Saturday, September 17, 2011

Sindikato ng droga, pinakamatinding kalaban ng Kano, ‘di terorista!

Ni Secretary Antonio "Bebot" Villar, Jr.


PAGKATAPOS ng 9/11 attacks, marami ang nag-aakala na mga terrorist groups katulad ng Al-Qaeda ang nagdudulot ng pinaka-malaking banta sa seguridad ng Estados Unidos. Mali po iyon. Ang mga sindikato ng droga po ang pinaka-matinding kalaban ng mga Amerikano ngayon!

Kung inyong ikukumpara ang bilang ng mga US citizens na nasawi dahil sa isang aktwal na terrorist attack sa bilang ng mga namatay sa mga drug-related incidents, ay napakalayo po ng agwat. Tanging noong September 11, 2001 lamang nagdulot ng malaking bilang ng US casualties ang mga terrorista.

Ihambing ninyo ito sa bilang ng mga tao na pinapatay ng drug cartels at mga drug gangs o ‘di kaya sa mga namamatay sa drug overdose at iba pang drug-induced complications. Araw-araw mayroon nasasawi sa tinatawag na “Drug Wars” na nagaganap sa loob mismo ng US soil!

Ang Iraq at Afganistan ang maituturing na front line ng laban ng United States kontra sa terrorismo dahil dito naka-base ang maraming mga utak ng Al-Qaeda. Ang mga Middle Eastern countries na ito ay sadyang malayo sa Amerika.

Samantala, ang front line ng giyera ng US laban sa narcotics trade ay nasa Mexico dahil dito naman naka-base ang makakapangyarihang drug cartels. Ang Mexico ay katabi lang ng US at posibleng lumakad lamang upang makatawid sa kabilang bansa!

Ang halimbawa ng karanasan ng US ay hindi malayo sa sitwasyon sa ating bansa ngayon. Dahil kung iku-kumpara natin ang bilang ng mga Pilipino na namamatay o nababalda dahil sa NPA, MILF at Abu Sayyaf, ay napakalayo sa bilang ng ating mga kababayan na namamatay o ‘di kaya nasisira ang buhay dahil sa droga! Nandito sa sentro ng ating lipunan, sa ating mga pamayanan, ang iligal na droga!

Ano ba ang aking punto? Ang punto ko ay sana huwag natin maliitin ang banta na dulot ng industriya ng iligal na droga! Sana ay bigyan po ng ating mga mambabatas ang Dangerous Drugs Board at mga ahensyang naka-kabit dito tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) at iba pang katuwang na ahensya ng hustong ayuda upang gampanan ang napakahalagang tungkulin nito!

****

Opo, ang aking kolum ngayon ay mahahantong sa usapin ng pondo! Dahil lubhang kulang po ang budget ng DDB upang harapin ang problema ng droga sa ating bansa ngayon.

Ang proposed budget ng DDB para sa taong 2012 ay P170,842,000.00 na kung i-a-approve ng ating mga mambabatas ay nangangahulugan ng dagdag na P5,674,000.00 kung ikukumpara sa ating kasalukuyan na P165,168,000.00 lamang.

Hindi po ako naniniwala sa “token anti-drugs campaign” o para lamang masabi na mayroon tayong ginagawa upang solusyunan ang problema. Kung lalabanan natin ang drug menace, lumaban tayo hanggang tayoý magtagumpay! At imposible po tayong magtagumpay kontra sa bilyon dollar multi-national industry kung kulang ang ating logistics!

Kailangan ng PDEA ng mas maraming tauhan na mga bagong recruits na kailangan pasahurin, bigyan ng kaukulang training at equipment. Kailangan din ng mas maraming drug rehabilitation facilities para makapag-bagong buhay naman ang mga nalulong sa bisyo. Lahat ito ay nangangailangan ng pera upang maisa-katuparan!

Marami nang naitalang accomplishments ang DDB at PDEA tungo sa ikalulutas ng drug menace. Subalit sadyang bitin ang ating kapabilidad, at hindi natin kayang sakupin ang lawak ng problema dahil nga sa kakulangan ng manpower at logistics.

Hindi natin pinapangarap na pantayan ang suportang ibinibigay ng US government sa anti-drugs campaign nito. Alam po ninyo, ang US Drug Enforcement Agency (DEA), bukod sa mayroon sapat na manpower ay mayroon din mga aircraft, watercraft at mga spy satellites para lamang magampanan ng epektibo ang kanilang trabaho.

