Ni Secretary Antonio "Bebot" Villar
LUBOS po akong nabahala sa isang liham na aking natanggap mula sa isang respetadong personalidad sa Muslim community na nagbubunyag na talamak na umano ang illegal drug trade sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ayon sa aking source, na hindi ko na muna papangalanan para sa kanyang kaligtasan, sangkot sa droga mula sa pinakamatataas hanggang sa pinakamababang mga opisyales ng pamahalaan sa mga probinsyang sakop ng ARMM.
Kabilang aniya sa mga protektor ng droga ang mga gobernador, bisegobernador, mayors, vice mayors, mga konsehal hanggang mga barangay chairmen!
Pati daw mga PNP provincial at station commanders ay nakiki-sawsaw na rin sa masamang gawain. At hindi lang ‘yan, pati raw mga negosyante at ibang mga ginagalang na tao sa kanilang komunidad ay nabahiran na rin ng drug money!
Ibinunyag pa ng naturang source na ang paglaganap ng iligal na droga sa ARMM ay pinasimulan daw ni dating Governor Zaldy Ampatuan! At pinakamalala raw ang problema ng drug addiction sa mga lalawigan ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi -- kung saan pangkaraniwan na lamang ang mga taong sugapa sa Shabu!
Napakabigat ng mga akusasyon na ito at ayaw ko sanang paniwalaan!Subalit bilang chairman ng Dangerous Drugs Board ay hindi ko maaaring balewalain ang ganitong salaysay mula sa isang “credible source” na handang lumantad sa tamang panahon.
Sa ngayon, ang tanging magagawa ko ay ang magpakalap ng impormasyon para patotohanan o pasinungalingan ang nilalaman ng liham na aking natanggap. Kailangan pakilusin ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para mabigyang linaw ang bagay na ito.
Bagama’t hindi nakakalampas sa ating kaalaman na ang problema mula sa ilegal na droga ay kalat sa buong bansa, hindi rin natin sukat akalain na ganoon kalala ang problema sa mga nabanggit na probinsya!
Kawawa naman ang mga residente doon kung ang problema ng poverty at insurgency ay madadagdagan pa ng talamak na drug addiction!
Sakaling totoo nga ang natanggap nating impormasyon, asahan niyo na hindi natin sasantohin kahit itong mga “warlords” sa ARMM! Ang droga ay hindi lamang problema ng Kristiyano, Muslim o ano pa mang pananampalataya! Itoý suliranin na tumatawid ng racial, ethnic at religious bounderies. Itoý problema na sambayanang Pilipino! Labanan po natin ang iligal na droga!
***
Isang bayan sa Batangas ang lunod na rin daw sa negosyo ng iligal na droga dahil ang namununo rito ay isang mataas na opisyal!
Sinasabi ng ating impormante na patuloy ang pagtaas ng pagtutulak at paggamit ng bawal na gamot sa kanilang bayan sapagkat wala raw magawa ang kapulisan!
Ang kapulisan daw ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mataas na opisyal at hindi maaaring suwayin kung kaya’t pati silang dapat manghuli ay nagtutulak na lang din!
Kawawang mamamayan at bayan! Saan ang tungo ninyo kung kayo ay alipin na rin ng negosyong ipinagbabawal??
Sino na ang maaasahan ng mamamayan lalo na ng mga kabataan kung ganito ang kanilang nakikitang trabaho ng opisyal na ito na kanilang inihalal?
Ang opisyal daw ay gumagamit ng “dummy” sa kanyang iligal na negosyo! Syempre, upang maprotektahan ang kanyang imahe na magsilbi kunwari sa bayan!
Kawawang bayan ito sa Batangas kung hindi mapipigil ang opisyal na ito sa kanyang lumalakas na negosyo na sumisira ng buhay!
***
Hindi mo na talaga basta masasabi kung sinu-sino ang mga adik ngayon! Pati mga taong akala mo ay kagalang-galang hindi mo alam ay mga sugapa na pala sa ipinagbabawal na gamot.
Ito ay senyales ng napakalala na ng problema ng ating bansa sa iligal na droga.
Tingnan mo na lang itong si Allan Patrick Atup, edad 38, court stenographer sa Butuan Regional Trial Court Branch 4, na inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos magsagawa ng raid sa kanyang condo unit sa Barangay Libertad sa Butuan City.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng isang search warrant dahil ang condo ni Atup ay pinaghihinalaang drug den. Nakumpiska mula sa nasabing lugar ang mga empty plastic containersna may traces umano ng shabu at assorted drug paraphernalia.
Huling-huli din si Atup na nakikipag-pot session kasama ang isang BS Education student na kinilalang si Kira Mae Pabia, edad 22. Hindi nila maitatanggi na sila’y nagdo-droga dahil pareho silang lumabas na positibo sa isinagawang drug test matapos ang insidente!
Ngayon, pareho silang nahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2001. May karagdagang kaso pang isasampa laban kay Atup dahil bukod na siya ang may ari ng alleged drug den, empleyado pa siya ng husgado!
Mantakin mo, isang court employee -- drug user pala! Ano ang kanyang moral authority na magtrabaho para sa isang institusyon na nagpapairal ng hustisya?
At sa kaso naman ni Pabia, ano na lamang ang kanyang ituturo sa kanyang mga estudyante kung tuluyan siyang maging isang teacher balang araw? Kaya niya bang pangaralan ang mga ito na umiwas sa iligal na droga?
Nakaka-awa sila dahil marahil silaý alipin na ng droga. Subalit pangkaraniwan na lamang ngayon ang kaso ni Atup at Pabia. Marami pang katulad nila. Mga taong maayos sa panlabas ngunit nabubulok na pala sa loob!
***
Sumulat sa atin ang isang opisyal ng PDEA upang magsagawa ng isang “Seminar-Workshop for Judges, Prosecutors and Law Enforcers “ para sa Region V. Isa kasi ang programang ito na ginagawa ng Dangerous Drugs Board (DDB), ayon sa Republic Act 9165.
Milyon na rin ang nagastos sa pagdadala ng programang ito sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa na naglalayon sanang makatulong upang mapaayos at mapa-bilis ang mga kaso ng iligal na droga sa ating mga korte. Sa katunayan, katuwang natin dito ang Supreme Court at ang Philippine Judges Academy (PHILJA).
Ngunit sa kabila ng programang ito, kapansin-pansin na marami pa rin ang drug-related cases na nadi-dismiss! Ibig ko sanang ipaalala sa ating mga naging participants ang kahalagahan ng seminar-workshop na ito na dapat ay makatulong sa kanilang paglilitis at hindi makatulong makapag-dismiss ng kaso!
Kung walang magandang resulta ang pag-sasagawa namin ng seminar na ganito sa mga kinauukulan, hindi ba’t parang nagsasayang lamang tayo ng pondo ng bayan???
(Para sa inyong impormasyon, suhestiyon, o reklamo, mag-text lamang po kayo dito sa numberko: 09159509746 o di kaya ay mag-email sa wagkukurap_101@yahoo.com.ph)
No comments:
Post a Comment