UMARANGKADA uli ang iligal na sugal na negosyo niya at ngayon naman, ang mahal naming probinsiya ng Pangasinan ang pinasukan niya.
Ito ang laman ng aking talumpati noong Martes nang maging panauhing pandangal ako sa 431st Founding Anniversary ng Pangasinan at pangalawang taon lamang na selebrasyon ng tunay na Agew na Pangasinan (Araw ng Pangasinan) sa pamumuno ni Gobernador Amado Espino Jr. na siyang nagpasimuno upang bumuo ng isang Research Group para maisagawa ang “historically correct” na pagkakatatag ng Pangasinan.
Kamakailan lamang ay pinulong ni Atong Ang ang mga mayor ng Pangasinan sa isang hotel sa Lingayen, Pangasinan. Marami-rami rin ang pumunta ayon sa aking bubuwit.
Ang siste, jai-alai daw ang i-o-operate ni Atong sa Pangasinan. Sa pagkakaalam ko, kuwestiyonable pa ang operasyon ng kanyang Meridien Vista Gaming Corporation sa Cagayan Export Zone na doon lamang puwede at hindi dapat gamitin sa labas ng naturang lugar.
Hindi naman tayo tanga para paniwalaan ang salita ng notorious na taong ito. Naturalmente, jueteng ’yan in the guise of jai-alai!
Ang style ni Atong, ginagamit pa niya ang mga taga National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para magsagawa ng mga raids dito sa iba’t-ibang bayan sa Pangasinan upang hulihin ang mga pobreng kobrador na nagbabakasakaling kumita maski konti sa kanilang hanap-buhay bagamat guerilla na lang maituturing ang mga ito.
Gusto kasi ni Atong na matigil sila para siya na ang maghari. Ang masama, mukhang nagpapagamit ang mga taga NBI pati ilang taga Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para mawala sa landas ang kalaban sa operasyon ni Atong Ang.
* * *
Lumipas ang ilang araw at ayon pa sa aking bubuwit ay nagkaroon daw ng delivery ng espesyal na regalo (parang naka-bundle diumano, pera kaya ’yun?) sa bahay ng ilang opisyal ng bayan!
Kaya’t ito na nga, nagsimula na ang operasyon ng jai-alai (kuno) pero jueteng din naman sa ilang bayan sa Pangasinan at binigyan ng Mayor’s Permit si Atong.
Kaya, Atong rides again and happy days are here again para sa mga ilang mayor ng Pangasinan.
Nalaman ko na ang mga pangalan ng mayor na mukhang naabutan na ni Atong ng biyaya at pikit-matang binigyan siya ng permit. Ilan sa kanila ay malapit sa akin.
Nakakalungkot at nakaka-high blood.
Nasaan na ang kanilang prinsipyo?!
Kayong mga mayor na tumanggap, mga buwaya kayo! Nawala na ang respeto ko sa inyo!
Panay daw kasi ang labas ng kanilang sariling pera upang matugunan ang mga hiling ng kanilang kababayan. Mula sa sunud-sunod na eleksyon hanggang sa mga solicitation sa graduation, fiesta, kasal, binyag, libing, etc., walang tigil diumano at talagang said na said na ang naitatabi nilang pera.
Ang tanong ko naman: Puro na lamang ba pera ang nasa isip ninyo?! Hindi niyo na lamang mahintay ang ilalagay na “loterya ng bayan” na kung saan kikita ang bayan at maraming tao ang matutulungan mula sa pondong makukuha dito.
* * *
At sa mga taga NBI at CIDG na ginagamit ni Atong sa kanyang pagkakaperahan, ito ang tanong ko: May basbas kaya sila nina Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at ni NBI Director Magtanggol Gatdula?
Alam niyo ba ito Sec. Robredo at Director Gatdula? Namantikaan na rin ba kayo ni Atong Ang?
Hindi ito ang tinatawag at gustong daan ni Pangulong Noynoy! Mukhang liku-liko na yata ang daan ninyo. Papuntang Kennon Road na ba kayo?
Dapat hintayin na lang ang implementasyon ng Loterya ng Bayan na ligal na kapalit ng jueteng na isinusulong ng gobyerno. Ito na lang ang suportahan ninyo hindi ’yong taong kaduda-duda ang personalidad. Pangalan pa lang ng taong ’yan, nakakasuka na.
Baka nakakalimutan ng ating mga mayor kung anong klaseng pagtra-traydor ang ginawa ng taong ito sa dating nag-alaga sa kanya na si dating Pangulong Erap na pinakinabangan niya ng todo pero nilaglag din niya para sa pansarili niyang kapakanan noong masabit sila sa isang mabigat na asunto.
Maraming tinawagan si Atong Ang. Sinabi nga sa akin ng aking Chief of Staff na si Jeff Patawaran, na nagkausap sila ni Atong at nabanggit nga daw sa kanya na ang unang nakausap at nagdala sa kanya sa Pangasinan ay si Cong. Rachel Arenas. Totoo ba ito Cong. Rachel? Kunwari ka pang ayaw mo ng sugal ngunit mukhang namantikaan ka na rin yata ni Atong Ang? Nakakahiya ka naman kung totoo ito.
“Ang Pangasinan ay para sa mga Pangasinense lamang!”
Maaaring hindi mo ito maiintindihan Cong. Rachel dahil ’di ka naman talagang lumaki sa Pangasinan.
Kung sino man ang ginagamit na ninong ngayon nitong si Atong, mag-ingat kayo at sobrang makamandag ’yan! Baka kayo ang susunod niyang tuklawin!
Sa mga kababayan ko sa Pangasinan, hahayaan na lang ba nating maghari-harian sa Pangasinan ang estrangherong ito? * * *
No comments:
Post a Comment