ANG inyo pong lingkod ay labis na natutuwa sa isinasagawang imbestigasyon ni DOJ Secretary Leila de Lima sa operasyon ng jai-alai na front daw ng jueteng ng Meridien Vista Gaming Corporation. Halos lahat naman kasi ng mga lokal na opisyal na kinausap ni Atong Ang ay alam kung ano ang tunay nitong operasyon. Hindi nga lang natin alam kung aamin ang mga lokal na opisyal dahil malaking porsyento ang mapupunta sa kanila kapag nagbigay sila ng permit sa Meridien.
Pinupuri din po natin si DILG Secretary Jesse M. Robredo dahil umaksyon na din po siya sa issue at kinumpirma nga nya kay Sec. De Lima ang “resurgence” ng jueteng sa probinsiya ng Pangasinan, Isabela, Oriental Mindoro at ilang parte ng Metro Manila at ang ginagawang front ng mga ito sa iligal na operasyon ay ang Meridien daw ni Atong Ang.
Sa salitang kanyang ginamit na “resurgence,” kinumpirma na rin mismo ni Sec. Robredo na matagal nang walang jueteng sa mga nabanggit na mga lalawigan at ito’y lumabas o umusbong lamang muli ngayong may front na itong Jai-alai.
Sino ba talaga ang nagbigay ng license o permit para mag-operate ang jai-alai na ginagawang front ng jueteng sa ibang mga lalawigan? May nagsabi sa atin na kamakailan lamang ay nakakuha sila ng “license to operate” mula sa Games and Amusement Board ngunit ito ay license na mag-operate lamang daw sa loob ng CEZA! Kaya nga ang ating tanong ay ligal ba ang operasyon ng jai-alai sa labas ng CEZA?!
Napakarami na ng mga lalawigan at bayan ang kanilang napasok sa buong bansa ngunit hanggang ngayon ay hindi pa din nila mapatunayan na ligal ang operasyon nila sa labas ng CEZA. Lalo na at maugong ang balita na ginagawa lang naman daw nilang front ang jai-alai sa kanilang jueteng at mashiao operations.
Isa pang tanong na hindi nila mabigyan ng kasagutan ay kung nagbibigay ba ng share sa gobyerno itong jai-alai na ito ng Meridien? At sino sa mga ahensya ng ating gobyerno ang may “supervision” sa sugal na ito para masabi na ligal sila? PCSO o GAB ba?
Kung mapapatunayan nila na ligal ang operasyon nila at may nakukuhang share at pakinabang ang gobyerno mula sa kanilang operasyon ay baka sakaling huminto na ako sa pagbatikos sa kanila!
Ito ang mga katanungan na dapat nilang sagutin at hindi kung sinu-sinong personalidad ang idinadawit nila kapag may mga nahuhuli silang mga tao na maaaring gumagamit sa kanilang front ng jueteng!
Teka muna, saang lugar ba naglalaro o nilalaro ang jai-alai na ito? Saan ba makikita ang fronton nito? Sana malaman din natin kung saan? Gusto lang naman natin dito ay makinabang ang gobyerno pati na ang lahat ng bayan sa buong Pangasinan!
Sa Pangasinan, hindi ko na kailangang magsalita, dahil kilala naman ako ng aking mga kababayan at alam naman nila kung sino ang talagang humahawak at nakatutok doon.
Kahit araw-arawin n’yo pa ang paninira sa akin at kahit anong mga kwento pa ang inyong imbentuhin, hindi kayo paniniwalaan ng mga kababayan ko dahil kilala nila ako at alam nila kung ano ang totoo!
Kung may mga mapaniwala man kayong tao sa mga paninira at “demolition job” niyo sa akin dahil mukhang napakalaki ng pondo na inilaan niyo para sirain ang reputasyon ko, hindi ako maaapektuhan dyan, kahit araw-arawin niyo pa dahil alam ko na lalabas at lalabas din ang katotohanan!
Sumasang-ayon din po tayo sa ihahaing resolusyon sa Mababang Kapulungan ni Congressman Erico Aumentado ng ikalawang distrito ng Bohol na hihiling ng isang malawakang imbestigasyon sa operasyon ng jai-alai dahil may nakikita itong anomalya at iligal dito.
Hihintayin natin ang pagpapatawag ng hearing sa Mababang Kapulungan at susubaybayan natin upang malaman kung sino talaga ang gumagawa ng istorya at nagsasabi ng katotohanan sa isyung ito ng jai-alai pero jueteng daw!
Kung ating matatandaan, kaya pinatigil ang jai-alai noong 1986 sa administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino ay dahil maraming alegasyon ng “game fixing” sa naturang sugal.
Hintayin na lang kasi natin ang Loterya ng Bayan! Ang gusto kasi natin lahat makikinabang! Hindi tayo para sa kung ano pa man, kung mapatunayan na tunay at ligal ang jai-alai na jueteng daw, titigil ako ng pagbatikos.
Ngunit habang hindi tayo sigurado at puro bulung-bulungan at paninira lamang ang ebidensya rito, patuloy tayong susulat upang tuluyang mamulat ang mga responsable dito.
Sa mga tinatamaan sa isyung ito, hindi n’yo na kailangang siraan ako at ang pamilya ko. Ako’y anak ng Pangasinan at kami ay kilala ng aking mga kababayan mula sa aking pinag-ugatan.
Patuloy akong nanawagan sa mga opisyal ng aking lalawigan sampu ng ating mga kasamang lingkod-bayan na nakatutok sa isyung ito, ito na ang tamang panahon upang maramdaman ng bayan ang ating sinseridad sa ating pagganap ng tungkulin sa bayan at pagtahak sa tuwid na daan.
No comments:
Post a Comment