Thursday, March 1, 2012
Iligal na sugal talamak pa rin sa buong bansa, ’di naman tumigil mula noong umupo si P-Noy
TALAMAK pa rin sa buong bansa ang jueteng lalo na sa Pangasinan kung saan napaka-takaw ng kamag-anak ni buwayang Lolong na si Col. Ricaforte! Hindi na siya iniintindi kahit anong kalabit natin kina DILG Sec. Robredo at PNP Chief Bartolome.
May mga ilang probinsyang STL ang gamit pero 10% lang ang para sa kubransa, pero dito sa jueteng 90%! Ibig sabihin, front lang ang STL para kunwari legal!
Sa Pangasinan nga nag-iisyu pa ang mga mayors ng gambling permit! Puwede ba ’yon? Kaya nga plano ko nang dalhin sa Ombudsman ang mga mayors na ito! Ginagawa na natin ngayon ang mga kaukulang dokumento para maisampa ang kaso. Dalawang testigo lang naman bawa’t bayan ang kailangan buhay na ang kaso!
Ilang buwan ko rin kasing tinutukan ang isyung ito at maging ang ating suking readers ay makapag-papatunay nito. Kamakailan lang nasulat sa Philippine Daily Inquirer ang pa-anunsyo na may jueteng pa rin daw at nakahanda sila umano ang PNP na ipatupad ang kanilang polisiya sakaling may ma-involve na kanilang kapulisan!
Pero bakit ganun? Tila hanggang d’yaryo lang po yata ang assurance ng DILG at PNP? Bakit hindi yata nila nababasa ang ating mga isinulat noon at magpahanggang ngayon?
Alam kaya ni P-Noy ito? Tila zig-zag ang daan ng DILG at PNP? Saan ba ang tuwid na daan? Nag-papa-pogi na lang yata ang dalawang ito! ’Di kaya namamantikaan din ang nguso ng dalawang ito kaya hindi na lang iniintindi ang isyu?
Bagay sa dalawang ito sa Clowns Comedy Bar sa Timog, kasi lagi silang nagpapatawa hindi naman kalbo! Niloloko tayo, ang mga taong-bayan maging si P-Noy!
Kung alam ni P-Noy ang tungkol dito, siguradong napaimbestigahan na ito dahil alam naman natin na sensitibo ang ating Pangulo pagdating sa ganitong mga isyu!
****
Matapos ang halos walong taon at kung anu-anong legal tactics, hindi rin nakaiwas sa hustisya ang mga operators ng tinaguriang “Mega Shabu Lab” sa Mandaue City.
Ito’y matapos nagbaba ng guilty verdict ang Mandaue Regional Trial Court Branch 28 sa siyam na Chinese nationals at dalawang Pinoy na mga akusado kaugnay ng isa sa pinakamalaking shabu manufacturing operations na nadiskubre sa ating bansa.
Reclusion perpetua o habangbuhay na pagkakabilanggo ang parusang iginawad ng hukuman kina convicted drug financier Calvin Tan at sa 10 miyembro ng kanyang sindikato. Abswelto naman si Hung Chin Chung, ang assistant ni Tan na nagsilbing state witness laban sa kanyang mga kasamahan.
Marahil humaba nang husto ang kaso dahil kayang-kaya nila Tan bilhin ang pinakamahuhusay na legal defense. Ngunit dahil sa mabibigat na ebidensya na nakalap ng mga awtoridad laban sa kanila, sa guilty verdict pa rin nahantong ang desisyon ng korte. Hindi rin kayo nakatakas sa mahabang kamay ng batas!!
Saludo tayo kay Judge Marylin Lagura-Yap, ang presiding judge sa nasabing kaso.
Masasabi ko na well deserved ni Judge Yap ang kanyang appointment bilang associate judge ng Court of Appeals kamakailan. Congratulations Judge Yap! Sana magtagal pa ang inyong serbisyo bilang isang instrumento ng hustisya!
