Friday, October 21, 2011

Salamat kina Director Gatdula at Gen. Cacdac

By Sec. Antonio "Bebot" Villar, Jr.
Chairman, Dangerous Drugs Board
NATULOY na kahapon ang pagbibigay ng pondo para sa pagpapagawa ng rehabilitation center sa Bonuan Binloc, Dagupan City, Pangasinan. Ang mga taga-Dagupan na ang dumayo sa atin sa Dangerous Drugs Board (DDB) upang tanggapin ang mahigit P6 milyon sa kabuuang P10 milyon para sa nasabing rehab center.

Pinangunahan ng butihin at masipag na Vice Mayor Belen Fernandez ng Dagupan City at Department of Health (DOH) Region 1 Representative Atty. Manny Aoanan ang pagtanggap ng pondo.

Pinasalamatan nila ang DDB sa mabilisang aksyon para sa mas madaling pag-o-operate ng rehab center sa sandaling ito ay matapos.  Nangangahulugan lamang na hindi na kailangang bumiyahe pa ng malayo ng pasyente upang makapagpa-rehab partikular ng mga taga-Dagupan at karatig-bayan nito.

Inaasahan natin na maraming kababayan natin na nais magbagong-buhay mula sa pag-aabuso ng bawal na gamot ang matutulungan sa sandaling ito ay magsimulang mag-operate. 

* * *

Nais ko ring pasalamatan sina NBI Director Magtanggol Gatdula at Gen. Arturo Cacdac, Jr. ng PNP-AIDSOTF sa kanilang pagdalo sa unang pagkakataon sa ika-138 pagpupulong ng DDB nitong nakaraang Martes.

Ang kanilang pagdating sa pagpupulong ay isang patunay ng kanilang matibay na suporta sa ating pakikipag-laban sa iligal na droga.  Nagbigay din sila ng pahayag na sila ay lalagi sa ating tabi kasama ng iba pang miyembro ng Board na walang sawang naglalaan ng kanilang mahalagang oras upang makipag-tulongan sa atin.

Nagpapasalamat din ako sa mga kinatawan ng DFA, DOLE, DepEd, DND, IBP, DOH, DSWD, DOJ, DILG, CHED, NYC, PDEA at iba pang nagsidalo sa naging mabungang pagpupulong natin sa DDB.

Ito ay isang pagpapakita na ang ating pamahalaan, sa pamamagitan ng mga ahensyang ating katuwang ay nananatiling nagkakaisa upang labanan ang problema ng droga.

* * *

Sayang at walang death penalty!  Kung tayo sana ay katulad ng Singapore o ng China tiyak ay marami na rin tayong naparusahan dahil sa drug trafficking.

Malayo ang kanilang  disiplinadong kabataan sa atin na kadalasang nagkalat sa mga bars at doon gumagawa ng kung ano-anong bisyo partikular pag “weekend” lalo na ang mga anak-mayaman!

Ang kawalan ng death penalty sa ating bansa kasi ang patuloy na nag-aanyaya sa mga sindikato tulad ng Western African Syndicates (WADs) na patuloy na mag-operate dito bilang kaisa-isang bansa sa Asya na walang death penalty!

Makahuli man kasi ng halagang P1 bilyong halaga ng droga mula sa sindikato, wala ring kakaiba sapagkat kung mapapatunayan sa korte, pagkakakulong na habambuhay lang din ang kaparusahan!

* * *

Salamat sa mga mambabatas na nagsusulong ng ilang mahalagang amendments sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Naipasa na kamakailan sa mababang kapulungan ang ilang mga panukalang pagbabago sa nasabing batas. Ang proposed amendments ay para hindi na basta-basta mababasura ang kaso laban sa mga drug suspects dahil sa mga mabababaw na teknikalidad.

Marahil naisip na rin ng mga kongresista na isulong ang pag-amyenda rito  dahil sa pagkaka-dismiss ng kaso kontra sa Alabang Boys kamakailan. Subalit sa katotohanan, maraming mga drug-related cases ang ibinabasura ng korte dahil sa mga teknikalidad. At dahil diyan, maraming mga drug suspects ang napapalaya upang ipagpatuloy ang kanilang iligal na aktibidad.

Isang butas na pinalaki ng defense lawyers ng Alabang Boys ay ang pagkabigo ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isagawa ang tinatawag na on-site inventory. 

