By Sec. Antonio "Bebot" Villar |
“Tumigil na kayo kundi pagigiba ko ang mga kabahayan n’yo dito,” ’yan ang malinaw na kabuuang mensahe n’ya.
Tama naman si Mayor. Ilang beses na bang nakipag-dayalogo ang mga kapatid nating Muslim sa mga lider at kapulisan sa Pangasinan at nangakong ititigil na ang matagal nang napapabalitang bentahan ng iligal na droga sa nasabing barangay?
Mas nakapanlulumo ang pagkakahuli noong mga nakaraang taon sa kasong drug pushing ng isang lider mismo ng mga Muslim sa lugar na ’yan. Siya din ’yung kunwari ay tutulong sa mga lokal na lider ng Dagupan at ng buong Pangasinan para sa anti-illegal drug campaign. Yun pala, s’ya mismo ang involved!
Ito pa ang gustung- gusto ko sa mga binitiwang salita ni Mayor: “Gusto ko tahimik at walang droga sa Dagupan. Huwag ninyo akong susubukan!”
Parang linya sa pelikula. Subalit kung ako ang lalagay sa sitwasyon ni Mayor, baka mas masahol pang maaanghang na salita ang bibitiwan ko kung paulit-ulit nang nangako at pagkatapos ay napapako rin naman.
Alam nating lahat na nilisan ng ibang mga kapatid nating Muslim ang Mindanao upang malayo sa giyera. Ilan sa kanila ay napadpad sa Dagupan. Gaya nila, kapayapaan ang tanging hangad natin.
Subalit kung sila naman ang maghahasik ng kaguluhan dito sa ating lugar at sisira sa kinabukasan ng ating mga kabataan sa paggamit ng bawal na droga, ibang usapan na ‘yan.
Tinanggap sila nang buung-buo ng mga kapatid nating Kristiyano -- iisang lahi lang tayo kaya marapat lamang.
Itong mga Muslim na nasa Dagupan ay nakatira sa isang temporary resettlement site at kung lolokohin din lang nila ang ating mga kapulisan, kailangan na talaga ang kamay na bakal.
Bukod dito, may dalawang Muslim communities sa Urdaneta City na ang lupa ay pag-mamay-ari ng iisang tao at ito umano ay matagal na ring pinanggagalingan ng iligal na droga.
Naniniwala akong may mangilan-ngilan lang na bulok d’yan pero gaya sa prutas, kapag hinalo ang bulok sa magandang klase ay damay-damay na ’yan.
Hanga rin naman ako kay Supt. Romeo Caramat, hepe ng Dagupan, sapagkat determinado itong wakasan na ang problema sa droga sa nasabing lugar. Ang Dagupan kasi ang sentro ng komersyo at edukasyon sa Pangasinan.
Sabi nya, iba’t ibang taktika na ang kanilang ginamit. Masinsinang usapan, buy-bust operations, raid, at kung ano-ano pa. Pero, walang humpay pa rin ang bentahan?
Malamang, may mga kasabwat ang mga yan!
Alam kong magaling itong si hepe kaya’t patunayan mo yan, sampolan mo sila!! Bawal ang puro porma at daldal. Magpakitang gilas ka!!
Sino ba naman kasi ang hindi mababahala sa mga nangyayari ngayon dyan sa Sitio Silungan? Pati mga menor de edad ay ginagamit na ring drug courier.
Napatunayan ito ni Hepe sa kanilang ginawang buy-bust operation kamakailan lamang at isang 12 anyos na bata ang nag-abot ng shabu sa kanilang poseur-buyer.
Maganda ang partnership ng liderato ng Dagupan City. Maging si Vice Mayor Belen Fernandez ay abala rin at seryoso sa kanyang awareness campaign laban sa iligal na droga sa iba’t ibang lugar ng kanilang bayan.
Kaya sa inyong lahat dyan, good luck! Pag-igihin nyo ang kampanya. Kasama nyo ako sa inyong magandang hangarin. Pero kung naglolokohan lang tayo, ibang usapan na yan.
Kung ’di makuha sa santong dasalan, kunin sa santong paspasan.