****
Congratulations din kay Judge Danilo P. Camacho! Siya po ang presiding judge ng Branch 62 Regional Trial Court sa La Trinidad, Benguet na humatol ng pagkakakulong na habang-buhay kina Basilio B. Tulabis at Satur L. Tayao ng Kibungan, Benguet. Pinagbabayad din sila ng multang tig-P3 milyon bawa’t isa.
Mabilis din nakamit ang hustisya rito sapagkat bago sumapit ang ikatlong taon ng kaso sa Marso 27, ang dalawang akusado ay nahatulan na. Sila po ay naaresto ng Kapangan, Benguet Municipal Police habang dala ang 57 bricks at 13 tubes ng tuyong dahon ng Marijuana na may bigat na 126.89 kilos!
Hindi n’yo naitatanong, ang Kibungan at Kapangan ay katuwang sa alternative program ng Dangerous Drugs Board. Inumpisahan natin diyan ang “sericulture” project na inasahang magiging pamalit sa pagtatanim ng Marijuana ng mga magsasaka para pang-kabuhayan.
Mabuhay ka Judge Camacho! Ang mga katulad niyo ang kailangan natin sa ating gobyerno!
****
It’s all in the family! Arestado ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang 42 anyos na tiya at dalawa niyang pamangkin na nagbebenta umano ng shabu mula sa kanilang apartment sa Rosario, Pasig City. Mukhang sinusunod nila ang kasabihang “A family that sells together, stays together!”
Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Carol Flores, Bhong Flores (25 anyos) at Bong Mikhail Flores (18 anyos). Nasabat mula sa kanilang tirahan ang 12 plastic sachets ng metamphetamine hydrochloride (shabu), mga drug paraphernalia at isang Honda motorcycle na posibleng ginagamit pang-deliver ng droga.
Kung tutuusin, small players lamang sa industriya ng iligal na droga ang mga mag-tiya. Subalit sila’y isang malungkot na larawan ng unti-unting pagkaka-agnas ng pinaka-pundasyon ng ating lipunan -- ang pamilya. Maraming nagtataka kung bakit napakaraming krimen, kahalayan at iba’t ibang mga imoralidad na nagaganap sa ating bansa ngayon. Hindi na sila kailangan pang magtaka kung ibabatay natin sa pamilya Flores.
It’s complicated, ika nga ng mga mahihilig mag Facebook! Sadyang komplikado ang problemang kinakaharap ng ating lipunan sa makabagong panahon. Ayon sa mga socioligists, ang pagkakabulok ng ating moral fabric ay sanhi ng pagkakawatak-watak ng maraming pamilya dahil sa kung anu-anong dahilan. Sabi naman ng mga psychologists, ito’y sanhi ng desperasyon dahil sa kahirapan ng buhay. Hindi po ako eksperto sa mga isyung iyan.
Isa lamang bagay ang malinaw sa akin batay sa aking nasasaksihan araw-araw bilang pinuno ng Dangerous Drugs Board (DDB). Sa bawat hinagpis na sinasapit ng ating mga kababayan -- madalas involved ang DROGA! Ang ipinagbabawal na gamot ang uod na unti-unting lumulusaw sa pamilyang Pilipino. Ang droga ang sumpa ng Demonyo sa ating sosyedad!!
Magtulungan po tayo para lipulin ang lahat ng drug syndicates na kumikilos sa ating bansa. Amyendahan natin ang R.A. 9165 para bigyan ng karagdagang ngipin ang mga awtoridad sa pagsugpo ng iligal na droga. Baguhin din natin ang mga probisyon ng Juvenile Protection Act para hindi makunsinti ang mga menor de edad na involved sa drugs. Puntiryahin natin ang mga foreign nationals na sangkot sa drug trafficking. Dagdagan natin at suportahan ang mga drug rehabilitation centers sa Pilipinas.
Talagang “it’s complicated” dahil napakalawak ng problema. Ngunit obligasyon natin iyan sa ikaliligtas ng pamilyang Pilipino.
(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph)
No comments:
Post a Comment