By Sec. Antonio "Bebot' Villar Dangerous Drugs Board |
Ayon kay Atty. Ochoa, handa nilang ilaan ang lahat ng resources ng pamahalaan, masugpo lamang ang iligal na droga sa ating bansa. Hindi aniya sila titigil hanggang madakip at mapa-kulong ang mga nasa likod ng industriya ng droga. Ito po ay malaking morale booster para sa atin sa Dangerous Drugs Board (DDB) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nabanggit ko dati na lubhang kulang ang nakalaang pondo at kagamitan sa ating kampanya kontra sa droga. Anuman ang maidadagdag dito ay hindi dapat ituring na expense kungdi investment tungo sa isang drug-free country. Mayayaman po at maimpluwensya ang mga drug lords! Kailangan na sapat ang ating war chest upang ang mga sindikato ay permanente nating malansag.
Lubos po akong nagagalak at tila nagkakatugma ang ating pananaw kina Pangulong Aquino at ni Secretary Ochoa sa usapin ng paglaban sa iligal na droga.
* * * *
Ngunit kabaligtaran yata ni P-Noy at Sec. Ochoa itong sina Sec. Jesse Robredo at PNP Chief Nicanor Bartolome.
Tila hindi yata nila nababasa ang paulit-ulit at sunod-sunod nating panawagan sa ating mga nakaraang kolum. Hindi nga kaya nila nababalitaan ang isyung ito o sadyang “dine-dead-ma” na lang?
Mukhang ang kapulisan nga yata ang isa sa mga nagliliko ng tuwid na landas na tinatahak ng ating gobyerno ngayon! Katulad na lamang ng provincial director (PD) ng Pangasinan na si P/S Supt. Rosueto “Boyet” Ricaforte na mistulang isang buwaya na naninibasib ng mga mahihirap sa Pangasinan.
Sa kawalang-aksyon ni Gen. Bartolome at Sec. Robredo sa isyung ito ni Boyet, maaari kayang totoo na s’ya ay “hina-harass sa taas?” Sila kayang dalawa ang tinutukoy ni Boyet na “nang-ha-harass sa taas?” Kasali po ba kayo rito Sec. Robredo at Gen. Bartolome?”
Kung tutuusin kasi at seseryosohin, isang order lang galing kay Sec. Robredo o kay Gen. Bartolome ay mahihinto ang lahat ng ito! Alam ko ito dahil dati akong mayor noon.
Hindi nga ba ito alam ng mga opisyales natin o sadyang kinukunsinti lang? Nagtatanong lang po tayo.
Patuloy kasi ang pag-padagdag ni Boyet ng koleksyon sa mga mahihirap nating kababayan mula sa jueteng-guerilla kaya’t napapa-isip tayo na ang dahilan nito ay ang umano’y harasser n’ya sa taas nang sa ganon ay makapag-bigay din s’ya sa kanila?
Mantakin mong sa 44 bayan at apat na siyudad sa Pangasinan, tanging Alaminos City, Alcala, Bani, Sto. Tomas, Sison, Villasis ang walang jueteng guerilla at hindi kasama sa koleksyon. Kung ganon, 42 bayan ang may buwanang koleksyon kay Boyet!
Sa buwanang P40,000.00 sa 42 bayan, aba ay milyun-milyon ang koleksyon ni Boyet sa isang buwan, ’di po ba?
Gumawa pa si PD ng Task Force Anti-Gambling pero ginagamit naman sa pangha-harass sa mga kababayan nating hindi makapag-bigay sa kanyang tumataas na demand! Swapang na buwaya!
Hindi ko talaga akalain na may mga miyembro tayo ng kapulisan na pilit sumisira sa imahe ng kanilang ahensya at nagdadamay pa sa kanilang mga kasama tulad nitong si P/S Supt. Rosueto Ricaforte.
Hindi lamang ang mga nagsusumbong sa akin ang nakakahalata sapagkat ako mismo ay may pagtataka nang nararamdaman sa isyung ito. Bakit nga kaya hindi umaaksyon si Gen. Bartolome o si Sec. Robredo rito? Ano ba meron sa isyung ito at hindi kayang mapa-imbestigahan man lang?
* * * *
Naging matagumpay ang ginanap na DDB recognition rites at anniversary celebration nitong nakaraang Huwebes, November 17, 2011 sa Quezon City Sports Club.
Nagpapasalamat ako sa lahat ng ating mga kasama, naging bisita at mga indibidwal na kinilala ng DDB sa larangan ng laban kontra-droga. Hangad ko ang patuloy pa nilang pagsisikap na makatulong sa ating kampanya upang mapag-tagumpayan ang laban sa iligal na droga.
To all the men and women of the Dangerous Drugs Board, keep up the good work!
* * * *
Sinimulan kahapon ang tatlong araw na “Orientation Seminar on Barkada Kontra Droga (BKD) Program and Life Skills Training for National Drug Education Program (NDEP) Coordinators” sa Region 8.
Dumayo ang training team ng DDB sa Tacloban Plaza, Tacloban City kung saan ginaganap ang seminar na magtatapos sa November 24, 2011.
* * * *
Binabati ko rin ang aking bunsong apo na si LUVEN MARGARET “GARI” VILLAR PESCADOR na nagdiwang ng kanyang ika-3 kaarawan kahapon. Happy, happy birthday Gari!
(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph ).
No comments:
Post a Comment