Sec. Antonio Villar ,Dangerous Drugs Board |
Tayong lahat po ay sumusunod sa tuwid na daan ng ating Pangulo. Pero matanong ko lang po, kayo po ba Secretary Robredo at General Bartolome, tinatahak niyo po ba ang tuwid na daan ng ating Pangulo? O mahilig kayo sa zigzag road paakyat ng Baguio kaya paliko-liko ang daan na tinatahak niyo?
Magdadalawang taon nang nakaupo ang ating Pangulo at magdadalawang taon na rin nating tinatahak ang tuwid na daan, subalit ang sugal na jueteng ay patuloy pa ring namamayagpag sa buong bansa, lalung-lalo na sa Luzon.
Secretary Robredo at General Bartolome, legal na ba ang sugal na jueteng?
Nagsalita na ang ating Korte Suprema na nagdedeklarang illegal ang sugal na ito. At hanggang sa araw na ito ay wala namang reversal ng desisyon na ginagawa ang ating Korte Suprema. Secretary Robredo at General Bartolome, kayo po ba ay mas mataas pa sa Korte Suprema kaya’t hinahayaan n’yo na lamang mamayagpag ang jueteng sa buong bansa?
Kahit magtanong kayo sa sinumang bata kung alam niya ang jueteng, dali-dali nitong maisasagot na ito ay isang sugal na kalat na kalat sa kanilang bayan. At, kung magtatanong ka sa isang Pangasinense, dali-dali naman niyang isasagot sa iyo na ang talamak na sugal na ito ay hawak ng Meridien Corporation.
Kung ang isang musmos na bata o isang ordinaryong mamamayan ay alam ang paglaganap ng iligal na sugal na ito sa ating bansa, imposible naman na hindi niyo ito alam, Secretary Robredo at General Bartolome.
Sinasabi niyo na nagpadala kayo ng imbestigador na nag-iimbestiga sa problemang ito, at ang report ng imbestigador niyo ay wala namang jueteng. Paano niya irereport na meron kung siya mismo ay namantikaan na?
Secretary Robredo at General Bartolome, hindi ako naniniwala sa style niyo na ’yan -- style niyo bulok!
Alam na alam ng lahat na isang salita niyo lang ay mapapatigil ang illegal na sugal na ’yan!
Subalit, mukhang kayo ay aliw na aliw sa pagtahak sa liku-likong daan kung kaya’t wala kayong ginagawa upang ipatigil ang illegal na sugal na ito.
Sana malaman ni P-Noy kung ano talaga ang nangyayari sa patuloy na operasyon ng jueteng sa bansa. Malamang ay itinatago niyo ito sa kaniya upang hindi kayo mapagalitan.
Imbes na ang mga mahihirap nating mga kababayan ang makinabang, ang pulisya ang numero unong nakikinabang sa illegal na sugal na ito lalung-lalo na ang mga provincial director.
Secretary Robredo at General Bartolome hindi pa ba kayo nahihilo sa tinatahak niyong liku-likong daan? O baka naman namamantikaan na kayo kaya hindi niyo mapatigil ang talamak na operasyon ng jueteng?
Nasaan na ang sinasabing Loterya ng Bayan? Hindi na ba ito mauumpisahan dahil maayos na ang illegal na operasyon ng jueteng? Kung ganito din lamang na hindi mapatigil nila Sec. Robredo at Gen. Bartolome ang jueteng , dapat i-legalize na natin ito!
Makarating sana ang mga ito kay P-Noy dahil ito ang isa sa nakakapigil sa kanyang hangarin na matuwid na daan.
***
Ang Kapaskuhan ay panahon ng pagmamahalan, pagbibigayan at siyempre... sa pagdiriwang! Excited na tayong lahat magsidalo sa mga Chirstmas party. Tradisyon na kasi nating mga Pilipino ang walang patid na kainan at inuman sa tuwing sumasapit ang holidays. Wala pong masama na magpakaligaya tayo ng todo basta’t ilagay ito sa tama.
Iwasan ang sobrang alak dahil bukod sa makasasama ito sa ating atay, malapit tayo sa basag-ulo kapag tayo’y nasa ilalim ng impluwensya ng alcohol! Lalo nang huwag maglalasing kung kayo’y magmamaneho pagkatapos. Ingat din sa pagkain ng sobrang taba at mantika dahil baka sa ospital kayo mag- bagong taon.
