Thursday, December 4, 2025

Mayor Bona, M4GG Nakipag-Diyalogo kay DPWH Sec. Vs. Korapsyon

By Mortz C. Ortigoza

MANGALDAN, Pangasinan – Nakipagtalakayan ang ina ng bayan dito at mga kasapi ng Mayors for Good Governance (M4GG) sa kay Department of Public Works and Highway (DPWH) Secretary Vince Dizon kamakailan lang kung paano malabanan ang mga maanomalyang proyekto at iba pang mga hamon na kinakaharap nila sa DPWH.

MANGALDAN Mayor Bona Fe D. Parayno (extreme right) listens attentively to the dialogue between the Mayors for Good Governance (M4GG) where she is a member and the officials of Department of Public Works and Highway (DPWH) leads by Secretary Vince Dizon about the challenges face by the local government units vis-à-vis the infrastructure projects constructed by the national government. The dialogue was held recently at the DPWH MIMAROPA Office in Quezon City. M4GG PHOTO

Sumentro rin ang usapin sa pagpapalakas ng ugnayan ng DPWH at mga local government units (LGUs) upang mapabilis ang mahahalagang proyektong pang-imprastraktura sa iba’t ibang parte ng bansa.

Maalaala na ipinahayag ni President Ferdinand Marcos, Jr. noong Setyembre na kailangan muna makuha ang pag-apruba ng mga alkalde bago makumpleto ang isang pambansang proyekto.


“Alala ko nung governor ako, walang pwedeng sabihin completed kung hindi accepted ng local government. Babalik natin ‘yun. Tinanggal nila in the last administration,” paliwanag ni Marcos sa isang press conference.

Inanunsyo ni Secretary Dizon sa diyalogong ginanap noong Disyembre 3 sa DPWH MIMAROPA Office sa Quezon City ang planong tripartite agreement sa pagitan ng DPWH, LGUs, at Department of Education (DepEd) para sa Classroom Catch-Up Plan. Layunin nitong pabilisin ang proseso ng pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan at masiguro na ang mga ito ay up to standard at ligtas sa panahon ng kalamidad.

Ibinahagi rin niya ang Oplan Kontra Baha program ng pamahalaan na tututok sa declogging at paglilinis ng mga drainage at waterways systems sa mga flood-prone areas, lalo na’t walang nakalaang flood control projects sa 2026 national budget. Tiniyak ni Sec. Dizon na maglalaan ang DPWH ng lahat ng kinakailangang resources para sa naturang hakbangin.


Nagpahayag ng buong suporta ang mga alkalde ng M4GG sa kolaborasyong ito dahil direktang makikinabang ang kanilang mga kababayan, mapabibilis ang serbisyo, at higit sa lahat, masisigurong walang korapsyon sa implementasyon.

Ang M4GG -- na pinangunahan ni Convenor Baguio City Mayor Benjie Magalong  -- ay nagpasalamat kina Sec. Dizon at sa kanyang team sa DPWH para sa pagkakataong ito at sa pagtutulungan para sa kapakanan ng ating mga kababayan.

 Sa 1,642 na lungsod at bayan sa Pilipinas, 179 lang ang kasapi ng M4GG magmula ng itatag ito noong Agosto 24, 2023. Ang mga convenors nito ay sina Pasig City Mayor Vico Sotto, Magalong, Isabela City, Basilan, Sitti Djalia Hataman, at Quezon City Joy Belmonte.

No comments:

Post a Comment