Gustong paimbestigahan ni Senador Grace Poe ang magkakasunod na pagpatay sa mga kabataan kaugnay ng madudugong operasyon kontra iligal na droga, kasabay ng kanyang panawagan para sa agarang pagresolba ng mga kaso.
Kian Loyd Delos Santos at Carl Angelo Arnaiz |
Sa kanyang inihaing Senate Resolution 498, sinabi ni Poe na dapat ituring na karumal-dumal na krimen ang kabi-kabilang kaso ng pagpatay, kabilang ang mga menor de edad, na kadalasang itinuturing lamang na collateral damage o isolated incidents sa giyera kontra droga ng pamahalaan.
Tinukoy ni Poe ang brutal na pagkitil sa buhay nina Kian Loyd delos Santos, 17, Carl Angelo Arnaiz, 19, at kasama nitong 14 taong gulang na si Reynaldo de Guzman na kamakailan ay natagpuang patay sa Gapan, Nueva Ecija na tadtad ng saksak at may balot ng packaging tape ang ulo.
Bukod sa tatlo, sinabi ni Poe na may 54 na kabataang edad 18 pababa ang naiulat na napatay sa operasyon ng pulisya o vigilante-style killings mula noong Hulyo noong isang taon.
“Nararapat na alamin natin kung ang mga naganap na pagpatay ay sanhi ng labis-labis na paggamit sa kapangyarihan ng mga alagad ng batas,” sabi ni Poe sa kanyang resolusyon.
“Bago tayo malubog sa kaguluhan at karahasan, ang brutal na pagkitil sa buhay nina Kian, Carl at Reynaldo ay dapat magsilbing panawagan at paalala na tayo ay isang bansang may batas at moralidad,” dagdag ng senador.
Nanawagan din si Poe sa awtoridad na maging maingat sa mga kasong may kinalaman sa mga bata, alinsunod sa Section 6.1, Chapter 3 ng Philippine National Police manual na nagsasaad na ang paggamit ng pwersa, kasama ang paglalagay ng posas, ay pinapayagan lamang kung talagang kinakailangan at matapos ipatupad ang lahat ng paraan sa pagkontrol ng sitwasyon. Sa ilalim din ng manual na ito, itinuturing na criminal offense ang paggamit ng karahasan sa isang bata.
“Dahil sa dumaraming kaso ng kasumpa-sumpang mga pagpatay, nararapat lamang na siguruhing nasusunod ang mga protocol sa mga operasyon at napapatupad ang mga karapatang nakasaad sa ating mga batas at iba pang international conventions,” dagdag ng senador.
Giit ni Poe, dapat tiyakin ding malinaw ang mga protocol sa mga kasong kinasasangkutan ng mga bata at pag-ibayuhin ang mga training ukol dito para sa mga alagad ng batas. Makakatulong rin aniya ang pagsusuot ng mga pulis ng body camera, masusing pagbabantay sa crime scene at pagprotekta sa ebidensya tulad ng CCTV footage at gayundin sa mga saksi.
Pinaalala ng senador na sundin ang mga probisyon ng Konstitusyon, Convention on the Rights of the Child at Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice Act na nagsasabing dapat bigyan ng due process ang sinumang kabataang masasangkot sa krimen nang hindi tinotorture o pinapatawan ng iba pang hindi makataong pagtrato.
“Inaasahan nating ang pulisya na tutupad sa kanilang sinumpaang tungkulin na protektahan at pagsilbihan ang taumbayan. Nararapat lamang ang mariing pagkundena sa ilang miyembro nitong walang respeto sa buhay ng tao,” ayon kay Poe.
“Pakinggan natin ang panawagan para sa hustisya ng mga kaanak ng biktima. Ang walang saysay na mga pagpatay sa mga inosente, lalo ang mga menor de edad, na ikinukubli sa mga operasyon laban sa iligal na droga ay dapat tugunan ng batas, mga patakaran at walang kinikilingang imbestigasyon,” saad ng senador. -30-
No comments:
Post a Comment