

 Upang tulungan makabangon ang kabuhayan ng mga Bikolanong matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic, namahagi ng tulong ang opisina ni Senador Alan Peter Cayetano sa daan-daang miyembro ng Legazpi City Public Market Association at Banquerohan Farmers Association nitong Biyernes sa ilalim ng kanyang Presyo-Trabaho-Kita/Kaayusan (PTK) Program.

Katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), namigay ang PTK program ng P2,500 cash aid sa halos 300 miyembro ng dalawang asosasyon sa Legazpi City Convention Center noong March 3, 2023.



Kwento ni Femy Ludovice Blanquisco, pangulo ng Legazpi City Public Market Association, marami sa mga may pwesto sa palengke ang nagsara noong pandemic. Pinasalamatan niya ang senador sa tulong niya sa kanilang mga maliliit na negosyante na kailangan ang suporta ng gobyerno upang mapanatili ang kanilang kabuhayan.

“Noong pandemic, nabuwag kami dahil nagsara ang aming mga tindahan at negosyo kaya malaking tulong sa aming vendors itong dagdag puhunan para makaangat, makabangon, at makaiwas sa pag-utang,” ani Blanquisco. 


Sabi naman ni Maria Valladolid, pangulo ng Banquerohan Farmers Association, makakatulong ang bagong assistance sa kanilang grupo na lumago sa kabila ng kahirapan. 


“Nilalabanan namin ang kahirapan kasi nandyan si Senator Alan, sumusuporta sa amin,” aniya sa PTK team.


Unang nakatanggap ng seed capital mula sa PTK ang Banquerohan Farmers Association, na binubuo ng 283 coconut farmers at 209 rice farmers, noong 2015. Ginamit nila ang pera para pondohan ang sarili nitong loan program.


Ginamit din ng ibang miyembro ang pondo bilang pambili ng pagkain para sa kanilang pamilya at ng pataba sa lupa, at ang ilan ay nakapagbayad pa ng tuition ng kanilang mga anak.


Taong 2013 nang simulan ni Cayetano ang programang PTK kung saan ang mga kooperatiba at organisasyon ay binibigyan ng kapital na magagamit sa kanilang mga proyekto at programa.


SARI-SARING PAG-ASA


Nitong linggo rin, namahagi ang isa pang programa ni Cayetano — ang Sari-saring Pag-Asa Program (SSP) — ng tulong sa higit isang libong Bikolano sari-sari store owners sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at para lumago ang kanilang maliliit na negosyo.


Sa isang province-wide handover mula February 27 to March 2, 2023, nagbigay ng tulong ang opisina ni Cayetano sa 1,400 sari-sari store owners sa iba’t ibang lugar sa Oas, Legazpi City, at Tiwi, Albay. Ginawa ito sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng mga lokal ng pamahalaan at sa pakikipagtulungan ng DSWD sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program nito.


Sa ilalim ng SSP, na flagship program ni Cayetano para sa mga maliliit na negosyo, nakatanggap ang bawat sari-sari store owner ng P3,500 at booklet na nagpapaliwanag sa programa at nagbibigay ng mga tip kung paano nila palalaguin ang kanilang negosyo.


Ginanap ang pamimigay ng SSP assistance sa pakikipagtulungan kasama nina Albay Governor Edcel “Grex” Lagman, Legazpi City Mayor Carmen Geraldine “Gie” Rosal,  Legazpi City Councilor Joseph Philip Lee, Tiwi Mayor Jaime Villanueva, Oas Mayor Ging Escoto, at Iraya Norte Barangay Captain Greggy Ricarte. 


Nagpahayag sila ng pasasalamat sa tulong na ibinigay ni Cayetano para sa kanilang mga kababayang Bikolano.


“Sa ating butihing senador – Senator Kuya Alan Cayetano – sa binigay ninyong SSP dito sa bayan ng Oas, ako po ay nagpapasalamat in behalf sa aming constituents sa inyong programa. Sana po ay marami pa pong programa na maibigay sa aming bayan,” sabi ni Oas Mayor Ging Escoto.


“Malaking tulong po ito para sa ating small businesses para lalo pong madagdagan ang kanilang kapital at lalo na po pandagdag sa kanilang mga negosyo. Thank you very much to Senator Alan from the city government,” wika naman ni Legazpi City Councilor Joseph Philip Lee. ###

No comments:

Post a Comment