* * * *
Speaking of lokohan at paspasan, ibang klase rin naman itong provincial director ng Pangasinan na si Senior Supt. Rosueto “Boyet” Ricaforte. Ibang klase, hanep kung humataw sa pagkakaperahan.
Base sa mga sulat at sumbong na nakarating sa akin, magreretiro na pala si Boyet sa susunod na pitong buwan ’ata?
Pero, anong klaseng legacy kaya ang iiwan n’ya? Ayon sa aking impormante, double-time ngayon si Boyet sa pagkakaperahan!
Sa jueteng share, may pagka-solomonic pala ang opisyal na ito dahil mahilig solohin ang grasya. Masyadong masiba ang tawag dyan at ang masiba, kadalasan, naiimpatso yan! Baka naman kailangang mag-ipon kasi nga mag go-goodbye na sa serbisyo?
Kumbaga sa basketbol, parang last two minutes na kaya’t parang wala ng bukas kung humataw si Boyet.
Naalala ko bigla ang Loterya ng Bayan, nasaan na nga ba ito? Kailangan na ito upang magkaroon ng kita ang ating mahihirap na kababayan. Alam natin na maraming mahihirap ang natutulungan ng jueteng ngunit ang balita nga mula ng maging si Boyet ang PD lahat ng kita gusto nya kanya!
Sa pagkaka- alam ko sa panunungkulan ni Boyet, maraming patayan, nakawan at huthutan ang naganap sa aking mahal na Pangasinan. Marami ang unsolved!
Sa pagkaka-alam ko rin, sa panunungkulan nya, na-laglag ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) bilang outstanding sa buong Pilipinas bilang Outstanding Police Office sa PNP. Ang tawag dyan ay laos!
Dati, noong panahon ng kumpare kong si Col. Amado Espino, Jr. na ngayon ay gobernador namin, namamayagpag ang Pangasinan PPO dahil sa magagandang accomplishments ng ating kapulisan. Ang tradition of excellence ay pinagpatuloy ng mga sumunod pang PD.
Sa pagkaka- alam ko rin, hindi na naasikaso ni PD ang kampo ng Pangasinan na naka- base sa Lingayen dahil madalang pa sa bagyo kung mag-opisina ito.
Mukhang masyadong abala sa mga alaga nyang manok pang-sabong. Kaya pala hindi na nya napapansin na ang baho ng comfort room nila sa kampo at malamok pa!
Speaking of sabong, ang mga manok pala ni PD ay nasa manukan na rin ni gobernor nakalagay. Naku gobernor, dapat siguro ay umiwas ka na kay Boyet dahil baka mahawa ka pa sa kanya?
Nananawagan na rin ako kay PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na paki-tingnan po ang PD ng Pangasinan kung ano ang mga pinaggagawa sa pwesto niya. Hindi lang po sa inyong pamunuan makakasira ang ganitong opisyal kundi maging sa imahe ng buong PNP.
Kung hindi mo na maharap ang trabaho mo Boyet, umalis ka na dyan bago ka pa ma-Ombudsman. Baka mamaya, maubos na ang pasensya ng mga ginagatasan mo ay hindi mo pa mahintay ang retirement mo sa dami ng kasong isasampa sa iyo at hindi mo na rin makuha ang ‘yong mga benepisyo.
* * * *
Ngayon ang simula ng tatlong araw na “Seminar-Workshop on the Dangerous Drugs Law for Judges, Prosecutors and Law Enforcers of Region V” ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa Villa Caceres Hotel, Naga City at sa pakikipagtulongan ng Philippine Judicial Academy (PHILJA).
Humigit-kumulang sa 100 na binubuo ng mga judges, prosecutors at law enforcers ang dadalo sa seminar na ito na hiniling ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa rehiyong ito.
Ang obserbasyon ng PDEA na ang mga prosecutors at judges sa iba’t-ibang rehiyon ay may pagkaka-iba-iba sa paraan ng paghawak ng drug cases ang nagtulak sa kanila upang hilingin ang partikular na seminar na ito.
Sana lang ay makatulong ang seminar na ito kung paano palalakasin ang mga kasong isinasampa sa piskalya pa lamang at hindi upang lumawak ang kaalaman kung paano pahihinain at madi-dismiss ang kaso!
(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph ).
No comments:
Post a Comment