Kami naman ay lubos nang masisiyahan kung madaragdagan ang bilang ng ating agents at kung mabibigyan sila ng basic equipment at training na kinakailangan.  Kung nais ng kinauukulan na magtagumpay ang kampanya ng gobyerno kontra sa iligal na droga, kailangan pong maglabas ng sapat na pondo.

Sa madaling sabi, kung nais ninyo na aming itumba ang isang tigre, huwag ninyo kaming bigyan ng tirador!

****

Nais ko ring bigyan-pansin ang rehabilitation process na ginagawa para sa mga nalulong sa bawal na gamot.  Sa kasalukuyan, ito ay nasa Department of Health (DOH) simula nang maipasa ang Republic Act 9165 o ang tinatawag na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Napansin ko kasi na tila dumarami na ang sumbong laban sa ilang mga rehab centers na nag-o-operate kabilang na ang Marikina Rehabilitation Center.  Sa ilalim ng batas ngayon,  DOH po ang responsableng ahensya sa kanila ngunit parang hindi po yata sila nabibigyan ng sapat na panahon?

Sa simula pa po kasi ang DOH ay nakatutok na sa mas maraming karamdaman at sa pagpigil ng mga virus na nakamamatay tulad ng dengue.  Isa po ang dengue sa pinagka-kaabalahan ngayon ng DOH sapagkat talaga namang tunay na pumapatay kung hindi maagapan.

Kung kaya’t sa aking palagay, mas nararapat siguro na ibalik na lamang sa DDB ang pamamahala sa rehab center katulad noong dati.  Nang sa ganun, maibabalik natin ang dating programa kung saan natututukan ang bawa’t rehab center sa bansa.

****

Pinupuri ko ang bayan ng Lingayen at siyudad ng Dagupan, Pangasinan sa kanilang pakikiisa sa programang Barkada Kontra Droga ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Inaasahan natin na madaragdagan pa ang mga bayan sa aking probinsya na makikiisa sa kampanyang ito ng barkadahan laban sa bawal na gamot. Sa programa kasing ito, nilalayon ng DDB na makapag-parami ng bilang ng mga barkada na magpapa-kalat ng ating kampanya kontra droga.

Sa programa kasing ito, may kaakibat na activities kung saan itinuturo ang tamang pamamaraan kung paano ang isang kabataan ay makaiwas sa imbitasyon ng masamang bisyong ito.

Tinutulungan din ang ating mga kabataan ng iba’t-ibang pamamaraan kung paano mapagtitibay ang kanilang pagde-desisyon kung dumarating ang mga negatibong bagay sa kanilang buhay.

Sana ay gayahin ng iba pang mga bayan sa Pangasinan ang inisyatibo ng Lingayen at Dagupan City nang sa gayon ay madagdagan ang dami ng mga kabataan na namumulat sa epekto ng salot na droga.

****

Napakasipag at respetado ang Director-General ng PDEA kaya’t ako’y nalulungkot sa mga balitang lumalabas laban sa PDEA nitong mga huling araw.

Kung bakit naman kasi meron pa ring mga tauhan ang PDEA na may iba pang layunin sa kabila ng pagiging ahente ng PDEA!

Paano na maniniwala ang mamamayan sa ating kampanya laban sa droga kung mismo ang mga ahente ay gumagawa ng kalokohan??

Ang konsepto ng PDEA na maging isang sibilyan na ahensya ay upang hindi matulad sa ibang mga law enforcement agency na kinakain ng problema tulad ng kurapsyon, pag-abuso sa kapangyarihan at iba pa.

Maganda ang imahe ng PDEA na inabutan ko nang ako’y dumating sa DDB subalit sa mga nangyayari ay tila yata pilit na sinisira ngayon?  Sayang naman ang magandang naumpisahan ng PDEA noon at kawawa rin si Gen. Gutierrez dahil siya na ang ulo ng ahensyang ito ngayon. 

Sa aking pagkaka-alam, isang mabait, respetado at mabuting tao naman si Gen. Gutierrez, kaya’t sana naman, mag-isip-isip kayo diyan sa PDEA. Kung gusto ninyong rumaket ay bumitaw muna kayo sa serbisyo nang hindi madamay ang inyong pinuno at ang buong ahensya!

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa number ko: 09159509746 o di kaya  ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph)

No comments:

Post a Comment