MANGALDAN, Pangasinan - Mariing pinabulaanan ng lady alkalde dito ang kumakalat na alegasyon na siya umano’y humahadlang sa pagtatayo ng ospital sa first class na bayan.
Ayon kay Mayor Bona Fe D. Parayno, walang katotohanan ang mga paratang at isa lamang itong paninira sa kanyang pangalan ng kanyang mga kalaban.
Wala rin aniyang anumang aplikasyon
para sa naturang proyekto ang naipasa sa kanyang tanggapan, at wala ring
sinumang lumapit sa kanya upang ipahayag ang intensyon na magtayo ng ospital sa
bayan.
Giit ng alkalde, imbes na
magpakalat ng maling impormasyon, mas mainam na pagtuunan ng pansin ang
pagbibigay ng tapat na serbisyo sa mga Mangaldanian.
Bilang isang dating medical
practitioner at isang tagapagtaguyod ng programang pangkalusugan, hindi umano
tutol si Mayor Bona sa pagtatayo ng ospital sa bayan. Sa halip, bukas siya sa
ideya at naniniwala siyang ito ay isang proyektong lubhang makakatulong sa mga
kabaleyang Mangaldanian.
Aniya, kung may mga pribadong sektor
o mabubuting puso na nais makipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang
maisakatuparan ang proyekto, handa siyang makipag-ugnayan at magbigay ng
suporta.
Dagdag pa ni Mayor Bona, kung ang
proyekto ay para sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan, hindi siya
magdadalawang-isip na suportahan ang anumang hakbang na magpapabuti sa
serbisyong pangkalusugan sa bayan.
Nagbabala rin si Mayor Bona sa
publiko na maging mapanuri sa mga politikong inuuna ang pagpapakalat ng
kasinungalingan at akusasyon kaysa sa tunay na paglilingkod sa bayan.
Ayon sa kanya, ang isang tunay na
lingkod-bayan ay hindi nasusukat sa kanyang sinasabi kundi sa kanyang ginagawa
para sa mga taong pinagsisilbihan niya.
Aminado ang alkalde na nasasaktan
siya bilang tao sa patuloy na pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa
kanya. Kaya naman umaapela siya sa mga nagpapakalat ng mga tahasang paninira at
fake news na itigil na ang pamumulitika at smear campaigning.
Patuloy namang nananawagan si Mayor
Bona sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong kanilang tinatanggap at
huwag basta maniwala sa mga kumakalat na espekulasyon na walang matibay na
batayan. (๐๐๐ฃ๐๐๐ก๐๐๐ฃ
๐๐๐)
No comments:
Post a Comment