Tuesday, January 29, 2019

SSS nananawagan sa mga miyembro na mag-update ng contact details 


   
Hinihikayat ng Social Security System ang mga miyembro nitong naghuhulog bilang self-employed, voluntary, non-working spouses, at overseas Filipino workers (OFWs), na ibigay o i-update ang kanilang contact information sa SSS para matanggap ang kanilang Payment Reference Number (PRN) sa pamamagitan ng text message. 
  
Sa Real-Time Processing of Contributions (RTPC) programna nangangailangan ng PRN para magbayad ng kontribusyon ay agarang naitatala ang kontribusyon sa rekord ng miyembro sa SSS. Kapag may PRN, may natatanggap din na text message ang mga miyembro na naitala na ang kanilang kontribusyon. 
 
Pinapayuhan namin ang aming mga miyembro na hindi pa naka-rehistro sa My.SSS kaya hindi pa nakakakuha ng kanilang PRN na magbigay sa SSS ng kanilang cellphone number para ipadala sa text message ang kanilang PRN. Kapag nagbayad na may PRN, maiiwasan ang pagkaantala sa pag-proseso ng kanilang mga benepisyo at iba pang serbisyo,” sabi ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc.
 
 "Maaari nilang i-update ang kanilang contact information tulad ng cellphone number at email address over-the-counter sa kahit anong sangay ng SSS sa buong bansa, o di kaya ay sa My.SSS account, o sa SSS Mobile Application.  Sana ay mag-rehistro sila sa My.SSS na makikita sa SSS website (www.sss.gov.ph) at sa SSS Mobile Application para mas mabilis ang pagkuha nila ng PRN anumang oras at nasaan man sila," sabi ni Dooc. 
 
Nauna nang inanunsyo ng pension fund na maaaring magbayad ang mga miyembro kahit na walang PRN ngunit hihingin ng SSS ang cellphone number ng miyembro para sa susunod na pagbabayad ng kontribusyon ay matatanggap na niya ang PRN sa pamamagitan ng isang text message. 

Mayroong 83,606 pensyonado, 124,583 OFWs, 563,219 boluntaryong miyembro, 7,005 kasambahay, 4.13 milyong empleyadong miyembro, 225,057 self-employed, at 7,141 non-working spouses ang nakarehistro sa SSS Website na may mga rehistradong email address. 
  
Maaaring bisitahin ng mga miyembro ang pinakamalapit na sangay ng SSS upang mag-update ng kanilang contact information sa pamamagitan ng pagsagot ng E-4 Member Data Change Request Form, o ang Member Information na bahagi ng Payment Slip. 
 
Upang mai-update sa online ang contact information ng miyembro, kinakailangan na: pindutin ang “Try My.SSS Beta” na makikita sa homepage ng SSS Website; mag-log in gamit ang My.SSS account; pindutin ang “My Information” at ang “Update Information”; i-tsek ang kahon na gusting i-update at; pindutin ang “Next” at ang “Update” at i-save o i-print ang Online Data Change Request form na naka-PDF.  
 
Maaari rin i-update ng mga miyembro ang kanilang contact information sa pamamagitan ng SSS Mobile Application. Kinakailangan lamang mag-log in gamit ang kanilang My.SSS account; pindutin ang “My Information”; pindutin ang “Contact Details” at piliin ang Mobile number at; i-submit. 
   

Muling ipinapaalala ng SSS sa mga miyembro na ang PRN ay maaaring makuha sa anim na paraan: sa text message o email, My.SSS online account na matatagpuan sa website ng ahensya; sa SSS Mobile Application; sa pamamagitan ng PRN inquiry facility ng mga collection partners ng SSS, o; sa kahit saang sangay ng SSS sa buong bansa. 

No comments:

Post a Comment