Monday, August 19, 2024

Duwag Tayo, Hawak ng China ang Bayag Natin

Ni Mortz C. Ortigoza

Kahit gibain pa ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) ang mga bapor ng Philippines Coast Guard (PCG) ay, tandaan ninyo, laging bahag ang buntot ng Pilipinas dahil hawak ng Chinese government ang bayag ng bansa sa pamamagitan ng kalakal ng huli sa una.

Image for representation purposes only. marineinsight.com

Ipapaliwanag ko mayamaya bakit duwag ang Pinas. Unahin ko muna ito: Maalaala natin na bukod sa mga pangha-harass, pagbu-bomba ng tubig, at pagba-bangga sa mga barko ng PCG, sariwa pa sa isip ninyo kung paano banggain, pagtatagain,  sibatin, at butasin ng mga tao ng CCG na naging dahilan na ikinasira ng mga rubber boats ng Philippines Navy kung saan sakay-sakay pa ang mga elite na SEAL (Sea- Air-Land) Team na mandirigma ng sandatahan natin na wala ring nagawa.

Ayaw pa bayaran ng Intsik iyong mga baril at mga gamit ng SEAL na kinuha nila at sa pagkasira ng dalawang inflatable boats na maghahatid sana ng pagkain at mga supply sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre doon sa Second Thomas Shoal

Kahapon ng madaling araw binangga at sinira na naman ng dalawang bapor ng CCG ang dalawang barko ng PCG habang magsusupply sana ang huli sa Patag at Lawak Islands malapit sa Escoda Shoal sa Spratly Islands.

Ang unang pagbangga ay nangyari noong 3:24 Lunes ng madaling araw ng salpukin ng CCG ang BRP Cape EngaƱo kung saan nabutasan ng limang pulgada ang deck ng huli.

Noong 3:40 A.M ng parehas na araw binangga rin ng CCG nang dalawang beses ang BRP Bagacay na nag iwan ng minor na pagkasira sa PCG.

Bakit ayaw din natin banggain ang mga bapor at miliamen ships ng China? Kung baga sa Inglis ay tit for tat o ngipin sa ngipin, sanamagan!

Hindi natin magagawa dahil sa hawak nila tayo sa bayag dahil takot tayo na isasarado ng Beijing ang pag-export natin sa dambuhalang merkado nila ng mga gawang kalakal dito sa atin. Pagnagkataon, daang libong Pinoy ang mawawalan ng trabaho at gugutumin. Bangungot sa Malacanang ang senaryo na iyan lalo magproprotesta sa kalsada, maninira at magsusunog iyong mga matatanggalan ng trabaho. Takot si President Ferdinand Marcos diyan baka pasukan siya ng mga masasamang loob sa militar at makudeta siya. Di ba mga DDS sa Davao City?

Ilang beses ko ng inilalarawan dito sa blog ko ang pagkapit natin na parang tuko sa Chinese market.

Ito ang kasalukuyang sitwasyon ng “Balance of Trade” natin sa kanila:

·         Noong 2023 ang export ng Pinas sa China ay US$10.65 Billion or P573, 201, 750, 000 ani Trading Economics.

·         Ang import naman natin galing China ay US$30.93 billion o PhpP1.7 trillion noong buong taon na iyon. Kahit malaki ang kalakal ng China sa atin di kawalan sa kanila iyan dahil sila ang hari ng export sa buong mundo.

Ang mga Filipino sa Hongkong (protectorate ng China) ay nagpadala sa Pilipinas noong 2022 ng U.S $732.36 million o P41.7 billion (Statista.com). May mga Filipino rin na nagtatrabaho sa Mainland China at Macau dahil madilim pa sa aspalto ng DPWH at alkitran ng yerong bubong sa Payatas ang pag asa ng mga Pinoy na makahanap ng magandang trabaho sa Pinas. Sisihin natin ang prublemang ekonomiya na iyan sa 60-40 percent equity na nakasaad sa Constitution natin na pumapabor sa mga bundat ang tiyan na Pinoy oligarchs. Kukumentaryuhan ko iyan ulit sa ibang araw dito sa blog/column ko.

May 5.45 milyon (Statista.com) na Intsik na turista na dumagsa sa Pinas noong 2023. Pag maraming turista marami rin ang dolyares natin dahil nagsusunog sila ng pera dito kaya may trabaho ang ibang kababayan natin.

Noong nagkita-kita kami sa World Trade Center nila Department of Foreign Affairs's Undersecretary Eduardo Jose A. de Vega at Assistant Secretary Roberto “Bobby” Ferrer, Jr. sa International Food Expo (IFEX) sa Pasay City noong Mayo, tinanong ko ang isa sa kanila: Bakit ayaw natin manawagan sa mga Merkano para gamitin ang lakas ng sandatahan nila sa pamamagitan ng 1951 Mutual Defense Treaty laban sa di na mabilang na pang aabuso ng mga Intsik, “dahil ba takot tayo na ihinto ng China ang daang bilyones na peso na merkado natin sa China?” ani ko.

Ang sagot ng isa sa kanila: Parang ganoon na nga?


READ MY OTHER BLOG:

Meeting the Tausog Lawmakers

No comments:

Post a Comment