Thursday, September 1, 2011

Kudos sa DSWD sa kanilang bagong programa

PINUPURI natin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa pagsulong nila ng bagong programa para sa kapakanan ng may 2,000 street children.

Ang naturang programa ay tinawag na “Bata, Bata, Marami kang Magagawa.”  Ito ay naglalayong hubugin at linangin ang mga kapabilidad ng mga street children, gayundin ang values formation ng mga ito nang sa gayon ay mabawasan at paglaon ay mawala na ang mga batang pakalat-kalat sa ating lansangan.

Ang mga street children na kalahok sa proyekto ay manggagaling sa siyudad ng Maynila, Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Pasig, Marikina at Mandaluyong.

Maganda ang nasabing proyekto dahil bukod sa mailalayo na sa lansangan ang ating mga kabataan ay mailalayo rin sa bisyo at droga ang mga ito!

Dagdag  pa rito ang paglinang sa kakayahan at personalidad ng ating mga kabataan.  Dahil dito ay matuturuan na sila upang maging kapaki-pakinabang na mamamayan at hindi na mga “eyesore” at kalat sa kamaynilaan.

***

Noong araw, ang pagdodroga ay gawain ng mga kabataan na walang magawa sa buhay. Ngayon, tila maraming puno na ng uban ang ulo ang nag-aadik-adik na rin! Kung ito ang kanilang paraan ng pakiki-uso, sila marahil ay nababaliw na!

Tingnan mo na lang itong si Antonio Torefranca, 54 anyos na at kilalang adik pa rin sa kanilang barangay sa Cagayan de Oro City.

Marahil dahil sa kanyang bisyo, madalas nakakaaway nitong si Mang Tony ang kanyang mga anak. Ayaw umanong kunsintihin ng kanyang pamilya ang kanyang masamang gawain. Sa katunayan, minsan pang sinampahan ng kaso si Mang Tony ng kanyang sariling anak!

Sadyang walang direksyon ang buhay ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Bukod sa pagdo-droga, mahilig din  makipag-inuman si Mang Tony. At noong nakaraang Huwebes, masaya siyang nakikipag-inuman sa Apovel Subdivision kasama ang kanyang barkada.

Bigla na lamang lumapit sa kanya ang isang hindi kilalang lalaki, bumunot ng kalibre .45 na baril at tatlong ulit pinaputukan sa ulo si Mang Tony. Matapos nito, kalmadong lumakad papalayo ang suspect, sumakay sa isang motorsiklo at sabay tumakas.

Wala na si Mang Tony. Hindi pa kilala ng pulisya ang killer at hindi pa rin tiyak ang motibo sa pagpatay. Subalit hinala ng hepe ng Bulua Police Station na si Romulo Paza, may kaugnayan sa droga ang naganap na krimen. Kasi po, bukod sa pagiging user ng droga, si Mang Tony ay suspected drug pusher din!

Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa, ngunit paki-usap, huwag natin siyang tularan! At diyan po nagwawakas ang isa pang totoong kwento ng isang tao na minsan ay “tumikim,” nalulong at napahamak dahil sa droga.

***

Nakakabahala ang dumadating sa akin na mga intelligence reports galing sa mga reliable source na may mga Kapitan, Konsehal at mga Mayor na protektor o kaya naman ay nagtutulak na ng droga.

Sabi nga nila “he who has the gold makes the rule”. Ito ba ay dahil sila ay makapangyarihan sa kani-kanilang mga lugar?  Mahiya naman kayo sa mga balat niyo! Kayo ay ibinoto ng mga nasasakupan niyo para maging ehemplo!

***

Isa sa mandato ng DDB ay ang pagbibigay ng seminar sa mga law enforcement officers, prosecutors at mga judges tungkol sa R.A.9165.

Ang “chain of custody” ay ang pinakamainit na pinag-uusapan tuwing may seminar. Subalit kahit anong seminar ng mga judges ay mababa pa rin ang conviction rate sa mga kaso ng droga.

Di kaya naman dahil sa mga seminar na ito ay natututunan din ng mga judges, prosecutors at law enforcers ang kahinaan ng batas?

Hindi kaya ito rin ay nagagamit  sa pag exploit at nagiging dahilan upang humina ang kaso at tuluyan maabswelto ang mga akusadong drug pushers at users?

Kaya naman pansamantala kong pinatigil ang pag-conduct ng seminar sa kadahilanang ito.

Ito ang dahilan kung bakit ang probisyon sa R.A. 9165 tungkol sa “chain of custody” ay kasalukuyang pinag-aaralan ng ating mga mambabatas para ma-amyendahan ang batas sa tulong ng iba’t ibang ahensya sa pangunguna ng DDB.

Ang batas kasi ay ginawa upang makatulong sa problema hindi upang maging karagdagang problema ng bansa!

(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa numberko: 09159509746 o ’di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph)

No comments:

Post a Comment