Higit sa lahat, iwasan ang droga! Iginigiit ko po ang panawagan na ito lalo na sa mga kabataan at sa mga batang isip! Hindi po kasi malayo na mayroon maghatag ng ipinagbabawal na gamot sa mga Christmas party. Uso na kasi daw ang mga drug parties sa mga young professionals at maging sa mga estudyante sa kolehiyo. Ewan ko ba kung bakit pilit naghahanap ng sakit sa katawan ang maraming tao ngayon?!
Sabi ng aking sources sadyang mabili ang shabu at ibang droga kapag ganitong holiday season. Marahil dahil bigayan ng Christmas bonus at 13th month pay kaya mayroon pera na lulustayin ang mga tao.
Sa mga taong makikitid ang utak ang droga ay isang paraan ng pag-celebrate. Subalit bakit natin sasayangin ang perang pinaghirapan natin buong taon sa kaligayahang huwad?! Kung mamalasin pa kayo baka sa ospital, sa city jail o ‘di kaya sa morge niyo masisimulan ang 2012!!
Ilagay po natin sa lugar ang ating pagpapakasaya at pagdiriwang ngayong Pasko.
***
Masagana ang Pasko ng ilan sa ating mga informants na nabiyayaan ng reward money dahil sa impormasyon na kanilang naibahagi sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Bukod sa materyal na benepisyo na kanilang natanggap mula sa pamahalaan, malaki pa ang kanilang naitulong sa ating kampanya laban sa iligal na droga.
Nais kong iulat sa ating readers na P3.2 million ang kabuuang halaga ng reward money na ipinamahagi ng PDEA nitong December 19 sa ilalim ng Oplan Private Eye (OPE). Ang nasabing halaga ay pinaghatian ng 16 na secret informants. Para na rin sa kanilang kaligtasan, ang mga informants ay kinilala lamang sa kanilang mga code names.
Nagpapasalamat ako kina: Mayumi, Jaguar, Lyn, Tutpik, “Nina de Castro”, Alfa Lima, Kidlat, Jao, Eagle 2, Golf, Lady Gaga, Art Angel 2, “Andrew E.”, R. Star, Dyeta at Yang Chow. Dahil sa impormasyon na ibinigay niyo sa amin, tatlumput anim (36) na suspected drug traffickers ang aming naaresto, kabilang na ang pitong (7) miyembro umano ng African Drug Syndicate. Bukod dito, 76 kilos ng shabu, 39.5 kilos ng cocaine at 89.1 kilos ng marijuana ang na-kumpiska ng ating mga operatiba. Dalawang drug laboratories at tatlong drug warehouses din ang naipasara kamakailan dahil sa tulong ng ating informants.
Masasabi ko na naging epektibo ang ating reward system sa ilalim ng OPE. Maraming pusher na ang napakulong at ang kanilang mapaminsalang produkto ay hindi na pakikinabangan ng mga adik. Ang pag-bigay ng pabuya kapalit sa impormasyon ay matagal ng subok na pamamaraan sa paghuli ng mga nagtatagong kriminal. Hindi dapat ipagdamot ng gobyerno ang reward money dahil sadyang mapanganib ang trabaho ng isang impormante.
Pati ang United States government ay nagbibigay ng pabuya sa mga makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga Al Qaeda leaders. Marami nang mga terrorist leaders ang nadakip o ’di kaya napatay dahil sila’y ikinanta mismo ng mga taong nakapaligid sa kanila!
Huwag na nating pag-debatehan kung tama ba o hindi na ating bigyan ng pera ang mga taong minsan ay mga police characters din! Ang mahalaga ay sila’y napapakinabangan ng pamahalaan sa kampanya kontra sa drug menace. Kung ang ating informants ay minsan naging mga underworld personalities din, ito na marahil ang kanilang pagkakataon para makapagbagong-buhay.
***
Maligayang Pasko po sa lahat ng ating readers! Sana po’y maging masaya, masagana, ligtas at drug-free ang inyong Kapaskuhan!
(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph).
No comments:
Post a Comment