Sa ilalim po kasi ng kasalukuyang batas, kailangan isagawa ang pag-imbentaryo sa nabawing mga droga sa lugar mismo kung saan nadakip ang suspects. Ang kabiguan ng mga arresting officers na isagawa ito ay nahahantong sa “breaking the chain of evidence.” Ito’y isang teknikalidad na maaaring ika-basura ng kaso kahit matibay ang ebidensya kontra sa suspects.

Sa ilalim ng amendments na ipinanukala ni House Dangerous Drugs panel Chairman at Iligan Congressman Vicente Belmonte, ang inventory ng nabawing droga o anumang kontrabando ay maaaring isagawa sa pinakamalapit na police station o tanggapan ng PDEA. 

Kailangan lamang na mayroon saksi mula sa media o isang elected official upang patotohanan na hindi nagtanim ng ebidensya ang mga arresting officers. Sa pananaw ko ay praktikal lamang ang proposed amendment na ito dahil maraming drug seizure operations ay nagaganap sa mga madidilim at mapanganib na lugar.

Hindi ko po nais na gawin masyadong madali na makapagpa-convict ng sinumang suspect. Hindi rin nakaligtas sa ating kaalaman na mayroong mga pulis na nagtatanim ng ebidensya upang idiin ang suspects. 

Kailangan talaga ng safeguard measures sa batas upang protektahan ang mga inosenteng nasasakdal. Subalit malinaw na mayroon din mga teknikalidad sa umiiral na batas na sadyang walang saysay! Madalas ginagamit ng mga drug lords ang legal technicalities at loopholes na ito para manatiling “untouchables!”

Umaasa tayo na susuportahan din ng mga senador ang panukalang amendments sa R.A. 9165 sa sandaling umakyat na ito sa bicameral level.

* * *

Greed o pagiging sakim kaya ang dahilan kung bakit nahaharap sa mahabang pagkakakulong ang isang Baguio-based engineer ng isang multi-national company?

Si Engineer John Paul Quiazon Kwo ay nagmula sa isang mayaman na Chinese-Filipino family. Maganda ang kanyang posisyon at malaki ang kanyang sahod sa Texas Instruments Philippines, Inc. 

Sa kanyang edad na 30, maituturing siyang isang successful young corporate guy.  Kung iisipin ay wala na siyang dahilan para pasukin ang iligal na sideline. Subalit nitong nakalipas na October 13, si Kwo ay naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang drug buy-bust operation.

Kasamang naaresto ni Kwo ang kanyang girlfriend na si Maria Jamella Rizza Tavarez. Lumalabas sa imbestigasyon na nagmula rin sa isang nakaririwasang pamilya itong si Tavarez. Ang dalawang ito ay matagal nang nasa watchlist ng PDEA dahil sa kanilang ugnayan sa mga drug syndicates.

Kung hindi sila nakisawsaw sa droga, wala sanang problema ngayon sina Kwo at Tavarez. Hindi nila problema ang pera dahil marami na sila nito -- kaya’t mahirap maunawaan kung anong kalokohan ang pumasok sa utak ng mga taong ito! 

Posible kaya na drug users din ang mga ito kaya hindi sila makakalas sa malagim na mundo ng droga? O ’di kaya baka mga thrill seekers lamang sila na naghahanap ng excitement?

Ano man ang kanilang naging motibo, nasa huli na ang kanilang pagsisisi. Kumpiyansa ako na hindi na sila maisasalba ng kanilang salapi dahil matibay ang kaso natin laban sa kanila! Hindi na po natin pababayaan na maulit ang malungkot na kinahantungan ng Alabang Boys case!

Kayong mga isinilang sa mga may-kayang pamilya, magpasalamat kayo at hindi ninyo dapat paghirapan ang mga karangyaan sa buhay. Pahalagahan ninyo kung anong mayroon kayo at huwag niyong sayangin ang inyong swerte. Tandaan ninyo ang sarap na tinatamasa niyo ngayon ay pinag-hirapan ng inyong mga magulang at inyong mga Lolo at Lola!

Iwasan ninyo ang droga dahil pawang luha at problema lang ang inyong mapapala diyan!

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya                 ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph)

No comments:

Post a Comment