Monday, December 12, 2011

P1M buwanang ‘pakimkim’ mula sa jai-alai?

ILANG araw na lang at Pasko na. Panahon ng pagbibigayan at pagmamahalan.

Ang mga mababait at tumutupad sa kanilang gawain ay dapat na biyayaan. Subalit ang mga tiwali ay dapat na huwag tantanan upang sila’y magbago tungo sa tuwid na daan.

Hindi tayo ang dapat na dumisiplina sa kanila kundi ang mga direktang amo nila. Tayo ay instrumento lamang upang ibunyag ang mga pang-aabuso ng mga gaya nina Senior Supt. Rosueto Ricaforte, police provincial director ng Pangasinan, na makailang beses na rin nating ibinunyag sa kolum na ito.

Bawal sa mga kapulisan ang umikot-ikot sa mga negosyante at mga may kayang tao upang bumati ng Merry Christmas. Halatang-halata naman kasi kung ano ang ibig sabihin ng pagbati nila. Bawal ang kotong, bawal ang pangungurakot. Bawal ang mga bulok na istilong ito upang kumita ng salapi.

Mas lalong bawal ang tamad subalit mahilig naman sa pag-ikot-ikot diumano sa iba’t-ibang bangkaan ng guerrilla jueteng upang sapilitang ipa-doble ang laman ng kanyang buwanang sobre mula sa mga maintainers ng iligal na number game na ito.

* * * *

Siguro naman magkakaroon na ng masinsinang aksyon sa mga inilabas nating “mga kasalanan” nitong si Ricaforte o Boyet sa kanyang mga matagal nang kakilala sa kanyang panunungkulan bilang PD ng Pangasinan.

Malaki ang aking paniniwala na hinding-hindi palalampasin ng aking kumpareng si Gobernador Amado Espino Jr. ang mga reklamo laban kay Boyet.

Ayon sa aking pinagka-katiwalaang kasangga, tinawagan si Boyet ni gobernador noong Huwebes upang tanungin tungkol sa mga expose’ natin sa kanya.

Hiniling din n’ya ang mga printed copies ng mga naunang kolum natin tungkol kay Boyet.

Sumang-ayon din si gob sa mga sinabi natin at ikinagulat din n’ya ang ilan sa mga nabanggit ko.

Nagulat siya dahil hindi n’ya inaasahang ganun pala katindi kung humataw itong si Boyet sa pagka-kaperahan.

Sa pagka-kasabi ng aking confidante, ito ang mga kasalanan ni Boyet  na ’di na natin nilubayan sa kolum na ito upang mawakasan na: “Laos na performance nito dahil sa mga unsolved series of killings sa Pangasinan, paglalagay niya ng kanyang manukang pangsabong sa loob mismo ng BOQ na opisyal na tirahan ng sinumang maupong PD ng Pangasinan, ang hindi niya pag-report sa kanyang opisina, ang mabahong kampo ng Pangasinan lalo na ang kanilang restroom, ang pagkalaglag ng PNP Pangasinan Provincial Police Office na dati, gaya noong panahon ng kasalukuyang gobernador namin na dating police officer, ay namamayagpag at grandslam winner bilang outstanding sa buong Pilipinas.”

Isama pa diyan ang paghingi ng ilang daang bag ng semento ni Boyet sa Northern Cement Corporation sa Sison, Pangasinan na ewan kung ano ang ipatatayo nyang bahay at kung saan, at ang matindi ay ang pagdoble ng kanyang parte sa guerilla jueteng operation na kung dati ay P40,000 sa isang buwan sa maski isang maliit na bayan ay ginawa pang doble na labis na nagpapahirap sa mga pinang-gagalingan nito.

Kawawa ang mga mahihirap na kubrador dahil ito lang ang inaasahan ng kanilang pamilya para sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Kasi dito  ibinabawas ang hinihinging dobleng dagdag sa lagay ng P.D.

Nagmamadali kasing mag-ipon si Boyet dahil malapit na siyang magretiro!

Sobrang masiba, masyadong maganang humataw, malamang baka di na matunawan, baka ma-empatso. Sabagay kitang-kita naman ang ebidensya sa katawan niya.

Umaasa ako sa gagawin ng aking kaibigang gobernador na kumpareng buo ko pa na hindi siya magbibingihan at magbu-bulagbulagan sa isyung ito.

Alam kong isa si gob sa mga kakaunting natitirang opisyal na matuwid ang panunungkulan at ayaw sa mga kabulastugan.

Pare, malaki at buo ang tiwala ko sa iyo! Maghihintay ako sa mga mangyayari alang-alang sa ikabubuti ng mahal nating Pangasinan.

* * * *

Ano naman itong balitang dumating sa akin na ’di umano’y tig-P1 milyon daw buwan-buwan ang binibigay na “pakimkim” sa mga Pangasinan congressmen at congresswomen mula sa mga maintainers ng guerilla jueteng na kunwari ay jai-alai?

Ang laki-laki naman!!!

Ayaw kong maniwala subalit sa tono ng pananalita ng aking source ay siguradong-sigurado siya.

Sigurado akong hindi ito papatulan at papalusutin ng aming Congresswoman Kimi Cojuangco, malamang tumawag pa ito ng congressional inquiry para imbestigahan ang isyu.

Alam naman natin na mula pa noong umpisa ay maliwanag ang kanyang paninindigan na ayaw niya sa mga iligal na sugal. Kaya sa distrito niya, ang mga bayan ng Sto. Tomas, Alcala, Villasis ay walang jueteng. Baka sumunod na rin ang iba pa sa kanyang distrito.

Ganun din ang aking paniniwala kay Congressman Pol Bataoil. Sigurado rin ako na hindi tatanggap ng pera si Pol mula sa mga iligal na gawain.

Sana, ganun din ang lahat na kapag sinabing ayaw sa ganyang mga iligal na gawain ay paninindigan nila hanggang sa huli ang kanilang prinsipyo.

Pero ‘yung tatlong babaeng kongresista ay tumatanggap daw ng tig-isang milyon sa isang buwan? Totoo kaya ito????

* * * *

Ginanap noong December 7, 2011 sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Conference Room ang Oversight Committee Meeting ng pinagsamang Congress at Senate panels sa pangunguna nina Sen. Gregorio “Gringo” Honasan, Cong. Vicente “Varf” Belmote at Cong. Jeffrey Ferrer.

Nagbigay ng kanya-kanyang accomplishments report ang Dangerous Drugs Board (DDB), PDEA, National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Custom (BOC) at Philippine National Police Anti-Illegal Drug Special Operation Task Force (PNP-AIDSOTF), alinsunod sa re-engineering process na ginagawa upang mas maging epektibo pa ang ating batas sa iligal na droga.

Naging produktibo ang ginawang meeting kung saan napansin at nagustuhan ang “Seminar-Workshop for Judges, Prosecutors and Law Enforcers on the Dangerous Drugs Law” na ginagawa ng DDB.

Binigyang-pansin din ni Sen. Honasan ang isa sa mga program thrusts ng DDB na pagpo-produce ng audio-visual public service announcement  na ayon sa kanya ay dapat magawa.

Naibahagi ko tuloy na ako ay may magsisimula muli na programa sa radyo na aking personal na gagastusan katulad noong mga nakaraang programa ko sa DZRH at DZAR kung saan ang mga gawain ng DDB ay kasamang tinatalakay.

Sa kabuoan, ang meeting ay naging mabunga at nakapag-parating ng mga dapat pang pagsikapan naming mga ahensya na nakatutok sa iligal na droga.

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph )

No comments:

Post a Comment